Bitten - Chapter 17

55 8 0
                                    

Magdamag siguro kaming gising, maliban kay Shein na nakatulog sa may hita ko. Pawis na pawis na kami dahil sa init at sa maliit na espasyong pinagsisiksikan naming lahat.

“Kapag maliwanag na, saan na tayo pupunta?” Tanong ni Lawrence kaya napaangat ako ng tingin dito. Napadako ang tingin ko kay Kulas dahil siya naman ang nagsisilbing lider sa grupong ‘to at bukod pa ro’n alam kong hindi kami nito ipapahamak. Walang sumagot sa tanong ni Lawrence kaya napabuntong hininga na lang siya. Pagsikat ng araw, wala man lang akong naririnig na huni ng manok o ng ibon o ng kahit anong hayop. Tahimik lang. Naalerto ako nang tumayo si Kulas.

“Sa’n ka pupunta?” Agad na tanong ni James. Sumenyas lang ito sa labas kaya tumango na lang ulit si James bilang sagot. Naghintay kami ng ilang minuto bago ito nakabalik.

“Tara na.” Nagsitayuan naman agad silang lahat kaya agad ko nang ginising si Shein.

“Saan po tayo pupunta, ate?” Nginitian ko na lang siya. Kahit ilang beses pa naming itanong kung ‘saan pupunta’, walang makakasagot no’n.

Tahimik lang kaming naglalakad, tila ingat na ingat na makagawa ng ingay. Taimtim akong nagdarasal na sana wala kaming makasalubong na rabid at sana hindi na kami mabawasan pa ulit. Rinig ko ang mga buntong hininga nila pati na rin ang maingat na pag-apak sa kalsada. Nakalabas din naman kami agad sa eskinitang ‘yon na walang nakakasalubong na kahit ano at ipinagpapasalamat ko ‘yon.

“Guys.” Napalingon kaming lahat kay Klara at sa tinuturo niya. Nagkatinginan kami ni Math na siyang pinaka malapit sa akin. Nanlalalaki ang mga mata niya.
“May mga tao!” Untag niya na tila nagpagising sa diwa naming lahat. Naalerto kami at mabilis na tumakbo papunta sa iilang taong nakikita namin na tumatakbo.

“Naririnig niyo ba ‘yon?” Tanong ko sa pagitan ng pagtakbo. Iilan lang silang sumagot kaya napatango ako. May tunog na nagmumula sa speaker, hindi ko maintindihan ang tunog nito pero binibigyan ako nito ng pag-asa.

Papalapit na kami nang papalapit sa highway at alam kong lahat kami ay kinakabahan. Hindi namin alam kung ano ang naghihintay sa amin sa dulo nito. Pagkaliko namin ay agad akong napatigil sa pagtakbo at gano’n din sila.

“Akin na si Shein!” Sigaw ni Math saka kinarga ang bata. Para akong naestatwa dahil sa nakikita ko ngayon. Iyong iilang bilang ng tao na nakita namin kaninang papunta rito ay pinagpipyestahan na ng rabid. Hindi lang isa o dalawa rabid kundi marami.

Malalakas na sigaw ang naririnig ko at pinapaalala nito sa akin kung anong nangyari sa pinakaunang araw na kumalat ang virus na ito. Mistulang tumigil ang oras at nakatayo lang ako ro’n habang nakatingin sa eksenang naabutan namin.

“Tara na!” Ang sigaw na ‘yon ang nagpabalik sa akin sa reyalidad. Kailangan naming umalis dito agad dahil hindi biro ang bilang ng rabid na nag-aabang sa amin. Napupukaw na rin namin ang atensyon ng iba kaya papatakbo sila papunta sa amin.

Mabilis kaming tumakbo pabalik sa eskinitang pinanggalingan namin pero hindi na pwede, siguro ay dahil sa patuloy na pagtunog ng speaker na naririnig namin ay lalo nitong napupukaw ang atensyon ng mga rabid papunta sa kung saan ito. Napamura si David nang makita nitong papunta nga rito sa highway ang mga rabid. Wala kaming ibang magagawa kundi ang tumakbo. Sa dami ng rabid na ‘yon ay hindi na kakayanin nina Kulas na makipaglaban sa kanila.

Napalingon ako nang marinig ko ang sigaw ni Rhea. Nadapa siya. Ako ang pinakamalapit sa kaniya at si Kulas. Nagkatinginan kami ni Kulas at walang pag-aalinlangan na tumakbo para saklolohan si Rhea. Rinig ko ang sigaw ni Rina at ang pagpigil sa kaniya nina Math at Lawrence, rinig ko ang malakas na sigaw ni Rhea na humihingi ng tulong at pati na rin ang mga...

Rabid.

Kahit gaano kabilis ang pagtakbo ko ay hindi kami nauna. Napatakip ako sa bibig nang makitang mabilis siyang naabutan ng mga rabid. Wala akong nagawa.

BittenWhere stories live. Discover now