Ilang sandali pa ay naramdaman ko na hindi na ako nag-iisa kaya nagbaling ako ng tingin sa bandang kanan ko.

Nakita ko si Ralf na nakatayo malapit sa akin. Seryoso ang anyo niya at nakapamulsa siyang nakatingin sa akin.

"Akala mo ba hindi ko alam na ikaw ang nagkandado ng mga pintuan kagabi?" malumanay na sabi niya.

Naningkit naman ang mga mata ko saka ko sinalubong ang mga tingin niya.

"Nakuha mo na ang gusto mo diba? Nagsumbong ka na kay Papa." galit na sabi ko.

Nagpakawala siya ng malalim na paghinga bago siya muling nagsalita.

"Iniisip mo ba na dahil pinagsarahan mo ako ng pintuan ay dito na ako matutulog sa labas?" sabi niya.

Hindi ako sumagot.

"Hindi mo ba naisip na nasa labas lamang ang maids quarter at maaari naman akong makitulog doon?" patuloy pa niya.

Hindi pa rin ako kumibo. Ngayon ko lang napagtanto na pwede nga pala siyang makitulog doon.

Saka ko lang naisip na hindi naman pala talaga siya napahamak nang dahil sa ginawa ko.

Napalo at napagalitan pa ako ni Papa dahil nagsumbong siya at ngayon ay napakasama na ng tingin sa akin ng lahat ng tao dito sa villa.

"Gagawa ka ng kalokohan tapos ngayon iiyak-iyak ka diyan?" sabi pa niya.

Marahas akong bumaling sa kanya at sa naniningkit na mga mata ay sinagot ko siya. "Ikaw ba kapag napalo ka hindi ka iiyak?"

Isang pilyong ngiti ang sumilay sa mga labi niya. Pinakaunang ngiti na natanggap ko mula sa kanya. Ngunit hindi naman iyon totoong ngiti.

Ngiti lamang iyon ng amusement dahil sa tapang na ipinapakita ko kahit na napagalitan at napalo na ako nang dahil sa kanya.

"Hindi na ako umiiyak. Binata na ako eh." sabi niya saka siya amused na tumingin sa akin.

Hindi ko na siya sinagot.

"Bakit mo ba kasi ginawa iyon?" bigla ay tanong niya.

"Dahil ayoko sayo. Masungit ka at hindi mo man lang ako nginingitian. Samantalang ampon ka lang naman ni Lola." masungit na sagot ko nang hindi bumabaling sa kanya.

Nawala ang amusement sa mukha niya at napalitan iyon ng malalim na pag-iisip.

"Masungit ka rin naman sa akin ah." sabi niya.

"Kasi ampon ka." mayabang na sagot ko.

Sinulyapan niya ako saka siya nagpakawala ng hangin mula sa dibdib niya.

"Sa tingin mo ba dahil sa ginawa mo mapapahamak ako? Ipinahamak mo lang yung sarili mo. Nagalit tuloy sayo si Tito Lyndon."

"Nagalit siya dahil nagsumbong ka." galit na sagot ko sa kanya.

Natawa naman siya na lalo kong ikinainis. Nang-aasar ba siya? Kaya ba niya ako nilapitan ngayon dito ay para inisin pa lalo?

"Hindi ako nagsumbong sa Papa mo. Sina Nana Sita ang nagsabi sa kanya ng ginawa mo. Sinubukan ko silang pigilan pero hindi pumayag si Nana Sita na hindi malaman ng mga magulang mo ang nangyari." paliwanag niya ngunit hindi ako naniniwala sa mga sinasabi niya.

"Sinungaling!" sigaw ko sa kanya saka na ako tumakbo pabalik sa loob ng villa.

Kinabukasan ay bisita namin sa hacienda si Celine, anak ng doktor sa kabilang farm. Matanda siya sa akin ng tatlong taon at nasa huling taon na siya ng elementary.

Beloved Bastard (Completed) Where stories live. Discover now