Chapter Fifty-Four

Start from the beginning
                                    

"Hi Blue!" masiglang bati ng isang batang babae. Kaagad itong pumasok sa silid at tumatakbong umupo sa kanyang tabi. "Puzzle? Magaling ako dyan! Palagi naming ginagawa ni Papa 'yan."
Tinignan saglit ni Tammy ang puzzle at hinanap ang mga magkakakulay. Inipon niya ang mga ito sa isang tabi at idinikit ang mga magkaka-ugnay. Nakabuo siya ng isang imahe ng munting aso.

"Tignan mo, may nabuo ako!" anunsyo ng bata sa katabing si Blue.
Hindi siya pinansin ni Blue at nagpatuloy lang sa ginagawa.

"Wala ka bang pattern? Ano ba ang buong picture?" tanong niya saka hinanap ang box ng puzzle. May nakuha siyang kahon ngunit wala roon ang pattern na kanyang hinahanap.

Tinignan niya ulit ang binubuo ni Blue. Una nitong binuo ang apat na gilid ng puzzle saka inuunti unting buuin.

Tinulungan niya si Blue. Dalawang oras ang ginugol nila sa pagbuo ng malaking puzzle. Kalahati palang nito ang kanilang natatapos.

Bumukas ang pinto at sumilip mula roon ang isang matandang babae.

"Tammy, hali ka na. Uuwi na tayo."

"Yes po, Nanny!" Tumayo si Tammy saka tumingin kay Blue. Ngumiti siya. "Bye bye. Sa susunod, ipakita mo sa akin kapag nabuo mo na!"

Hindi sumagot si Blue at nagpatuloy lang sa pagbuo ng puzzle. Nang sumarado ang pinto, huminto siya. Tumayo siya at naglakad papunta sa bintana. Mula roon ay pinanood niya ang pag-alis ng sasakyan ng batang si Tammy.

Simula nang magkakilala sila noong birthday party niya, palagi na itong dumadalaw sa kanya. Magtatagal lang ito ng dalawang oras bago umuwi kasama ang Nanny at mga bodyguards nito.

Kung minsan ay gusto ni Blue na tumigil ang orasan upang hindi na ito umuwi. Pero katulad ng iba, kailangan din nitong umalis.

Lahat ng tao ay aalis sa tabi niya. Ito ang palagi niyang iniisip. Hindi magtatagal, magsasawa rin ito sa kanya katulad ng iba. Kaya naman mas mabuti pa na hindi nalang siya makipag-lapit.

"Blue, nag-enjoy ka ba ngayong araw?" tanong ng kanyang ama habang nasa harap sila ng hapagkainan. "Ang sabi ng yaya mo, dumalaw ulit dito si Tammy. Naglaro ba kayo?"

Tinignan ni Blue ang kanyang ama saka siya tumango.

"Kung gusto mo siyang puntahan sa bahay nila, sabihin mo lang sa yaya mo. Ikaw ang lalaki, dapat ay ikaw ang dumadalaw. Baka makahanap ng ibang kalaro iyon, mag-sisi ka." Bumuntong hininga ito.

Bumalik sa pagkain si Blue. Alam niya ang pinupunto ng kanyang ama. Hindi lihim sa kanya na dapat ay Mama ni Tammy ang pakakasalan nito. Aksidente niyang narinig ito mismo sa kanyang Lola noon.

Pero paano ang kanyang Mama?

Simula pagkabata ay hindi nakilala ni Blue ang kanyang sariling ina. Maaga itong namaalam pagkasilang sa kanya.

Nang magka-isip siya, iba't ibang babae na ang kinilala niyang ina. Mga babae na dapat ay pakakasalan ng kanyang ama ngunit sa hindi niya malamang dahilan, hindi natutuloy.

Palagi itong inirereklamo ng kanyang Lola sa kanyang ama.

'Tumatanda ka na. Hindi ka na bata. Kailangan mo nang magpakasal. Kailangan ng ina ng anak mo.'

Mabait sa kanya ang mga babaeng ipinakikilala sa kanya ng ama niya. Madalas ay nagdadala ang mga ito ng regalo. Madalas ay binibisita siya at nakikipaglaro sa kanya. Pero bigla nalang silang naglalaho nang walang paalam.

Sa dalas ng pangyayaring ito, nakasanayan na niya ang maabandona ng mga babaeng nagpakita ng pagmamahal sa kanya.

Pagmamahal?

High School ZeroWhere stories live. Discover now