Chapter 12

466 15 0
                                    

"INAY, Itay, patawarin niyo po sana ako." Luhaan si Kaye matapos ipaalam ang kalagayan sa magulang. Kumpirmadong buntis siya. Nanginginig ang kamay, hawak niya ang pregnancy test at positive ang lumabas. Hindi niya magawang ilihim sa magulang ang kalagayan. Ipinaalam na rin niya ang tungkol kay Earl.

Lumapit sa kanya si Caridad, "Okay lang iyan, anak. Ang importante ay narito ka. Lahat naman tayo ay nagkakamali. Sabi nga ay walang perpektong tao sa mundo. Lahat ay makasalanan. Ang mahalaga ay ang ngayon at ang magiging anak mo, ang apo namin." Hinagod-hagod ng ginang ang likod ng anak.

"Inay..." Agad siyang napayakap sa ina. Umiyak siya nang umiyak.

Sabay na napalingon ang mag-ina nang tumayo at umalis si Arturo. Napatitig si Kaye sa ina. Humihingi ng saklolo.

"Hayaan mo lang siya, anak. Kung nagtatampo man siya o galit, alam kong hindi ka niya matitiis." Pinasadahan ng palad nito ang lampas-balikat niyang buhok at saka ngumiti.

Kahit natatakot ay sinundan ni Kaye ang ama. Alam niyang masama ang loob nito. Naabutan niya ito sa likod ng bahay na nagsusunog ng mga dahon.

"I-itay..."

"Anong ginagawa mo rito? Pumasok ka na sa loob, makakasama sa kalusogan mo ang usok."

Sa halip na sundin ang ama ay mabilis na niyakap niya ito. "Itay, alam ko po na galit kayo sa akin. Humihingi po ako ng paumanhin sa nagawa kong pagkakamali."

Ibinaba ni Arturo ang kalaykay, "Hindi ako galit sa iyo, anak. Ano pa ba ang magagawa ko, e nandiyan na 'yan?! Hindi ko lang maalis na sisihin ang sarili ko sa nangyari. Marahil, kung hindi ako nagkasakit ay hindi ka pupunta sa Manila. Disinsana ay hindi nangyari sa iyo iyan."

"Itay, huwag mo pong sisihin ang sarili niyo. Wala po kayong kasalanan. Nagkataon lang po na maling tao ang minahal ko." Napangiti siya at hinigpitan pa ang pagkakayakap sa ama.

"O siya, pumasok ka na sa loob. Masama ang usok sa buntis at ayaw ko na maghihirap ang apo ko."

Lumapad ang pagkakangiti ni Kaye, "Love you, 'tay. Mahal na mahal ko po kayo," aniya sabay halik sa pisngi nito.

Maya-maya pa ay sumulpot si Caridad, "Anak, may bisita ka." Nakangiti ito habang nasa likuran ang tinutukoy.

Sabay na napalingon ang mag-ama at ganoon na lamang ang pagkagulat ni Kaye nang mapagsino ang tinutukoy ng ina.

"M-menchi, pa-paanong--nakalaya ka na!" Halos magkulay-suka ang anyo ni Kaye. Nanlamig ang palad niya na hawak ng ama. Nanginig ang buong katawan. Mabuti na lamang at nakaagapay ang ama niya.

"H-hi, Kaye," anito na sinundan ng maliliit na hakbang palapit sa dalaga.

Napa-urong si Kaye. Nabanaag ni Arturo ang takot sa mukha niya.

"Anak, bakit? May problema ba?"

Hindi siya tumugon, sa halip ay nagtago siya sa likuran ng ama na ipinagtaka ng mag-asawa. Muling nabuhay ang takot at galit sa dibdib ni Kaye. Nasa harapan niya ngayon ang taong may dahilan kung bakit siya nakulong sa madilim na lugar. Kung bakit ngayo'y patuloy na naghihirap ang kanyang kalooban.

"Magandang hapon po, Mang Arturo," bati nito sabay mano sa matandang lalaki.

"Magandang hapon din naman, Menchi. Napasyal ka. Kumusta ka na ngayon. Yaman na natin ah!" nangingiting biro ni Arturo. "Teka, halina ka muna sa loob para makahigop ng kape. Kaye, ano bang nangyayari sa iyo?" baling nito sa dalagang nakakubli pa rin sa likuran nito.
"W-wala po, Itay." Nagpati-una na siya sa paglakad. May pagmamadali pa dahil sa nararamdamang takot.

Agad siyang dumiretso sa silid. Paroo't parito siya. Ang isa pa niyang ikinakatakot ay baka ipaalam nito ang naging trabaho niya sa Manila.  Maya-maya pa ay narinig niya ang tinig ng ina.

