Chapter 65: APOCALYPSE

Start from the beginning
                                    

"Salamat po Diyos ko at ligtas kami sa isang napakalakas na lindol..." ang mahinang dasal ni Fr. Mexo.

Iniyuko ng pari ang kanyang ulo at saka ipinikit ang kanyang mga mata. Huminga siya ng malalim at hinayaan niyang tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Akala niya kanina ay katapusan na ng lahat dito sa mundo. Akala niya ay mamamatay na siya sa loob ng gusali ng CCP theater. Kitang-kita niya ang takot sa mga mata ng mga tao, ang kanilang sigawan at pag-iyak ng dahil sa sobrang takot.

Isang batang babae ang yumakap kay Fr. Mexo. Umiiyak ito at pamilyar sa kanya ang boses nito. Tumingin siya sa bata at saka hinagod nito ang likod ng bata.

"Maragaux, tahan na. Tapos na ang lindol ligtas na tayo." ang pag-aro nito kay Margaux na na-trauma sa pangyayari.

Mahigpit ang yakap sa kanya ng bata at sa tabi nila ay ang humahagulgol din si lola Luming.

"Nasaktan po ba kayo lola?" Ang tanong ni Fr. Mexo pagkakita sa matanda.

"Hindi naman po among, okay lang po ako." ang tugon ni lola Luming na namumutla ng dahil sa takot.

"Buti naman po kung ganun. Magpahinga na lang po muna kayo dito at pagkatapos nito ay aalis na tayo para sa mas ligtas na...." biglang natigilan si Fr. Mexo. Mula sa kanyang paa ay napansin niya ang patuloy na pagbulwak ng tubig sa lupang kinatatayuan nila.

"...Diyos ko..." ang biglang namutawi sa bibig ng pari ng may maalala. Biglang napatingin sa dagat ang pari at natulala sa nakita. Nanlaki ang mga mata ni Fr. Mexo kasunod ng tila pagtigil ng oras sa kanyang paligid. Kitang-kita ng kanyang mga mata ang napakalaking-umbok sa karagatan.

Napakabilis...

...malakas ang puwersa...

...mga naglalakihang mga alon sa dagat na nilikha ng napakalakas na pagyanig.

Kaagad na binuhat ni Fr. Mexo ang batang si Margaux at iniabot ang kamay nito kay lola Luming.

"Takboooo!!!" ang napakalakas na sigaw ni Fr. Mexo at kasabay din ng kanyang pagtakbo.

Napatingin ang mga tao kay Fr. Mexo at nabahala rin sa kanilang nakita. Tumingin sila sa karagatan at kinilabutan sa nakitang nag-uunahan at mala-higanteng mga alon sa dagat. Sunod-sunod na nagsitakbuan ang mga tao at sabay-sabay na nagsigawan para marinig pa ng ibang mga taong naroroon ang tungkol sa Tsunami.

Napuno ng sigawan ang buong paligid ng CCP. Mga bata na hindi malaman ang gagawin at natulala sa mga nangyayari, mga matatanda na nagkasya na lamang sa pag-iyak at tumayo na lamang sa kalsada at nakaharap sa karagatan. Tila isinuko na nila ang lahat at hinihintay na lamang nila ang kamatayan lalo na't matagal na rin silang namalagi sa mundo. May mga sundalo ang pinaandar ang kanilang mga sasakyan at pilit na pinasasakay ang mga taong nakikita nila pero hindi alintana ang mga nagkalat na tipak ng mga pader na galing sa mga gumuhong gusali na magiging dahilan ng hindi rin magamit na mga sasakyan.

Mula sa himpapawid ay mabilis na ibinaba ni Randy sina Ceasar, at Demetria para tulungan ang mga tao na makaligtas sa paparating na Tsunami o Tidal wave. Kasabay ng kanilang pagbaba ay ang mabilis na pagtakbo ng mga nakaligtas na mga taong-lobo na tumutulong din sa pagliligtas sa mga tao. Isinasakay nila sa kanilang mga balikat ang mga tao para mapabilis na maialis sila sa panganib mula sa ga-higanteng alon ng dagat.

Hinahanap naman ni Demetria si Fr. Mexo sa mga taong nag-uunahan sa pagtakbo. Hindi niya alintana ang mabilis na paglapit ng mga higanteng alon na ilang saglit lang ay hahampas na sa dalampasigan ng Maynila. Kani-kanina lamang ay nakita niya si Fr. Mexo na kasamang inaalalayan ang mga tao na nasa loob ng CCP theater. Napunta ang tingin niya sa unang alon na sumalpok sa dalampasigan na lumikha ng sunod-sunod na pagtilamsik ng tubig dagat sa paligid. Mabilis na gumapang ang hanggang tuhod na tubig dagat na mapuwersang binabaybay ang bahaging mababa sa paligid.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now