Chapter 21

9K 164 0
                                    

"BAKIT ang lungkot mo yata ngayon?" puna ni Adam kay Kimi. Gaya ng dati ay inabangan na naman ng binata ang paglabas niya sa ospital. Hindi niya gaanong pinansin na nakasuot ito ng green contact lenses.

"Hindi kasi maganda 'yong balita na natanggap ko sa amin," sagot ni Kimi.

"Bakit, ano'ng nangyari sa mama mo?"

Parang haplos sa puso ni Kimi ang concern na makikita sa mga mata ni Adam. "Walang nangyari kay Mama. Kay Tita Pia, meron. Na-stroke daw sabi sa PM ni Manette sa FB ko. Paralyzed ang kalahati ng katawan ng tita ko gaya ni Lola Guada noon."

"Kumusta na raw ang tita mo?"

"'Ayun, nasa ospital pa rin. Binabantayan nila ni Kuya Chito. Si Sonny naman, hindi mahagilap. Bihira na raw umuwi ng bahay mula nang makuha namin ang kanya-kanyang mana sa pagkamatay ni Lola Guada."

"Alam na ba ng mama mo?"

"Itinawag ko na kanina. Ayaw kasing sabihin ni Manette. Nahihiya siguro dahil sa pangit na treatment nila kay Mama noon. Pero kailangan nila ng tulong ngayon. Hindi ito ang panahon para pairalin ang pagkakanya-kanya." Napansin ni Kimi habang naglalakad sila ni Adam na nakatago sa likuran ang isang kamay nito. Bago pa niya matanong ang binata ay inilabas na ni Adam ang kamay.

"For you," nakangiting abot ni Adam sa kanya ng tatlong malalaking American Beauty. Sariwang-sariwa ang petals at tangkay ng mapupulang rosas na parang kapipitas lang.

Kumislot ang puso ni Kimi. "Bakit mo ako binibigyan ng flowers?" At sa gitna pa talaga ng mahabang kalye ibinigay ni Adam ang mga bulaklak!

"Nami-miss ko na kasing magbigay ng bulaklak sa girlfriend."

Pagak ang naging tawa ni Kimi bago kunin ang iniaabot ni Adam. Kailangan niyang gawin iyon para makawala sa epekto ng titig ng binata. Parang nabuhusan ng isang baldeng pang-Ice Bucket Challenge ang inisyal na kilig at pag-asam niya. Gaya ng dati, ginagamit lang siya ng binata para ma-satisfy ang pangungulila sa isang girlfriend. "Panay ang practice mo ng panliligaw d'yan, eh, wala ka pa namang nakikitang puwedeng ligawan. Subukan mo muna kayang manligaw para hindi masayang ang efforts mo."

"Hindi ko naman 'to ginagawa para mag-practice lang."

"Ano pala? Nag-iilusyon ka na naman? Gano'n?"

"Huwag ka na ngang kumontra. I-enjoy mo na lang ang ilusyon ko. At kunwari, ako ang green-eyed Caucasian na pinapangarap mo." Inakbayan na siya nito at sa ganoong ayos sila naglakad. Nasanay na si Kimi na lagi itong nakaakbay kapag naglalakad sila. Kahit alisin niya ang balikat ni Adam ay aakbay pa rin ito hanggang sa pabayaan na lang niya. Kung sana lang hindi lumalala ang atraksiyon na nararamdaman dito ni Kimi sa pagdaan ng mga araw. Sinasabi niya sa sarili na saka na niya iisipin iyon. Pero ngayon pa lang ay natitiyak nang gabi-gabing mababasa ng luha ang kanyang unan kapag hindi na sila nagkita ni Adam.

"Kumusta na nga pala 'yong manliligaw mong Turko?"

Mula nang malaman nitong Turkish si Dr. Kahlil ay "Turko" na ang monicker ni Adam sa binatang doktor.

"Okay lang."

"Anong 'okay lang'? Wala yatang kilig 'yon, ah."

Tumawa si Kimi. "Hindi na niya ako niyayang mag-date uli. Na-bore yata sa akin."

Natawa na rin si Adam. "Sira-ulo siguro ang doktor na 'yon. Boring ang pinakahuling adjective na gagamitin ko sa 'yo."

Iniungos ni Kimi ang ulo at tiningnan nito. "Are you complimenting me, Prince Adam?"

"You don't need my compliments, Kimi. You know your worth. Isang malaking ungas ang ex mo para iwan ka. Hindi niya alam kung ano ang pinakawalan niya." At para bigyan marahil ng diin ang sinabi ay pinindot pa ni Adam ang ilong ni Kimi at pinisil ang kanyang baba.

"Wow, ang sarap naman sa pakiramdam." At masarap din sa pakiramdam ang init na nagmumula sa katawan nitong nakadikit sa tagiliran niya.

"Ipag-research mo naman ako noong ibang kailangan para sa paper ko, o."

Kay lakas ng tawa ni Kimi. Inuuto lang pala siya nito. Pero gusto niyang kiligin sa pag-e-effort nitong magsuot ng green contact lenses. Sinamyo niyang muli ang bango ng American Beauty. Masarap lang i-enjoy ang friendship nila ng lalaking ito. Kung sana, makokontento ang puso niya na hanggang magkaibigan na lang sila.

Kung sana hindi na siya aasa sa pagmamahal ng lalaki na walang ibang maibibigay sa kanya kundi ang gawin siyang role player sa mga ilusyon nito.

Adam's Sassy Girl by Dawn IgloriaWhere stories live. Discover now