Chapter 26

17.6K 330 10
                                    

PATAPOS na ang dalawang buwang bakasyon ni Adam. Muli na itong babalik sa NJCU para tapusin ang natitirang isang taon ng MBA. Naging napakasaya ng binata at ni Kimi sa loob ng dalawang buwan.

Oo nga at hindi pa rin ito sinasagot ni Kimi—na ikinadismaya ni Adam noong una—pero ipinararamdam niya ang pagmamahal dito magkasama man sila o hindi. Gusto lang niyang makatiyak silang pareho ni Adam na wala na ang emotional entanglements ng nakaraang relasyon. Ngayon ay tiyak na si Kimi sa sarili na mahal nga niya si Adam at handa na siya sa susunod na level ng kanilang relasyon.

Araw-araw silang nagkikita ni Adam. Kahit nang magsimula na siyang mag-duty sa VRP Medical Center ay nagkikita pa rin sila. Inihahatid at sinusundo siya ng binata sa ospital.

Pero off-duty si Kimi ngayong araw. Sinadya ng dalaga na mag-day off para magkasama sila nang matagal sa huling araw bago ito bumalik sa Amerika. Ngayon pa lang ay nakakaramdam na siya ng lungkot.

Sakay ng kotse ni Adam, sa Arroceros Forest Park sila nagkasundong magtungo. Nagdala si Adam ng picnic basket kaya doon na sila nagtanghalian.

Naalala ni Kimi ang huling pamamasyal nila ni Adam sa Liberty Park noong nasa Jersey City pa sila. Lungkot na lungkot siya noon dahil kailangan na niyang iwan ito. Sobrang sakit na ng kalooban ni Kimi sa inakalang panggagamit ni Adam sa kanya. Na hindi nito nahalata dahil sa pag-iingat niyang malaman ng binata ang kanyang pinagdaraanan.

"Alam mo, ayoko nang ma-miss 'yong ganito na magkasama tayo," sabi ni Adam. Inakbayan si Kimi at dinala sa harap nito bago ikalang ang ulo sa balikat niya at ipalibot ang mga braso sa kanyang tiyan.

"Isang taon na lang naman ang ipagtitiis mo."

"Pero ayoko nang magtiis ng isang taon. Kaya nga—"

"Sandali, sandali," agaw ni Kimi, "may ikukuwento nga pala ako bago ko makalimutan."

"Ano ba 'yon?"

Nakiliti siya nang maramdaman ang buga ng hininga ni Adam sa gilid ng leeg niya. "Once upon a time... there was a boy named Adam."

"Teka muna," singit ni Adam, "kalokohan ba 'yan?"

"Hindi, ah. Makinig ka na nga lang bago ka sumingit." Muling isinandal ni Kimi ang likod sa dibdib ni Adam. "Nagmahal si Adam sa isang babae. Pero ang sabi ng mga angels, 'Naku, hindi ang babaeng 'yan ang para sa 'yo.' Kaya ipinakuha nila si Adam sa isang buhawi para ibuga sa ibang lugar. 'Diyan ka muna sa Nagsasa,' sabi ng mga anghel. 'Bigyan mo ng pag-asa ang isang ama na inagawan ng anak at asawa.' Nabalik sa ama ang pag-asa at pagmamahal sa tulong ni Adam. Nang bumalik na si Adam sa sariling pamilya, laking gulat niya dahil naagaw na ng sarili niyang ama ang babaeng mahal niya. It gave him the greatest heartbreak of his life. Nagmaktol si Adam kaya—"

"Teka,' singit na naman nito, "nagmaktol talaga ako?"

"Butt in ka nang butt in. Makinig ka muna sabi." Ipinagpatuloy ni Kimi ang pagkukuwento. "Aping-api siya sa palagay niya. Naawa sa kanya ang Diyos kaya pinapunta na naman kay Adam ang mga anghel para dalhin kay Adam ang babaeng para sa kanya. Kaya lang, marami pang dapat ayusin kaya Adam. Nakakahiya naman sa babaeng para kay Adam kung ang mapupunta rito ay ang masungit, mareklamo, galit sa mundo at laging nagse-self-pity na Adam. Ang bait-bait pa naman noong babae. Ang ganda-ganda, matalino, talented. In short, perfect na babae na hindi basta-basta."

Nilinga ni Kimi si Adam sa puntong iyon dahil humigpit ang pagkakahapit ng mga braso nito sa tiyan niya. Nanlalaki ang mga mata nito at lukot ang mga kilay.

Kumalas na si Kimi kay Adam. Inirapan ito. "Ayoko nang ituloy ang kuwento. Parang hindi ka naniniwala."

Nagkumahog si Adam na hawakan sa magkabilang braso si Kimi. "Naniniwala ako. Ituloy mo na ang kuwento, please?"

"Pilitin mo muna ako."

Natawa si Adam, napakamot sa ulo. Yumuko ito at dinampian ng halik ang sentido ni Kimi. "Ituloy mo na, please?"

Napangiti na si Kimi. Ang sarap lang i-enjoy ng mga sweet moments na ganito kahit walang sense. "Naisip noong babae na kahit masungit, mareklamo, galit sa mundo at laging nagse-self-pity si Adam..."

"Ano?" untag nito nang ibitin niya.

"Gano'n talaga siya. Uwi na tayo."

Dinaklot ni Adam ang sariling buhok. "Kimi—i!"

Kay lakas ng tawa niya. "Joke lang!" Ikinawit ni Kimi ang mga kamay sa leeg ni Adam at idinikit ang sarili sa katawan nito. "Ano na nga 'yong sasabihin mo kanina bago ako magkuwento?"

Huminga nang malalim si Adam. "Hindi na ako aalis papunta sa New Jersey. Hirap na hirap ako noong huling tatlong buwan ko roon na iniwan mo ako. Matatapos ko pa rin naman ang MBA ko. Dito ko na lang itutuloy. So, Kimi, hindi na tayo magkakahiwalay." Ngumiti ito at inilapit ang bibig sa mga labi niya.

Mabilis na naiharang ni Kimi ang kamay kaya doon nag-landing ang bibig ni Adam. "Wait lang. Itutuloy ko na ang kuwento," pilyang sabi niya, masayang-masaya. Hindi na sila magkakahiwalay nito. Oh, gosh! I so love it! Mabilis na ibinalik niya sa leeg ni Adam ang mga kamay.

Napailing at napangiti na lang si Adam. "I'm sure, boredom will be an alien word to me from now on."

Ngumisi si Kimi. "Naisip noong girl na kahit naging masungit, mareklamo, galit sa mundo at laging nagse-self-pity si Adam noon... hindi niya ito maipagpapalit sa kahit na pinakaguwapong green-eyed Caucasian."

Lumuwang nang husto ang ngiti ni Adam. "At sa kanyang ex."

"Right." Tumango si Kimi. "At sa kanyang ex."

Mabilis pa sa kidlat na nag-landing ang bibig ni Adam sa mga labi ni Kimi. Kinuyumos siya nito ng halik. Mali pala. Siya ang kumuyumos ng halik kay Adam...

Happy or not so happy... whether it's spring or winter time, Adam and Kimi will continue to live together for many, many years, pagtatapos ng kuwento ni Kimi sa kanyang isip.

•••WAKAS•••

Adam's Sassy Girl by Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon