Dinampot ko ang gunting na nasa pencil holder sa ibabaw ng mesa saka ko sinimulang guntingin ang baseball cap ni Rafael.

Hindi pa ako natuwa sa kakaunting gupit lang. Patuloy ko iyong ginupit-gupit at doon na ako napasukan ni Ralf sa loob ng silid niya.

"What are you doing?" bulalas niya na nagpahinto sa akin sa ginagawa ko.

Mabilis siyang nakalapit sa akin saka niya marahas na inagaw mula sa kamay ko ang baseball cap niya.

Ngunit kahit naagaw niya iyon ay wala na rin siyang magagawa dahil gupit-gupit na iyon.

Nanlulumo niyang pinagmasdan ang sumbrero niya bago siya sumulyap sa akin gamit ang nagbabagang mga mata.

Nakatunghay siya sa akin na para bang anumang sandali ay lalapain niya ako nang walang kalaban-laban.

Kahit paano'y kinabahan ako sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Nakadama na rin ako ng takot kaya napaatras ako at akma na akong tatakbo palabas ng silid niya ngunit nahawakan niya nang mabilis ang isang kamay ko.

"Bakit mo ginawa ito?" sabi niya.

Hindi sumisigaw si Ralf pero nakamamatay ang galit na nahimigan ko sa tinig na ginamit niya.

Halos manghina ang mga tuhod ko at bakas na bakas na marahil sa mukha ko ang takot ko sa kanya.

Lumikot ang mga mata ko para makapag-isip ng mabuting idadahilan at para maiwasan ko na rin ang mga nakakatakot na tingin sa akin ng lalaking ito.

"Eh... Kasi... K-kasi..." nagkandautal na ako dahil sa matinding kaba.

Marahil ay namumutla na ako at namumuo na ang luha sa mga mata ko nang mga sandaling iyon.

"S-sasaktan mo ba ako?" bigla ay nasabi ko.

Nakita ni Ralf kung gaano katindi ang takot ko sa kanya sa mga sandaling iyon at sa mabilis na sandali ay nabawasan ang bagsik sa mukha niya at naramdaman ko na ang pagluwag ng pagkakahawak niya sa maliit na kamay ko.

Tuluyan nang nawala ang galit sa mukha niya saka siya nagpakawala ng malalim na paghinga.

"Sana. Pero mukha ka nang kawawa diyan hindi pa nga kita inaano." sabi niya saka siya tumingin sa sumbrero niya na ginupit-gupit ko.

"Alam mo bang napakahalaga sa akin ng sumbrero na iyan?" sabi pa niya saka siya nanlulumo na napailing na lang dahil sa pagkasira ng gamit niya.

Kahit ako ay nakadama ng guilt dahil sa ginawa ko at dahil sa nakita kong anyo ni Rafael.

Gusto kong pagsisihan ang ginawa ko subalit hindi ko magawang humingi sa kanya ng sorry. Hindi ko kayang bigkasin ang mga katagang iyon sa kanya.

"Ano ba ang masamang ginawa ko sayo at palagi ka na lang galit sa akin?" tanong niya nang hindi pa rin ako nagsasalita.

Nakagat ko ang ibabang labi ko. Hindi ko kayang sabihin sa kanya na kinukuha niya ang lahat ng atensyon ng mga magulang ko. Na halos wala nang panahon si Mama sa akin mula nang dumating siya dito sa hacienda.

"A-ayoko sayo. Ayoko na nandito ka. Hindi kita gusto dahil masungit ka."

"Masungit ka rin naman sa akin ah. Ang salbahe mo pa." sabi niya.

"Dahil sayo galit na sa akin si Papa. Hindi ko na nararamdaman na mahal ako ni Mama. Masama ka, Rafael. Napakasama mo!" ninenerbiyos na sabi ko.

Beloved Bastard (Completed) Where stories live. Discover now