Nanatili ako sa poder nila sa mansion na 'to na wala man lang naliligaw na ibang nilalang maliban sa 'min tatlo. Nasa gitna kami ng mga nagsisibulang mga bulaklak at kahit anong haba ng nilakad ko, hindi ko pa rin matanaw ang ibang lugar na tila walang hangganan ang nilalakad ko.

Naiilang pa rin ako pero pinilit kong makisama sa kanila. At naging masaya naman ako lalo pa't nakakalapit ko madalas si Lucylle, hindi pa rin ako komportable na tawagin siyang 'mommy' marami siyang k'wento sa 'kin na nagpatunay na siya nga ang aking ina, at ngayon nga, tila lumalabas na talaga ang kakayahan ko dahil naaamoy ko na si Lucylle maliban sa 'king ama na madalas ay nasa ibang k'warto at nagpapahinga. Maging si Lucylle hindi niya alam kung paano 'to nakabalik matapos mamatay sa Underground, pero kahit ano pa mang dahilan, tatanggapin nito si papa, iyon ang sabi niya.

"Nasaang lugar ba tayo?" hindi ko mapigil na tanong nang inaayos niya ang kama na hihigaan namin.

"Sa papa mo 'to, siya ang nakakaalam ng lugar na 'to at kailangan natin 'tong ilihim dahil nasisiguro niya na hahanapin ka ni Neo para paikutin pa at sumama ka sa kanya."

May kurot akong naramdaman sa puso pero pinanindigan ko na lang na 'wag ng sumagot.

Madalas kong iniisip si Neo bago 'ko matulog, at hindi ko mapigilan na mapaluha ng tahimik, hindi ko pa rin gustong paniwalaan na hindi totoo ang pinagsamahan namin dahil may motibo lang siya. Pero pinaniniwala nila kong dalawa sa motibo ni Neo sa 'kin at nasasaktan akong isipin na maaaring tama sila, at maaaring hindi nga totoo ang ipinakita ni Neo sa 'kin pero tila kinukuyumos naman ang puso ko sa isiping hindi ko pinagtitiwalaan ang lalaking mahal ko. Pero paano ko aalamin ang totoo? Kung hindi ko alam paano ako aalis sa lugar na 'to?

Sa loob ng maraming araw na nakakulong ako sa lugar na wala akong ideya kung saan, nagkaroon ako ng panaginip na hinahanap ako ni Neo at nakita kong nahihirapan siya, nagbabasag, at tila masisiraan na sa katatawag sa 'kin. Pakiramdam ko nadudurog ang puso ko habang nakikita ko siyang nagdurusa ng gano'n.

"Neo..." nilapitan ko siya sa panaginip ko. Nakaupo siya sa gilid ng kama at nakatungo sa dalawang palad niya. Bago ko siya maabot may lumabas na ahas sa likuran niya at galit na galit ang malaking itim serpyente sa 'kin at nagbadyang tutuklawin ako kaya napaatras ako.

"Nangako ka na hindi mo ko iiwanan, pero saan kita hahanapin? Bakit ka sumama nang hindi ako hinihintay. Tama ba si Sarah, sinasakal kita at hindi mo 'ko nais? Margareth, buong buhay ko kaya kong ibigay sa 'yo, hindi man kapani-paniwala ngunit totoong labis ang naramdaman ko para sa 'yo..."

Natakpan ko ang bibig ko at nag-unahan ang mga luha ko. Nakita ko siyang lumuluha habang tila hindi malaman kung paano iikutin ang k'warto niya bago niya sinuntok ang salamin sa k'warto niya kasabay ng pagdurugo ng kamao niya at sobrang sakit na makitang paulit-ulit niya 'yong ginawa habang lumuluha na tila gumuguho na ang daigdig niya habang paulit-ulit akong tinatawag at pinababalik.

"Patawad..." gusto ko siyang hawakan pero muling nagpakita sa 'kin ang ahas at humarang kaya naman lumakas lang ang pag-iyak ko.

Bakit ako nagpapaapekto? Naramdaman kong mahal niya 'ko, iningatan at inilagaan...

"Margareth, bakit pinahihirapan mo 'ko nang ganito? Hindi ba talaga ako katiwa-tiwala? Bakit kahit minsan, hindi mo tinawag ang pangalan ko, kung nasaan ka man, paano kita matatagpuan? O' tuluyan mo na 'kong kinalimutan?"

"Hindi..." gusto kong sumagot pero nagliwanag na ng pula ang mata ng serpyente at nabalikwas ako ng bangon at luhaan akong napatingin sa singsing ko na ang kulay ay naging itim. Nakagat ko ang ibabang labi ko para pigilin mapahagulgol.

RBW series 6: THE NECROMANCER'S HEART ( Margareth )Where stories live. Discover now