Sixth Entry : Topsy-Turvy Tale

208 11 5
                                    

CHAPTER ONE

Istorbo…

 

KANINA pa ako nakatitig sa TV. Blurry. Ayos ngayon, walang ulan. Kaya medyo okay din ang nakikita kong mga tao sa TV. Hindi tulad kapag ulan, pulos dilis ang mga nakikita ko. Wala kasi akong cable. Antenna ang uso dito sa probinsiya na nakakabit sa mataas na kaawayan at patatayuin sa gilid ng bahay. At kailangan ko pang  pihitin 'yon sa tuwing lumalabo ang TV. Huminga ako ng malalim. Nakarinig ako nang kaluskos. Hindi ko alam kung sa labas ba galing 'yon o dito sa loob ng bahay ko. O baka naman surot lang o daga.

          Konti lang ang gamit ko sa bahay. May isang TV na kasalukuyan ko ngayong ginagamit. Ito lang ang nagsisilbing taga-aliw ko sa sarili bukod sa chess na meron ako, na ang kadalasan kong katunggali ay ang sarili ko. Isang washing machine na nasa banyo. Isang maliit na kusina na kulang din ang mga kasangkapan. Isang sala—kung nasaan ako ngayon—na may tatlong sofa. Dalawang maliit at isang mahabang sofa. Sa ilalim ng TV ay may DVD player din naman ako. Na hindi ko naman ginagamit. Kung gusto kong makalimot, hindi dapat ako magkamali na gamitin 'yon. Pakiramdam ko kasi, lahat ng kanta ay ginawa para sa 'kin. Pakiramdam ko, bawat salita sa kanta, pinipiga ang puso ko. Maski nga ang “Philippine Geography” ni Yoyoy Villame, gusto kong manuntok ng pader. History teacher kasi siya. At ngayon, magiging history ko na lang ba siya?

          Naningkit ang mata ko nang makarinig ako ng katok sa pinto. Sanay akong walang kumakatok sa pinto. Sanay akong walang umiistorbo sa 'kin. Pero, baka naman mali lang ako. Hindi ako gumalaw. Ni hindi rin gumalaw ang mga eyeballs ko. Baka naman sa kapitbahay lang 'yon na ilang metro ang layo sa bahay ko. Lahat ng bahay dito sa Batanes, mahigit sampo o kensing metro ang agwat ng bahay. Pero… siguro nga, dahil hindi na naulit ang katok na narinig ko.

          “Tao po!” Sumunod ang tatlong katok. Kumunot ang noo ko. Sino ba 'yan? Hindi ko alam kung babae o lalaki ang boses. Kung babae? Ano gagawin ko? Pero hindi pa yata dapat 'yon ang isipin ko. Ang dapat kong isipin ay kung ano ang kailangan ng taong 'yon sa 'kin.

          Istorbo…

          Tumayo na 'ko. Minsan nga lang ako tumambay, minsan nga lang tumahimik ang utak ko sa pag-iisip kay Kim—Ah, si Kim. Kailan ko ba siya makakalimutan?—ngayon pa may sumira sa drive ko sa gusto ko sanang makalimot… kahit sandali.

          Sumulyap ako sa orasang nasa taas ng TV ko. Alas nuwebe pa lang naman ng umaga. At beinte dos pa lang naman ngayon ng Abril. Kung may kakatok sa pinto ko, mga katapusan pa dapat ng buwan 'yon. At bill ng kuryente at tubig lang 'yon. Labis na kumunot ang noo ko. Sinong kaibigan ko ba ang nakaalam kung nasaan ako? Ni wala akong cell phone, internet o computer. Payak ang buhay ko dito sa probinsiya. Nag-iisa, tahimik, pero hindi pa ako nagsasawa. Kailan ba ako magsasawa? Kapag nakalimot na? Kapag humilom na ang sugat sa dibdib ko? Kapag… wala na akong nararamdam? Malaking siguro. Pero hindi ko alam kung kailan mangyayari 'yon.

          Sa totoo lang, hindi ko alam kung mararating ko pa ba ang salitang “moved on” with “ed.” Past tense. Nasa harap na ako ng pinto, pinihit ko ang doorknob. Isang… marungis na babae ang nasa harap ng pinto ng bahay ko! Nakasandal sa pader ng bahay ko na kulay light green. Nakapikit siya. May hawak na bag sa kanang kamay. Puno ng putik ang bag na 'yon. Dinumihan niya ang bagong pintura kong bahay! Kung nangunot noo ako kanina, dumoble 'yon o kaya triple pa.

          Sa tingin ko ay dating puti ang damit niya na hindi umaabot sa pusod. Ngayon nangingitim na at naninilaw na ang kulay n’yon. Nakapantalon din siya, pero balot ng putik, basa, may punit. Ang sinturon niya… cellophane?

Pen Of The Year (Novel Writing Contest) (2014) (ORDER IS NOW OPEN!) Where stories live. Discover now