Itinulak ko palayo ang laptop ko saka inuntog ang noo ko sa ibabaw ng mesa, pero quiet lang dahil nasa college section ako ng Pasig City Library, at ayoko namang mapalayas ng butihing librarian kung maingayan sa 'kin.

Isa sa mga pinakamahirap sa isang writer eh kapag may writer's block. Actually, hindi ako naniniwala sa writer's block. Kaya kahit sa kalagitnaan ng matinding block, sinasabi ko sa sarili ko 1) tinatamad lang ako magsulat, or 2) may mali sa kuwento. Utang na loob naman, nasa chapter three pa lang ako! Saan? Saan ako puwede magkamali sa chapter three?

Bumuntong-hininga ako at sinilip ang relo ko.

Shet!!! Ba't di mo sinabi? Kuwento pa ako nang kuwento eh male-late na pala ako sa klase!

Nilimas ko ang mga kalat ko sa ibabaw ng mesa at isinaksak ang lahat ng iyon sa backpack ko bago ko dinampot ang kawawa kong laptop na hindi ko na ni-shutdown. Isinara ko na lang 'yun at isinaksak sa bag bago ako nagmamadaling naglakad pababa. Paglabas ko ng library, kumaripas na ako ng takbo.

Oo, medyo malayo kung tatakbuhin ko ang school pero baka irapan ako ng tricycle driver kapag sabihin kong sa Pasic Catholic College lang ako dahil napakalapit lang naman kung sasakay pa. Isa pa, mas matagal pa ang hihintayin ko sa traffic!

Nang dumaan ako sa Dunkin Donuts, Pizza Hut, Jollibee, Red Ribbon at Greenwich, ipinaalala ng tiyan ko na hindi pa pala ako kumakain. Kaya nga ako lumabas di ba? Para magtanghalian? Eto naman ngayon at nag-si-sprint ako pabalik sa school na walang laman ang tiyan.

Tumawid ako sa intersection papunta ng Immaculate Conception Cathedral. Nag-sign of the cross pa ako para ipagdasal na hindi ako ma-late dahil may long quiz kami ngayon. Malayo pa lang natanaw ko na ang BFF kong si Tria na madilim ang ekspresyon sa mukha at halatang naiinip na.

"Ano ka ba naman, Barbara?" tili niya. Kapag buong Barrrbara ang tawag niya sa 'kin, alam kung may matinding emosyon sa likod n'yon. Madalas frustration. "Saan ka ba galing? Kanina pa ako tumatawag sa 'yo!" sabi niya nang huminto ako sa harapan niya at humingal. Umiling ako kasi hindi pa ako makahinga at itinuro ang general direction ng public library kung saan ko mas madalas gusto magtrabaho.

Hinablot niya ang braso ko saka ako kinaladkad papasok.

"Bilisan mo at baka ma-late tayo! Ayokong mabahiran ang maganda kong record!"

Nagpabitbit na lang ako sa kanya kasi hindi pa rin ako makahinga. Ni hindi niya pinansin na tagaktak ang pawis ko.

Hindi naman kami na-late. Wala pa si Sir Ivan nang pumasok kami sa malamig na classroom. Gaya ng inaasahan, maingay ang mga kaklase namin na nagkukuwentuhan at nagkukulitan na para bang wala kaming quiz ngayon.

Pinaupo ako ni Tria sa usual kong upuan sa harapan. Hindi ako bibo kid. Kung ako lang mas gusto ko sa likod pero itong si Demetria kasi, pabibo na nga, malabo pa ang mga mata kaya no choice ako kung gusto kong maupo sa tabi niya.

Pinagmasdan lang niya ako. "Saan ka nag-lunch?"

Umiling ako. "Di pa ako kumakain."

"Ha? Eh saan ka galing?"

"Sa library nga. Nagsulat ako."

"Luh! Hindi ka na kumain?" Hindi siya makapaniwala. Sa 'ming dalawa kasi, sagrado ang lunch time.

Umiling ako ulit.

"Ano ka ba naman, Barbara?" Ang lutong talaga! Barrrrbara talaga! "Baka naman kakasulat mo eh bigla ka na lang bumulagta d'yan sa labas ah. Baka pine-pressure ka masyado ng publisher mo," sabi niya kahit binubuksan na niya 'yung bag niya para kumuha ng baon. Lagi kasi siya may dalang pagkain dahil bukod sa gutumin ako, talagang madalas eh nalilimutan ko kumain kapag busy ako sa pagsusulat.

This World Where You Existजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें