Nand'yan siya, Ianne.

Nand'yan si Nate para mahalin ka. Nand'yan siya sa tabi mo kahit nahihirapan siya pero anong ginagawa mo? Nandito ka nga physically, pero nasaan ang puso't isipan mo?

Nasa taong nakiusap para lumayo ka.

Ianne, itigil mo na 'to. Nasasaktan na si Nate.

Pero kahit pagbali-baliktarin ko ang buong mundo, iisa lang ang sinisigaw ng puso't isip ko.

"Mahal na mahal kita," nakangiting sabi ni Nate.

Kinabahan ako. Bakit ba ako ganito? Bakit naging mas magulo ang lahat?

"Nakakatawa ako, 'no?" Tumawa siya at tumingin sa bintana.

Ianne, tama na. Mahal mo si Nate, hindi ba?

"Natatangahan na rin ako sa sarili ko. Pinagsisisihan ko na lahat ng nagawa ko noon. Ang tanga ko, sana hindi na lang ako naglihim."

"Nate . . ."

Papalapit na sana ako sa kanya nang mapatigil ako dahil tumingin siya sa akin. Nakangiti siya pero nangingintab ang mga mata.

"Ang duwag ko kasi, eh, hindi ko matanggap na may sakit ako." Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya. "Hindi ko matanggap na mawawala ako. Dapat sinabi ko na lang dati pa. Ang tanga ko. Sana hindi na lang kita dinaan sa ibang lalaki."

"Anong s-sinasabi mo . . ."

"Anong napala ko sa katangahan ko?" Kinuyom niya ang kamao niya. "Nakuha na niya ang pagmamahal mo. Nakuha ka na niya sa akin."

Umupo ako sa tabi niya at hinawakan siya sa kamay.

"Naiinis na kasi talaga ako sa sarili ko." Tumutulo na ang luha niya.

Nakatingin lang ako sa kanya.

Alam ko ang sasabihin ko. Alam ko ang dapat kong sabihin pero bakit hindi ako nagsasalita. Humigpit ang hawak ko sa kamay niya kaya tumingin siya sa mga mata ko.

Mahina ang pagkakasabi ko ng, "'Wag kang ganyan . . ."

"Bakit, Ianne? Mahal mo ba ako? Mahal mo pa rin ba ako, hanggang ngayon?"

Mahina ang boses niya na halos hindi ko na marinig dahil sa lakas ng kabog ng dibdib ko.

Bakit hindi ko masagot ang tanong niya kahit ang dali-dali lang dapat nito?

Ngumisi siya at inialis ang hawak ko sa kamay niya. "'Wag mo na lang sagutin ang tanong ko."

May kinuha siya sa ilalim ng damit niya at kinuha ang dalawang singsing sa kwintas niya.

"Alam kong sa una pa lang, wala na talaga. Nang makita ko kung paano mo tingnan ang singsing na 'to, alam kong wala ka na sa akin."

Napalunok ako. Napakagat ng labi.

"Pero nagpakatanga ako. Nagbulag-bulagan. Nagpanggap akong walang alam. Nagpanggap akong hindi ko alam na may amnesia si Art. Na hindi ko alam na nagpupunta ka sa kanya madalas. Na umiiyak ka dahil sa nangyari kay Art. Nagpanggap akong hindi ko alam na sa likod ng mga ngiti mo sa akin, puno ng sakit ang nararamdaman mo." Humigpit ang hawak niya sa singsing. "Bakit ba sa tuwing nagiging makasarili ako, na dapat ako lang ang masasaktan, nasasaktan din kita, Ianne?"

Tumulo na ang luha sa mga mata ko nang banggitin niya ang pangalan ko.

"Bakit ang sakit ng kasalanang nagawa ko? Bakit nasasaktan pa rin kita hanggang ngayon? Bakit ba lagi kitang ginaganito?"

Napayuko na ako sa sobrang panghihina sa mga naririnig ko. Tulo lang din nang tulo ang mga luha niya. Hinawakan ko lang ang kamay niya nang mahigpit.

AFGITMOLFM (2019 version)Where stories live. Discover now