"Anak, lumabas ka muna riyan. May gustong sabihin sa iyo si Menchi."

Napabuga siya ng hangin, "Imposible! Hindi niya ipapaalam iyon. Kapag sinabi niya'y tiyak na magagalit sa kanya si Inay. Tiyak na kakatayin siya ni Itay." Tumango-tango siya sa naiisip.

Napilitan na rin siyang lumabas nang hindi tumigil ang ina sa pagkatok. Nakangiting Menchi ang nabungaran niya.

"Ahm, may sasabihin sana ako sa iyo, Kaye." Tumayo ito't lumapit sa kanya.

"Ano 'yon?"

"Puwedeng sumama ka sa akin sa labas. Doon natin pag-usapan."

Tumalim ang mata niya ngunit hindi nagsalita.

"Sige na, please! Pagbigyan mo na ako," paki-usap nito at pinagdaop pa ang dalawang palad.

Muli ay huminga siya ng malalim at napilitang lumabas. Siya ang nauna. Agad namang sumunod si Menchi. Sa gilid ng kawayang bakod siya huminto.

"Kaye, I'm so sorry sa pagkakamaling nagawa ko sa iyo, sa inyo ng mga naisama ko roon. Alam ko na hindi ganoon kadali akong patawarin--"

"Alam mo naman pala, so bakit ka pa naparito? At ang lakas pa ng mukha mong magpakita sa akin. Sa kabila ng nagawa mong kasalanan, heto ka, nakikipag-usap sa akin at sa magulang ko na para bang walang nangyari." Nanlisik ang mata niya.

Si Menchi naman ang napahinga ng malalim. "Alam mo ba na dahil sa isang tao kaya ako nakalaya? Malaki ang utang na loob ko sa kanya kaya gagawin ko ang lahat para makabayad sa kanya."

"Kung sinuman ang taong nagpalaya sa iyo, wala siyang kuwentang tao. Pinalaya niya ang isang ganid sa pera na kahit ibenta ang iba ay walang paki-alam. Walang paki-alam kung makakasira ba ito ng isang buhay." Magkahalong galit at panibugho ang nararamdaman ni Kaye nang sandaling iyon.

"Kaye, pakinggan mo muna ako. Ang taong tinutukoy ko ay ang taong malapit sa puso mo."

Nangonot ang noo ni Kaye. "Malapit sa puso ko," nag-isip siya kung sino iyon. Bigla-biglang dumagundong ang dibdib niya pero imposible.

"Kaye, 'di ba, iniligtas ka rin niya? Iniligtas niya rin ako. Pinalaya sa isang mapait na katotohanan."

Sunod-sunod ang ginawang pag-iling niya. Ayaw maniwala sa naririnig ngunit iba ang binubulong ng puso niya.

"Sumama ka sa akin," yaya nito sa kanya.

Agad siyang tumanggi. Walang kasiguradohan ang sinasabi nito lalo pa't naloko na siya nito minsan.

"Sige na, please! Doon lang tayo sa may bakanteng lote, sa malaking puno ng mangga."

Kahit tumatanggi ang kalooban ay sumama pa rin siya. Tila nawala siya sa sarili nang sandaling iyon. At habang naglalakad patungo sa sinasabing lugar ay palakas nang palakas ang dagundong ng dibdib niya. Lalo nang maaninaw ang pamilyar na histura.

Napahinto siya sa paglalakad nang lumabas sa nakaparadang sasakyan ang lalaking palaging laman ng isipan niya. Lumalapit ito sa kanya. At nang mapatapat ay agad siyang niyakap nito.

"Sweetheart," mahinang sabi nito.

Ramdam niya ang panginginig ng katawan nito. Ramdam niya ang pagluha nito na maging siya ay hindi rin napigilan.

"Sweetheart, bakit mo ako iniwan?"

Lumakas ang pag-iyak niya sa katagang narinig. Wala siyang maitugon dito. Ramdam niya ang sakit sa binitiwang salita ni Earl. Sobra niya itong na-miss. Walang araw, walang oras, walang gabi na hindi niya ito naiisip.

"Umuwi ka na, sweetheart. Bumalik ka na sa akin. Hindi ko kayang mawala ka."

Napansin niya ang pangangayayat ng katawan nito. At muli ay naramdaman niya ang sakit. Mali nga ba ang ginawa niyang pag-iwan dito? Pero paano si Sandra? Paano ang tunay nitong asawa? Nais sana niyang kumawala nito dahil sa naisip ngunit mahigpit na mahigpit siyang yakap nito.

KUNG KASALANAN MAN ANG MAGMAHAL(Part 2 Kapit sa Patalim) (Complete) Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