Ika-Apatnapung Kabanata

338 23 18
                                    





Malalim na ang gabi ngunit tulala pa rin ako sa aking silid habang nag-iisip. Nang aking marinig ang balita mula kay Señor Roberto na isa ako sa mapapabilang na polista ay hindi na natigil pa ang aking pangangamba.

Ang unang pumasok sa aking isipan ay ang aking pamilya. Sino na lamang ang titingin at magtataguyod sa kanila sa loob ng apatnapung araw na wala ako? Maaari ko man silang ipagbilin kina Tatay Berto ay nahihiya ako. Malaki na ang naitulong ng kanyang pamilya sa amin. Kalabisan na kung pati ito ay kanila pang sasaluhin.

Tahimik kong tinungo ang maliit na aparador sa gilid ng aming papag upang kunin ang aking ipon. Tulog na kasi si Lucas at tanging ang maliit na kandila lamang ang nagsisilbing liwanag sa aming silid. Maingat ko rin itong inilabas upang hindi kumilansing ang mga barya na nasa loob ng maliit na baul upang simulan ang pagbibilang. Nabanggit kasi ni Ignacio na maaari akong matanggal sa listahan kung magagawa kong makapagbayad ng buwis na tinatawag na falla.

Ngunit napabuntong-hininga na lamang ako nang matapos kong bilangin ang itinatabi kong salapi sapagkat hindi ito sapat. Kung tutuusin, hindi ko rin naman masisikmura na gamitin ang salaping inilaan ko para sa kinabukasan ni Lucas para lamang sa aking pansariling kapakanan. Malungkot kong ibinalik ang baul at tinakpan ito ng aking mga damit bago muling humiga.


Sa totoo lamang ay inalok ako ni Ignacio na bayaran ang kaukulang falla upang hindi ako mapabilang sa mga ipapadala sa Sugbu. Kung nanaisin ko rin daw ay maaari niyang kausapin ang kanyang ama at ina upang ako'y pahiramin ng sapat na salapi. Ngunit mariin kong tinanggihan ang kanyang mungkahi. Batid ko na nais lamang niyang tumulong at maganda ang kanyang layunin.

Ngunit sobra na ang naitulong niya at ng kanyang pamilya sa akin. Hindi ko na kayang dagdagan pa ang utang na loob na mayroon ako sa kanila. Hindi ko na alam kung paano iyon babayaran gayong sila pa rin ang nagpapasahod sa akin.


Bukod sa aking pamilya at mga maiiwan ko rito, sumagi rin naman sa aking isipan ang mga maaaring mangyari sa aking sarili. Hindi naman lingid sa aking kaalaman na marami ang hindi na nakakabalik sa kanilang pamilya pagkatapos ipadala bilang polista.

Nasa San Rafael pa lamang ako ay naririnig ko na ang mga kwento na hindi tinatrato ng tama ang ilan sa mga polista. Mabigat raw ang mga ipinagagawa sa mga ito at kung minsa'y hindi sila pinagpapahinga at pinapakain ng tama. Gaya na lamang ng nangyari sa anak ni Mang Lito na namatay sa hindi malamang dahilan nang ipadala rin ito sa Sugbu.

Katulad din ito sa mga isinalaysay ni Agustin noon. Minsan na rin kasi siyang ipinadala bilang polista nang siya ay labing-anim na taong gulang pa lamang. Kasabay niya ang asawa ng kanyang kapatid na si Kuya Luisito. Malinaw pa sa aking alaala ang kanilang hitsura nang makabalik sila rito. Nawala ang kanilang mga pisngi tanda ng pagbagsak ng kanilang timbang. Isinalaysay rin nila ang mga hindi magagandang naganap roon sa Cavite kung saan sila ipinadala upang magtayo ng simbahan.



Magmula nang ako'y dumating rito ay nakiki-usap ako na huwag munang ipadala bilang polista. Iyon ay sapagkat ako lamang ang inaasahan ng aking pamilya. Isa pa ay mayroon din akong dugong Kastila. Hindi man makatarungan ay 'di ko maipagkakailang nagamit ko ang katotohanang iyon para sa aking kapakanan.

Dapat ay kabilang rin ako kasama nina Agustin, ngunit pinayagan ako ni Heneral Luciano nang ako'y maki-usap sa kanya. Kapapanganak lamang din kasi kay Lucas noon at parehong may mabigat na karamdaman sina Lolo at Lola. Umalis na rin si ina noong mga panahong iyon kaya't walang ibang maaasahan at maiiwan para sa aking pamilya.

Ang tanging suliranin ko na lamang ngayon ay hindi ko na batid kung pakikinggan at uubra pa ang pakiki-usap sa pagkakataong ito. Hindi ko batid kung hanggang kailan ako makiki-usap, ngunit iyon lamang ang nakikita kong paraan upang hindi ako maipadala sa Sugbu.



Sa Talon ng San VicenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon