"Sandali, huwag n'yo munang hawakan," babala ni Aaron. "Baka may kung ano d'yan. Linisin n'yo muna."

Nag-perform ng cleansing spell si Everett. At nang matapos, saka sila nagsuot ng gloves para iangat ang mga kagamitan ni Reyes at isilid ang mga iyon sa mga evidence bags.

"Hutangina," bulalas ni Kenneth sa gulat nang buksan nito ang isang aparador at bumulaga rito ang mga kalansay ng mga hayop, mga ibon at paniki. 'Yung iba ay nakabitin pa habang ang iba ay nalaglag na at nakakalat na. Sa estante sa ilalim niyon ay mga garapon na naglalamad ng iba't-ibang klase ring maliliit na hayop at insekto na nakababad sa kung anong likido. Mga ahas, daga, palaka, at iba pa.

Inabot ni Kenneth ang isang garapon. "Ano sa palagay n'yo? Snake wine kaya 'to?" biro nito.

"So ano 'to? Pulutan?" tanong ni Joshua na naglapit ng isang garapon na may lamang higanteng centipede na nagtatakbo pa paikot-ikot sa loob.

"Baka mabasag mo 'yan!" sigaw ni Kenneth. "Di ba poisonous 'yan?"

Ngumisi si Joshua sabay tangkang ihagis dito ang garapon.

Kahit pa na-curious sa Aaron sa laman ng mga aparador ni Reyes, hindi siya nakigulo sa paghahalungkat sa mga iyon. Hindi niya pinansin ang mga kristal o ang mga pinatuyong dahon o iba pang mga gamot. Hindi iyon ang hinahanap niya. Sa hangin, sa malamlam na ilaw, sa dugo niya, naririnig pa rin niya ang mga bulong.

Sinundan niya iyon.

Lumuhod siya sa tabi ng isang mababang mesa sa tabi ng papag. Pero alam niyang hindi iyon mesa. Inalis niya ang maalikabok na mga bagay na nakapatong doon para makita ang isang lumang baul.

Mabagal niyang inangat ang takip niyon. Lumakas ang mga tinig, nagbubunyi, nagsasaya. Tinatanggap siya.

Noon niya nahuli ang atensyon ni Kenneth. "Aaron?" tawag nito na puno ng pagtataka at pag-aalala ang boses.

Hindi niya pinansin ang pinsan. Sa loob ng baul ay isang lumang libro na gaya ng libro ni Lola Cleotilda ni Aaron na pinagpasapasahan mula pa noong unang panahon hanggang sa henerasyon nila. Ito ang aklat ng pinagpasa-pasahan ng lahi ni Rogelio, ng lahi ni Aaron.

Nang ilapat niya ang palad sa balat niyon, nadama niya ang init at ang mapanirang tuwa ng mga ninuno niyang sa kasamaan pumanig.

"Ah, Aaron?" tawag ulit ni Kenneth. Marahil ay nadarama rin nito ang nadarama niya mula sa aklat.

Nag-angat siya ng paningin. "Eto 'yung libro nina Aling Aurora," sabi niya sa mga pinsan. "Gusto ba natin siyang pag-aralan o sunugin na lang?"

Nagpalitan ng tingin ang mga pinsan niya bago siya pinagmasdan. Hindi nagsalita ang mga ito. Alam niyang ayaw sabihin ng mga ito na nasa kanya ang desisyon dahil sa ngayon, wala nang ibang pagpapasahan ng aklat sa lahi ni Aling Aurora. Maliban kay Aaron.

Lumakas ang mga tinig ng bumubulong sa kanya. Halos madama niya ang galit ng mga ito dahil itinanong niya kung gusto ba nilang sunugin ang aklat.

Huwag! Ayaw mo ba ng kapangyarihan? Ikaw ang pinakamakapangyarihan sa kanila! Ikaw ang pinakamalakas! Matututunan mo pa lalo kung paano sila puksain kung iyong malaman ang mga lihim ng aklat na ito!

Makakamit mo ang lahat ng gusto mo kung sundin mo ang mga nakasaad dito!

Pagsisisihan mo ito!

Muli niyang pinagmasdan ang aklat saka siya tumango ng isang beses. "Yup. Let's burn it."

Tinapos nila ang pagliligpit sa loob. Nilagyan naman na nila ng cleansing spell ang mga kinuha nilang sandata. Kailangan lang naman nilang ipa-test ang mga dugo sa mga sandata para tingnan kung konektado ang mga iyon sa ilang mga kaso ng pagpatay sa isla na hindi malutas ng mga pulis. At kung hindi naman at hindi kailangang ebidensya ang mga ito, susunugin din nila ang mga iyon. Walang dapat maiwan na bakas ni Reyes kung gusto nilang matapos na ito.

The Mansionजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें