Sa tanghalian ay hindi ko na magawa pang kumibo. Nakayuko lamang ako sa pagkain. Monopolado ni Mama ang usapan.

Kinukumusta niya si Ralf. Kung ano ba ang mga plano nito sa buhay. Kung ano ba ang mga nangyari dito sa mga nagdaang buwan na hindi sila nagkikita.

Si Papa naman ay tuwang-tuwa at sa nakikita ko sa kanya ay proud na proud siya sa mga achievements ni Ralf.

Hindi rin ako masyadong makarelate sa mga pinag-uusapan nila dahil halos lahat ay tungkol sa pagpapatakbo ng hacienda at iba pang mga bagay na konektado dito.

Hindi rin siya minsan lang tinanong ng mga magulang ko kung may girlfriend na ba siya sa Maynila. Bagay na ikinapagtaka ko dahil nakakadama ako ng inis.

"Mabuti na lamang at nadaanan mo sina Ivan at Jako sa libis, Rafael." sabi ni Mama kapagkuwan na ikinaangat ng tingin ko sa kanya.

"Kung nagkataon ay naglakad sana pauwi ang mga iyan. Kung bakit ba naman kasi napakabata pa ay nagdi-date na." dugtong pa ni Mama.

"Ma," sabi ko. Nakikiusap ang mga mata ko na tiningnan si Mama pagkatapos ay nagbaling ako ng tingin kay Papa.

Hindi ko gustong pag-usapan lalo na sa harapan ng lalaking iyon ang tungkol sa tunay na kasarian ko. Hindi ako komportable.

Bagaman tanggap naman iyon ng mga magulang ko ay palagi pa rin nila akong pinapaalalahanan.

"Honey, pinayagan mo ang dalawa, hindi ba?" sabi ni Papa sa mahinahon na tono matapos ko siyang sulyapan.

Nagkibit lamang ng mga balikat si Mama na tila hindi rin mahalaga para sa kanya ang pag-usapan kami ni Jako.
Bagay na kahit ako ay gusto ko rin.

Tumaas ang isang sulok ng labi ni Ralf saka siya makahulugang sumulyap sa akin. Umiwas ako ng tingin dahil nakakadama ako ng pagkailang sa paraan ng pagtitig niya sa akin.

"Sa gandang lalaki ni Ivan ay inaasahan ko na maraming babae ang magkakagusto sa kanya." aniya.

Hindi ko alam kung iniinsulto ba niya ako o pinupuri dahil sa hindi malinaw na laman ng mga salita niya.

"Sayang nga lang at gwapo din ang gusto." biro ni Papa.

"Pa!" sigaw ko saka ko sinulyapan si Jako na tahimik lamang na nakikinig sa mga pinag-uusapan namin.

Natawa naman si Papa. "Nagbibiro lang ako. Alam mo naman na kung saan ka masaya ay palagi lamang kaming nakasuporta sayo ng Mama mo."

"Lalo na at hindi na rin naman naiiba sa pamilya natin si Jako. Mabait na bata at masunurin sa mga magulang." dugtong pa niya na pinupuri ang pagiging masunuring anak ni Jako na palagi na lamang ibinibida sa amin ng ama niya.

Hindi pa rin inaalis ni Rafael ang tingin niya sa akin na tila ba amused na amused siya dahil sa mga nalaman niya na mas lalong nagpapatindi ng inis ko.

"Sana naman ay totoo na ang pananatili mo dito, Rafael. Nagkaka-edad na si Lyndon at hindi na magampanan ng maayos ang mga dati niyang trabaho." pag-iiba ni Mama sa usapan.

Mula sa pagkakayuko ay pailalim kong sinulyapan si Ralf na tumingin din sa akin bago nagsalita.

"Nangako ako kay Lola Corazon, Tita Aurelia." sabi niya habang sa akin pa rin nakatuon ang mga mata.

"You don't know how you made me happy." nasisiyahang sagot ni Mama.

Kung ano man ang ibig ipakahulugan ni Mama sa sinabi niya ay hindi ko alam. Ngunit nakitaan ko ng malisya ang paraan ng pagtitig niya kay Rafael.

Beloved Bastard (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon