Kabanata 14: Adaly

Magsimula sa umpisa
                                    

"Paano ko ikukuwento kung nakatalikod ka sa 'kin? H'wag ka nang mahiya Mahalia, ako lang 'to oh. Kilalang-kilala kita, at kilalang-kilala mo rin ako." Tinapik-tapik niya nang bahagya ang katabing kama at sumenyas na umupo ako ro'n.

Dahan-dahan akong naglakad palapit sa kaniya. Hindi ko magawang tingnan siya nang diretso sa mga mata.

"No'ng malaman kong dadaan malapit dito sa Barangay Villoralba ang mga kuya ko, hindi ako nagdalawang-isip na sumama," wika niya. Napatango-tango ako.

"Sa totoo nga lang ay hindi ako pinayagan nina inay at itay no'ng una. Wala lang silang nagawa dahil nagpumilit ako nang nagpumilit," kuwento niya at natawa. "Gusto kitang makita. Ikaw lang kasi ang pinakamalapit kong kaibigan do'n sa Salomé, kaya naman nag-alala at nalungkot talaga ako nang sobra no'ng sinabi nilang umalis ka na pala."

Napayuko ako. Ganito ba talaga niya 'ko kamahal bilang kaibigan, kahit pa maraming kasalanan na ang nagawa ko sa kaniya? "Pasensiya na Adaly at hindi man lang ako nagpaalam sa 'yo. Pasensiya na talaga. Paano mo nga pala natunton ang bahay ng lola ko?"

"Nagtanong-tanong ako sa mama't papa mo. Oo nga pala, ikumusta ko na lang daw sila sa 'yo sa oras na makita kita. Alam mo bang nag-alala sila nang sobra no'ng umalis ka?" Napatingin ako sa kaniya. May kung anong tuwa ang ipinintig ng puso ko. Tama ba ang narinig ko? Nag-aalala sila sa 'kin? "Ang hirap pa namang makasagap ng signal dahil palaging napuputulan ng kuryente sa nayon nitong mga nakaraan araw."

Napayuko akong muli. Buong akala ko, malayo ang loob nila sa 'kin dahil hindi man lamang ako nakatanggap ng tawag sa loob ng mga nagdaang araw na nandito ako at malayo sa kanila.

"Mamaya, pagsapit ng dapithapon ay dadaang muli rito ang mga kuya ko. Sasabay na ako sa kanila at uuwi na ulit sa nayon. Gusto mo bang sumama Lia?"

Mabilis akong umiling. "Hindi. Ayaw ko pang bumalik doon."

Bumakas ang lungkot sa mukha niya. "Dahil ba sa 'kin kaya't ayaw mo? Dahil ba sa nangyari sa akin Lia?"

Huminga ako nang malalim at umiling-iling kahit na ang isinisigaw ng puso ko ay matalim na oo.

Kasisimula ko pa lamang dito at hindi ko gustong iwan ang bagong pagkakaibigang nabuo rito sa Villoralba. Si Lisay at ang tumatanda kong lola, hindi ko pa sila kayang iwanan. Ayaw kong magpaalam maging kay Isaiah at sa pamilya niya. Hindi ngayon. Hindi pa sa ngayon.

Bukod do'n, ano na naman ang sasabihin ng mga tao tungkol sa akin? Pagod na akong magpanggap sa harap nila na ayos lang ang lahat. Pagod na 'kong maging mabait at mabuti habang sila, patuloy lamang akong binabato ng mga masasakit na salita. Hindi ko gustong bumalik doon. Pagod na 'kong magkunwari.

Hinawakan ni Adaly ang kamay ko at ngumiti upang ipaalala sa 'king ayos lang at naiintindihan niya ang bigat na nararamdaman ng puso ko ngayon.

Dahan-dahan niya 'kong niyakap at doon na unti-unting namuo ang mga luhang nagpainit na naman sa mga mata ko.

"Hindi ko sinasadya Adaly. Patawarin mo 'ko. Hindi ko sinasadya," wika ko at tuluyang nang umiyak sa balikat niya. "Kasalanan ko ang nangyari sa 'yo at hindi ko na maibabalik pa ang nawala."

Dahan-dahan niyang hinagod ang likod ko. "Hindi kita sinisisi Lia. Kahit kailan, hindi mo narinig sa bibig ko ang mga salitang 'yon. Pinatawad na kita, pinatawad ka na ng pamilya ko, at lalong-lalo na ang Diyos."

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon