"Dahil alam niya na nagkakamali ka lang ng hinala. Hindi magagawa ng Mama mo o ni Ralf ang ipinaparatang mo, apo."

"Paano ninyo nasasabi iyan? Wala kayo doon nang mga panahon na iyon. Naroon ako at narinig ko ang lahat."

Umiling si Lola saka niya ako niyakap ng mahigpit. Gumanti naman ako ng yakap sa kanya.

Nang kumalas na siya ay pinahid niya ang mga luha ko saka siya muling naupo sa tabi ko.

"Matagal ko na dapat sinabi sayo ito. Noon pa lang nang ilibing si Aurelia ay gusto ko nang ipagtapat sayo ang buong katotohanan. Karapatan mong malaman iyon. Pero pinigilan ako ni Lyndon. Nakiusap siya sa akin na hayaan nang maibaon sa limot ang lahat."

"Pagbalik ninyo dito mula sa San Isidro matapos mailibing si Lyndon ay binalak ko nang ipagtapat sayo ang totoo pero pinigilan ako ni Ralf. Iniingatan nila ang damdamin mo na huwag masaktan. Ngunit sa nakikita kong sitwasyon ninyo ngayon ay nakabuo na ako ng pasya. Nararapat lang na malaman mo ang katotohanan. Dahil iyon lang ang magpapalaya sa inyong dalawa ni Rafael mula sa masalimuot na nakaraan."

"Anong katotohanan, Lola? Please, sabihin na ninyo." pakiusap ko matapos niyang magsalita.

"Si Rafael ay bunga ng panggagahasa ni Manuel kay Aurelia."

Shock ang bumalatay sa anyo ko. Napakurap ako at inaanalisa ko sa isip ko ang mga sinabi ni Lola.

"A-ano ang gusto ninyong sabihin?" naguguluhang tanong ko sa kanya.

"I should have told you this a long time ago, Ivan. Iyon din ang ipinayo ko noon aa mga magulang mo pero natakot si Aurelia. Maging si Rafael."

"Si Rafael na rin mismo ang kusang umayaw noon na ipaalam sa lahat ang tungkol aa tunay na ugnayan nila ni Aurelia. Ginawa niya iyon upang pangalagaan ako at ang ina niya."

"Totoong inampon ko si Rafael, Ivan." patuloy niya saka niya isinandal ang katawan niya sa sandalan sa nahahapong paraan.

"Inampon ko siya mula pa nang isilang siya subalit hindi siya iba sa akin. Si Rafael ay sarili kong dugo, dugo ng aking dugo. Hindi man ako ang nagluwal sa kanya ay minahal ko siya na para na ring akin."

"K-kung ganon ay magkapatid kami? Pero may nangyari sa amin kagabi. Oh God!" nababahala kong sagot saka ako nanlulumong napasandal sa kinauupuan ko.

Umiling si Lola. "Hindi mo siya kapatid, Ivan. Katulad ng alam mo ay kaisa-isa kong anak si Aurelia. Dalawang taon pa lamang siya nang magpasya kami ni Adolfo noon na ampunin ang isang batang lalaki. Pitong taon noon si Manuel nang mamatay ang mga magulang niya mula sa isang nakawan noon sa hacienda. Uso pa noon ang cattle rustling. Mararahas ang mga magnanakaw. Sinunog nila ang mga kubong tinitirahan ng mga tauhan ng hacienda."

"Nakaligtas sa nakawang iyon ang batang si Manuel. Inampon at pinalaki namin siya ni Adolfo bilang sarili naming anak. Kasabay ng pagpapalaki namin kay Aurelia."

"Totoong minahal at itinuring na tunay na kapatid ni Manuel ang anak ko. Natutuwa ako na naging tagapagtanggol ni Aurelia ang aming ampon."

Nakita ko ang pagsilay ng bahagyang ngiti sa mga labi ni Lola sa parteng iyon ng kanyang paglalahad.

"Subalit lingid sa aming kaalaman ay natuto na palang gumamit ng ipinagbabawal na gamot si Manuel. Nahikayat ng mga hindi mabubuting kaibigan at kamag-aral."

Ang kaninang ngiti niya ay napalitan ng kapaitan. Base sa nakikita ko kay Lola ay nahihirapan siya na balikan sa isipan niya ang lahat.

Nakadama naman ako ng guilt at nakita ko na tila nahahapo na siya. Mabilis akong napatayo saka ko siya inalalayan.

Beloved Bastard (Completed) Where stories live. Discover now