CHAPTER 09

3K 152 28
                                    

“HAPPY weeksary!” Bahagyang nagulat si Krystal habang nanonood ng telebisyon sa salas nang biglang may inabot na isang box ng pizza si Jimmy sa kaniya.

Galing ito sa bayan at kakauwi lang. Inutusan kasi ni Martha na bumili ng punla ng mga gulay kaya sila lang ng nanay nito ang naiwan. Nasa kusina si Martha at abala sa pagluluto ng kanilang tanghalian.

Isang linggo na ang mabilis na lumipas simula nang pumayag si Krystal sa gusto nina Jimmy na hindi na siya tatakas. Ang totoo niyan ay bukal sa puso niya ang ipinangako niyang iyon. Natatakot na kasi siya na baka tuluyan na siyang mamatay kapag sinubukan niyang tumakas at mahuli ulit siya. Ngunit sa kaloob-looban ng puso niya ay umaasam pa rin siya na makakaalis siya dito at muling makakasama ang kaniyang tatay. Labis na kasi siyang nag-aalala dito dahil matagal na siyang wala sa bahay.

“Ang sabi ko, happy weeksary! 'Eto na ang paborito mong pizza. Kunin mo na, Krystal!”

Hindi niya kayang tingnan ng diretso si Jimmy. Sa pizza siya nakatingin. Sa tuwing nakikita niya kasi ang lalaki ay naaalala niya ang mga ginagawa nito sa kaniya. Sapilitan itong nakikipagsiping sa kaniya. Hindi na niya magawang tumutol dahil natatakot siyang maparusahan o ibalik sa basement.

Sa kasalukuyan ay wala na siya doon bagaman at nakakabit pa rin sa kaliwang paa niya ang kadenang may bolang bakal. Nagagawa niyong pabagalin ang paglalakad niya dahil sa bigat. Pero mas mabuti na iyon dahil kahit papaano ay nakakakilos siya at nakakapunta sa ibang parte ng bahay. Minsan ay nagagawa niyang magpa-araw sa labas basta hindi siya lalampas sa mga bakod.

Si Jimmy na rin ang may hawak ng lahat ng social media accounts niya. Nang ibigay niya ang password sa Facebook niya ay binura nito ang video na in-upload niya. Di-neactivate na rin nito ang Facebook niya at ang itinira lang ay ang kaniyang Instagram. Iniisip siguro ni Jimmy na baka magtaka ang mga kakilala niya kapag lahat ng social media account niya ay naka-deactivate. Paminsan-minsan ay nagpo-post si Jimmy ng mga lumang pictures niya sa Instagram niya para kunwari ay ayos lang siya at mabura ang ilang naghihinala sa video na in-upload niya dati habang humihingi ng tulong.

Medyo naghihilom na rin ang mga sugat niya pero bakas pa rin sa mukha at ibang parte ng kaniyang katawan ang pasa dahil sa pambubugbog ng mag-ina sa kaniya. Magkatabi na rin sila ni Jimmy na natutulog sa kwarto nito. May mga pagkakataon nga na naiisip niyang takpan ng unan ang mukha ng lalaki hanggang sa mamatay pero pinangungunahan siya ng takot. Kapag naiisip niya ang mga parusang ginawa sa kaniya noon ay umaatras na lang siya sa naiisip.

Binuksan ni Krystal ang kahon ng pizza at nalanghap niya ang nakakatakam niyong amoy. “S-salamat.” Matipid niyang sambit.

“Mamayang gabi natin iyan kakainin, ha. Doon tayo sa carousel. Magde-date tayo dahil one week na ang relasyon natin.” Kinikilig na humagikhik si Jimmy. “Nakasakay ka na ba sa ganoon?”

Hayop ka! Mabuhay ka sa ilusyon na kasintahan mo ako! Sigaw ng utak niya.

“Oo. Pero matagal na,” bagkus ay iyon ang sinabi niya.

Pinipilit ni Krystal na makisama sa mag-ina para makuha ang tiwala ng mga ito. Gusto na kasi niyang maalis ang kadena sa paa niya para mas maging malaya ang kaniyang pagkilos. Kahit kasi sa pagpunta sa banyo ay nakakabit pa rin iyon sa kaniya. Para na nga siyang may kakambal na palaging nakadikit sa kaniya, e.

Masayang pumalakpak si Jimmy. “Ayos pala! Mamayang gabi ay makakasakay ka na ulit. Alam mo ba na dating masigla ang peryahan namin? Kaya lang—”

“Humina nang nawala ang tatay mo,” putol niya sa ikukwento sana nito.

“Paano mo nalaman?”

“Maraming beses mo nang naikwento iyan sa akin.” Sadya niyang pinutol ang pagkukwento ni Jimmy dahil sumasakit na ang tenga niya sa paulit-ulit nitong kwento tungkol sa tatay nitong bigla na lang nawala at hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik.

CHAINS II: The Kidnapping Of Krystal CuevasWhere stories live. Discover now