“Ah, oo nga pala!” Kakamot-kamot si Jimmy sa likod ng ulo. “Pasensiya na. Wala na kasi akong ibang maisip na maikwento sa iyo. Akin na pala muna iyang pizza. Itatabi ko muna.”

Kinuha nito sa kaniya ang pizza at nagpunta sa kusina. Akala yata ni Jimmy at iyon ang paborito niya dahil nang minsan siyang tanungin nito kung anong gusto niyang ipabili sa bayan ay pizza ang isinagot niya. Ibinalik ni Krystal ang mata sa telebisyong maliit. Nauulinigan niya ang pag-uusap nina Jimmy at Martha sa kusina. Parang nagagalit si Martha nang may nabanggit na pangalan ng isang lalaki si Jimmy. Kung hindi siya nagkamali sa pagkakadinig ay isang Romer dela Torre ang narinig niyang pangalan.

“Putang ina talaga iyang Romer na iyan! Napakakulit!” gigil na sabi ni Martha.

“Pinipilit nga po ako na kumbinsihin kayo nang makita ako sa bayan. Pero sabi ko ay pinal na ang desisyon natin na hindi natin ibebenta ang lupa.”

“Mabuti kung ganoon! Bwisit iyan sa buhay natin! Kapag ako napuno, makikita ng lalaking iyon ang hinahanap niya. Ibabaon ko siya sa lupang gusto niya!”

Dinampot ni Krystal ang remote at nilakasan ang volume kaya hindi na niya narinig pa ang pinag-uusapan ng dalawa. Wala siyang interes na malaman kung ano iyon. Kahit kasi ang boses ng dalawa ay ayaw na niyang marinig hangga’t maaari.


-----ooo-----


“NASA isang saradong peryahan ako. Parang awa niyo na, tulungan niyo ako! Hindi ko na kaya ang ginagawa nila sa akin dito! Gusto ko nang umuwi. Tulungan niyo ako!”

Hindi na alam ni Grace kung ilang beses niyang pinanood sa cellphone niya ang video na in-upload ni Krystal Cuevas sa Facebook nito bago iyon mag-deactivate. Ang kopya na pinapanood niya ay pinost ng isang Facebook page at may caption na: Maniniwala pa ba kayo kay Krystal Cuevas?

Lahat ay pinagtatawanan si Krystal dahil inulit lang daw nito ang gimik nito dati. Pero iba ang pakiramdam niya. Parang totoo iyong takot na nakikita niya sa mukha ni Krystal habang nagsasalita sa video. Saka iyong sugat nito sa bibig na sinasabi ng iba na make-up lang ay totoo ang tingin niya.

Noong una ay nakumbinse siya na fake na nakidnap si Krystal dahil sa nagkaroon ng kaunting investigation sa parte ng mga pulis. Saka umamin din ito. Nagtataka lang siya kung bakit uulitin ng isang tao ang bagay na ginawa nito noon na naging dahilan para ma-bash at ma-bully ito sa online world.

Attention-seeker nga lang ba si Krystal Cuevas o totoong nasa panganib ang buhay nito?

“Hoy, Grace!” Muntik nang mapasigaw sa gulat si Grace nang biglang sumulpot sa tabi niya si Ella. Nakaupo siya sa isang bench sa school nila. Break time nila ng oras na iyon.

“Nakakagulat ka naman, Ella!” Sumimangot siya.

“Ano ba kasing ginagawa mo—” Natigilan ito pagtingin sa kaniyang cellphone. “Seriously? Hindi ka sumama sa akin para kumain dahil kay Krystal Cuevas? Grace, kinakabahan na ako sa iyo. Umamin ka nga sa akin. Tomboy ka ba at bet mo si Krystal?”

“Baliw!” Inambahan niya ng suntok ang nagbibirong kaibigan.

“Charot lang! Pero alam mo, ikaw ang mababaliw dahil till now ay pinapaniwalaan mo pa rin ang gimik ng babaeng iyan. She’s saying na nakidnap siya at totoo na this time pero panay ang post niya ng pictures niya sa IG. Duh! Scammer talaga!”

“May IG siya?”

“Yes. Hindi mo alam? Panay panood mo sa videos niya pero hindi mo alam na may IG siya? 'Eto…” Inilabas ni Ella ang cellphone at pinakita sa kaniya ang IG account ni Krystal Cuevas. “Fino-follow ko siya kasi ang sarap magbasa ng pamba-bash sa kaniya.”

CHAINS II: The Kidnapping Of Krystal CuevasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon