Computer

18 5 0
                                    

CHAPTER 2: COMPUTER

"Ate, hindi ba nagigising ka sa umaga?" Tanong sa akin ni Sei. May ngiti sa kaniyang labi, ngiting may kung anumang balak na gustong gawin mamaya.

Tumango lang ako sa kaniya. "Ate." May lambing sa boses niya at mukhang may kailangan nga talaga siya. "Ate, mamaya po buksan mo yung Wi-Fi. Sige na po, please?"

At dahil sa nagpapa-cute itong isa ay napa-oo na lang ako. Masaya siyang naghanda ng lamesa para sa tanghalian namin. Habang ako naman ay pumunta sa kusina at kinuha ang ulam at kanin. Parang hindi pa ako nadala sa nangyari noong nakaraang gabi.

Isang linggo na ang nakalipas nang mangyari ang nakakikilabot na pangyayaring iyon. Minsan ay hindi lang talaga mawala sa isip ko kahit na pilit kong kinalilimutan iyon. Iniba na rin namin ni Mama ang ayos ng kwarto, nakatapat na kami ngayon sa air conditioner at si Papa naman ay nasa dulong bahagi ng kwarto kung saan nakalagay ang kama namin noon.

Inihanda ko ang mga ito sa hapag at tinawag sila Mama at Papa. Habang kumakain ay nagkukwento kami tungkol sa trabaho ni Mama, sa mga balita, at tungkol sa mga paggising ko sa madaling araw.

Noong nakaraan kasi ay nahuli ako ni Mama na gumagamit ng cellphone. Kinuha niya ito at pinagalitan ako sa madaling araw. Nakakainis man ay wala akong magagawa. Mas maganda na sigurong siya lang nagising kaysa si Papa. Dahil kung mamalasin ako at si Papa ang makahuhuli sa akin ay malamang wala akong cellphone ng isang buwan.

Nang matutulog na kami ay sumabay si Sei sa pagpasok ko sa kwarto. Kaming dalawa ang unang natutulog sa aming apat, kaya naman may oras pa kaming dalawa mag-chikahan. Nang makahiga ay nagsimula na kaming mag-usap. Napapagalitan pa kaming dalawa dahil buong araw kaming magkasama at hindi pa natatapos ang pag-uusap namin.

Napansin kong malapit na mag-alas onse y media kaya sinabihan ko si Sei na dapat ay matulog na kaming dalawa. Sumang-ayon naman siya. "Ay, Ate! Mamaya ha? Saksak mo yung computer para may Internet." Pangisi-ngisi pa siya sa akin at may pag-alog pa sa aking braso.

"Oo na, oo na. Hindi ko pa nakakalimutan iyon. Matulog ka na at nahihilo na ako sa kaaalog mo sa akin." Sumunod naman siya at nagpasalamat.

Madaming alam ng batang ito. Malamang ay nagmana ito sa akin, ang mabait ko talagang ate kahit kailan.

Nagtaklob ako ng kumot at natulog.

Sa gitna ng mahimbing na pagtulog ko ay may naramdaman akong gumigising sa akin. "Ate! Ate! Gising na. Sinaksak ko na po yung computer, ha? May Internet na po." May tuwa sa tono ng boses niya dahil nagawa niya ang gusto niya.

Naalimpungatan ako sa kaniya at idinilat ko ang aking mga mata. Hindi ko masyadong makita pero mukhang bata ito. Baka si Sei.

Masaya ang tono ng pananalita niya at parang nakangiti siya sa akin. "Oo na, mamaya na. Tutulog muna ako."

Pumikit ulit ako at nakatulog.

Sa pangalawang pagkakataon ay nagising ulit ako na para bang pumikit lang ako. Walang bakas ng antok o galing ako sa pagtulog. Parang tulad noon ay nagtataka na lang ako bakit ganoon ang nangyayari sa akin. Sa ibang parte naman ay nagpapasalamat akong nagigising ako sa madaling araw dahil magagamit ko na naman ang cellphone ko. Sa asta ko ay para bang kulang pa ang buong araw na paggamit ko.

Naalala ko ang sinabi ni Sei sa akin kanina na sinaksak niya ang computer. Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang Wi-Fi.

"Hm, oo nga. Sinaksak niya."

Nakita ko rin na alas tres palang.

Tumingin ako kay Sei at nakita kong tulog na ito. "Baka kanina pa ito nagse-cellphone." Hinayaan ko lang siya na natutulog at nag-cellphone lang ako.

Katulad ng dati, nanonood lang ako ng mga videos sa YouTube o kaya naman ay nagbabasa ng kahit anong libro sa Wattpad habang nakikinig ng musika. Hindi ako mapakali dahil may salamin sa aking gilid. Sa hindi mawaring dahilan ay takot akong tumingin doon hindi dahil sa mukha ko, kung hindi dahil sa kung anong pwede kong makita. May mga pinaniniwalaan ang mga matatanda at sabi ni Mama ay "hindi naman masamang maniwala", kaya nadadala ko ito.

Nang mapansin ko na alas cinco na ng umaga ay nagdesisyon na akong matulog ulit dahil magigising na si Papa. Pilit ko pa ring hindi tumingin sa salamin dahil sa takot.

Maaga kasi itong nagigising kaysa kay Mama. Siya ang taga gising naming tatlong babae dahil may pasok kaming lahat.

Inilagay ko sa ilalim ng kama ang aking cellphone at natulog na nang tuluyan.

Nang magising ako ay kinuha ko agad ang cellphone ko at lumabas ng kwarto. Inilapag ko ito sa lamesa ng dining room at dumiretso sa banyo para maligo ng mabilis dahil alam nilang mabagal talaga akong kumilos.

Pagkatapos ko magbihis ng uniporme ay pumunta ako sa sala. Nandoon si Sei na nanonood ng TV. Hinihintay na lang namin na tawagin kami ni Papa para kumain sa hapag habang wala pa ang aming service. "Sei, sinaksak mo ba yung computer kagabi?"

Tumingin siya sa akin at sinimangutan ako. "Hindi ah. Hindi naman ako nagising kaninang madaling araw. Nakakainis nga eh."

Napahinto ako bigla. Bigla akong nakaramdam ng kaba. Anak nga naman ng pating, oh! Huwag namang ganyan. Ito na naman ba ulit?

"Anong kulay ng suot mo kagabi?" Tanong ko sa kaniya. May halong kaba at humihiling na sana ay parehas kami ng sagot.

"Black. Yung Wolf 88." Simpleng sagot niya sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingin sa kaniya na patuloy na nanonood ng TV. Nanlamig ang buo kong katawan sa naging sagot niya. Bakit ganoon ang sagot? Bakit hindi siya nagising? Hindi, baka mali lang siya ng sagot. Nang-iinis lang siguro siya. "Sei, huwag mo na akong takutin. Ano nga suot mo?"

Inis siyang lumingon sa akin, "kulay black nga, hindi ako nagising kaninang madaling araw. Kulit mo naman, 'Te." Pasinghal niyang sagot.

S-sino yung batang g-gumising sa a-akin? At naka puti siya!

Patrixia, Wake UpWhere stories live. Discover now