unang kabanata

1.6K 56 27
                                    

"To survive, you must tell stories."
Umberto Eco, The Island of the Day Before

Nanatiling nakabaling sa labas ng bintana si Rosario habang inaayos ng kanyang alalay na si Bising ang kanyang buhok. Malamlam ang sinag ng araw na naglalaro sa kristal na palamuting nakasabit sa bintana ng kanyang silid at nagsasaboy iyon ng maliliit na mga bahaghari sa makintab na sahig na gawa sa kahoy.

Ikinilos niya ang isang paa hanggang sa nasinagan ng isa sa mga bahagharing iyon ang kanyang mga daliri.

Alam ng dalaga na magiging maganda ang araw. Malinaw iyon sa kanyang pakiramdam. Siguro dahil nagbabadya ang magandang panahon sa labas ng kanyang bintana. O dahil nadarama na niyang magtatapat na ng pag-ibig ang kanyang si Francisco at na hihingin na nito ang kanyang kamay mula sa kanyang ama.

Lumukso ang kanyang puso sa kaisipan na iyon na nagdulot ng matinding ligaya.

Ang kanyang si Francisco...

Nang bumulong si Bising sa kanya na maayos na ang pagkakapusod ng kanyang buhok, nagpasalamat si Rosario at siya ay tumayo na. Pinagmasdan niya ang pagkaka-ayos ng kanyang baro't saya at sinigurong hindi nakikita ang kanyang paa mula sa laylayan ng kanyang palda. Matapos ay tinanggap na niya ang abaniko na iniabot ni Bising sa kanya.

Kung siya lamang ang naroon at tiyak niyang walang nagmamasid, baka tinakbo ni Rosario ang hagdan sa kagustuhang agad na masilayan si Francisco. Ngunit dahil alam niyang naghihintay rin sa ibaba ang kanyang mga magulang, pinilit ni Rosario na bagalan ang kanyang mga hakbang. Nang marating niya ang hagdan, napahinto siya sa paglalakad sapagkat agad niyang namataan ang lalaking nagmamay-ari ng kanyang puso. Naroon na sa ibaba si Francisco, napakaguwapo at napakakisig sa suot nitong barong, at nakatingin na sa kanya na tila ba hinihintay nito ang kanyang pagdating.

Nagtama ang kanilang mga paningin at sabay na namutawi sa kanilang mga labi ang mahiyaing mga ngiti. Huminto ang oras para sa kanilang dalawa at ang naroon lamang para kay Rosario ay si Franciso.

Ang kanyang si Francisco.

"Aww, shet, ano ba? Puro sa iyong si Francisco ka naman! Sige na, sa 'yo na!", gigil kong bulong sa sarili ko habang nakatingin sa screen ng laptop. Hindi ko na alam. Three weeks na akong ganito. Three weeks na akong tigang, tuyo at uninspired. Sa loob ng tatlong linggo, tatlong chapters pa lang ang nasusulat ko eh next month na ang deadline ko sa sarili ko. Kapal di ba? Mabilis ka magsulat, besh? Pero wala eh. Wala talaga. Puro sa kanyang si Francisco lang ang kayang sabihin ng babaitang main character ko.

Iyo na talaga! Walang aagaw! Grrrr!

At Lowrd! Ba't wala akong mahanap na solid na source material para sa 18th century fashion in the Philippines? Lahat ng mabasa ko sinasabing naka-barong Tagalog daw ang mga lalaki. As in barong talaga? Araw-araw? Kung may Onesimus na n'un ang laki siguro ng kita nila dahil everyday wear ang ngayon, in the year of our Lord 2019, ay pang-formal occasions na lang. Like pang-kasal o panlibing! Pakaguwapo pa naman ni Francisco para maagang maging bangkay!

This World Where You ExistWhere stories live. Discover now