Bitten - Chapter 13

51 11 1
                                    


“Gutom na ‘ko.” Rinig kong reklamo ni David.

Isang araw na ang lumipas. Uhaw, gutom at puyat ang tinitiis namin habang nakatago kami sa maliit na eskinitang ito. Hindi kami makaalis, sa kadahilanang maraming ulol ang pagala-gala sa labas. Ang ulan ang tanging pag-asa’t hinihintay namin. Makulimlim mula kahapon pero hindi pa rin bumabagsak ang ulan. Kulang na lang ay gumawa kami ng ritwal para bumagsak ang ulan.

“Ba’t ba hindi pa bumabagsak ‘yang ulan?” Inis na tanong ni James habang nakatingala. Lahat kami ay isa lang ang gustong mangyari. Ang umulan.

“Hindi ko alam na gugustuhin ko rin palang umulan.” Napalingon ako kay Math dahil sa sinabi niya. Maging ako rin. Hindi ko akalaing, mas gugustuhin ko ang tag-ulan. Naalala ko noon, tamad akong magdala ng payong kaya ayoko kapag maulan. Naiinis ako. Maputik kasi at bukod pa ro’n ay marumi ang tubig na nasa kalsada. Pero tingnan mo nga naman ang sitwasyon namin ngayon. Nakaupo sa marumi at mabahong eskinita na ‘to. Hindi alintana ang dumi sa kalsada. Wala rin naman kasi kaming ibang mapupuntahan.

Napalingon ako kay Rhea. Namumugto ang mga mata niya dahil sa sobrang pag-iyak. Napabuntong hininga na lang ako saka napatingin sa may bulwagan kung saan nakapuwesto si Kulas. Nakatingin siya sa labas at malalim ang iniisip. Siguro’y nagpaplano siya sa pag-alis namin dito. Hindi rin naman kasi kami p’wedeng umasa na lang sa ulan, lalo pa’t hindi namin kontrolado ang panahon.

Napatingala ako nang maramdaman ang kakaunting patak mula sa langit. Napangiti ako dahil doon. Maging sila ay natuwa. Naging alerto kami lalo. Hihintayin na lang naming bumagsak ang ulan na ito. Sigurado akong matagal bago tumila ang ulan, dahil na rin sa sobrang dilim ng kalangitan mula pa kahapon. Naipon ata.

“Ayan na! Anakngtokwa—naman ba’t ang bagal pumatak ng put—"

“Ano ba naman ‘yan, Math. Puro na lang mura ang lumalabas sa bibig mo.” Suway ni Klara. Napairap lang si Math saka nagpatuloy sa kung anong sinasabi. Namalayan ko na lang na lahat kami ay nakatingala na habang paunti-unti ang pagpatak ng ulan. Para bang nananadya ito at nang-aasar.

Maya-maya pa ay bumuhos na ang malakas na ulan. Para kaming mga batang nagtatakbo kung saan. Gaya ng inaasahan ay wala nang ulol sa paligid. Ang ilan sa kanila ay nasa silong lang at ang iba naman ay nagtatago sa takot na mabasa.

“Sa’n na tayo pupunta?!” Malakas na sigaw ni James dahil na rin hindi kami halos magkarinigan sa lakas ng ulan.
“Takbo lang tayo. Bahala na!” Sigaw pabalik ni Kulas. Napatango ako saka sumunod lang sa kanila. Tinatakbo namin ang kahabaan ng kalsada. Tila hindi kami napapagod.

“Sandali!” Sigaw ko dahilan para mapalingon silang lahat sa ‘kin. Itinuro ko ang isang malaking warehouse.

“Bakit? Hindi tayo pwedeng pumasok diyan.” Rinig kong saad ni Ahl. Napailing ako.

“Ang bus.” Napatingin kaming lahat kay Kulas dahil doon. Nagpalinga linga ako sa paligid at napalingon kay Klara.

Napangiti siya dahil sa tuwa. Iyon ang bus na sinakyan namin. Ang bus na tinangay ni Clarrence.

“May mga tao ata sa loob.” Untag ni Ahl habang nakatingin sa warehouse.

“Pa’no ka naman nakakasigurong mga tao ‘yon?”

“Baka mga ulol. Baka kung mapano tayo.” Pagsegunda ni David. Basang-basa kaming lahat dahil na rin sa tagal naming nakatayo sa gitna ng kalsada. Nangangatal na rin ang labi ko dahil sa lamig.

BittenWhere stories live. Discover now