Pagkapasok ni Brent ay bumungad sa kanya ang spiral na puting hagdanan na may hand rail na gawa sa ginto. Nakita niyang umakyat si Sik at mabilis siyang sumunod. Nang marating ang ikalawag palapag ay iginiya siya ni Sik sa harap ng isa sa mga kwartong naroon. 

Bago binuksan ni Sik ang pinto ay nilingon siya nito saka nagsalita. "Nandito sa loob ang mga kaibigan mo. Maayos na ang kanilang kalagayan pero lahat sila ay nagpapahinga pa. Kaya kung maaari ay makikiusap ako sa inyo na huwag gambalain ang kanilang pamamahinga."

Tumango si Brent. 

Binuksan ni Sik ang pinto. Nang makapasok sa loob ng kwarto ay nakita ni Brent ang dalawang higaan kung saan nakahiga sina Althea at Glazelyn. Dahan-dahan niyang nilapitan ang mga ito. Sa bawat hakbang niya papalapit ay naramdaman niyang unti-unting sumisikip ang kanyang dibdib lalo na nang marating niya ang paanan ng dalawang higaan. Sa kinatatayuan niya ay mas naging klaro sa kanya ang sakit at lungkot na mababakas sa mukha ng mga ito kahit nakapikit at natutulog. Sobra siyang na-guilty dahil wala siyang nagawa upang protektahan at ilayo sa panganib ang mga ito. Iniwan niya ang mga ito upang habulin si Jeric. Sarili lang niya ang inisip niya. 

Humakbang pa siya upang lapitan si Glazelyn. Nang mapansin ang pasa nito sa mukha ay hindi na niya napigilan ang mapaluha. Inabot niya ang kanang kamay nito at hinawakan nang mahigpit at gamit naman ang kaliwang kamay ay hinaplos niya ito sa may noo. 

Pumikit siya at huminga nang malalim. Isinumpa niya sa sarili na kung sino man ang mga naka-engkuwentro niya kanina ay sisiguraduhin niyang pagbabayaran ang ginawa kay Glazelyn. 

*******

NAKATAYO sa main terrace na nasa ikatlong palapag ng Clavis si Ephilus. Magha-hatinggabi na pero maliwanag na maliwanag pa rin ang kapaligiran. Tumatakbo ang oras pero walang nangyayaring pagbabago. 

Ito ay dahil walang gabi sa Clavis. Walang sulok na madilim maliban sa bartolina na matatagpuan sa ilalim ng Clavis. Ang pinagsanib na kapangyarihan ng mga Vecrons ang siyang dahilan ng mahikang ito. Sa abot ng kanilang makakaya ay ginawa nila ang Clavis na maging katulad ng Laveris. 

Isang maliit at huwad na Laveris. 

Nilanghap niya ang simoy ng hangin na sapat na upang makapag-isip nang maayos pero kahit kailan ay hindi matutumbasan ang kalidad na katulad sa nasira niyang mundo. 

"Wala ka nang dapat ikabahala, Ephilus," sambit ni Theone na nakatayo sa kanyang likuran. "Sinigurado ko na walang kaalam-alam ang mga tao sa nangyaring kaguluhan sa kanlurang bahagi ng university. Sa pagkakaalam nila ay isang simpleng lindol lang ang nangyari na naging sanhi ng pagsabog at sunog. Nawala rin ang bakas ng kapangyarihan ni Althea pagkatapos siyang kunin ni Andrei sa lugar kaya isang malaking bitak at sunog lang ang naabutan ng 911 team." 

"Paano naman ang mga magulang ng mga bata? Hindi ba sila hinahanap?" 

"Na-retrieve naman ang cellphone nila at pinadalhan ng text ang kaniya-kaniyang mga magulang na maayos naman ang kanilang kalagayan at sila ay mag-o-overnight sa bahay ng isang malapit na kaibigan. Hopefully sapat na ang excuse na iyon." 

Nilingon niya si Theone. "Salamat, kaibigan. Umasa tayong magigising at makakabangon kaagad sila upang hindi na maging malala ang problema." 

"Mabuti na lang at hindi kami nahuli ng dating ni Arleigh," dagdag ni Theone sabay hinga nang maluwag. 

Panandaliang hindi kumibo si Ephilus saka tipid na ngumiti. Ilang segundo ang lumipas ay nakarinig sila ng mga yabag. Pareho silang napalingon ni Theone sa pinanggalingan nito at nakita nila si Arleigh na naglalakad papalapit sa kanila. Tahimik at mabagal ang mga hakbang nito. Bahagyang nakayuko ang ulo na iba sa kinagawian dahil madalas itong nakataas ang noo at mala-reyna ang lakad, kilos at dating.  

The Heart of Laveris: The Rise of Laverians Where stories live. Discover now