Chapter 65: APOCALYPSE

Magsimula sa umpisa
                                    

Biglang sumagi sa kanyang isipan ang mga iniwan niya sa CCP Complex. Si Margaux, si Mexo...
Biglang kinutuban ng masama ang babaeng pulis dahil nararamdaman niya ang namumuong panganib.

Kailangan niyang bumalik...

Papalakas ng papalakas ang naririnig niyang tila pagragasa ng mga nag--uunahang mga kabayo...palapit ng palapit...

Kailangan niyang bumalik...

Si Margaux....

Si Mexo...

Kailangan niyang bumalik para sa kanila...

Hindi na nagdalawang-isip na tumakbo ni Caren pabalik sa iniwanan niyang mga kasama. Pero paghakbang niya ay bigla siyang nadapa sa magaspang na konkretong kalsada. Doon niya namalayan ang unti-unting lumalakas na pagyanig sa paligid.

Binalutan ng sobrang takot si Caren dahil makailang ulit siyang sumubok na tumayo pero hindi niya magawang mabalanse man lang ang kanyang katawan para gawin ito. Unti-unting nagbagsakan ang mga gusaling nakapaligid sa kanya at naramdaman niya na tila isang papel na umaalon-alon ang kalsadang kanyang kinaroroonan.

"Diyos ko po...kaawaan niyo po kami..." ang namutawing dasal sa mga labi ni Caren habang tila lumalakas pa ang mga pagyanig.

Biglang bumagsak ang tulay sa mga nagsasalpukang mga alon sa maruming ilog na di kalayuan sa kanya. Napasigaw sa takot si Caren dahil sa tingin niya na ito na ang sinasabi ni Odessa na pagkawasak ng mundo ng dahil sa tuluyan na pagkawala ng balanse nito. Naalala niya si Odessa na hindi man lang siya nakahingi ng paumanhin sa babaeng Sangre sa ginawa nitong hindi maganda sa kanya.

Sumunod na nagbagsakan ang mga linya ng kuryente at telepono sa kalsadang kinaroroonan niya. Napansin niya ang unti-unting pagbagsak ng napakalaki at matandang puno sa kinaroroonan niya kaya itinodo niya ang kanyang lakas para maiwasan ang pagbagsak sa kanya nito. Lumundag siya sa pamamagitan ng pagsikad niya ng buong puwersa ang kanyang mga paa. Eksakto sa kanyang paglundag ang tuluyang pagbigay ng napakalaking katawan ng puno sa kung saan siya naroroon.

Lumapag siya sa kalsada na nakatayo pero muli siyang bumagsak sa konkretong kalsada dahil sa lakas pa rin ng pagyanig sa paligid. Sinubukan niyang tumayo sa kanyang pagkakabagsak. Pero hindi pa man siya nakakatayo ay biglang natibag ang kalsadang kinaroroonan niya dahil lumikha ng napakalaking sinkhole ang napakalakas na lindol kung saan siya naroroon. Tuluyang nalaglag sa butas ng napakalalim na sinkhole si Caren.

---------------------
Unti-unting humina ang mga pagyanig kasabay ng paglabas ng mga tao sa gusali ng CCP na bahagyang nasira ng lindol. Di gaya ng mga katabing istruktura ay nanatiling nakatayo pa rin ang gusali kaya marami sa mga tao ang nakaligtas sa mga pagyanig. Balot sa takot ang mga taong patuloy sa paglabas sa gusali, lahat ay humahagulgol sa pag-iyak habang inaalalayan sila ng mga sundalo kasama si Fr. Mexo. Akay-akay naman ni lola Luming si Margaux na panay ang iyak dahil sa sobrang takot sa nangyari.

Kaagad naman ginawaran ng agarang lunas ang iilang nasugatan at napinsala ng mga gumuhong konkreto mula sa mga pader at kisame ng gusali. Laking pasasalamat nila na hindi ito tuluyang gumuho, dahil kung nagkataon ay karamihan sa kanila ay matatabunan ng buhay sa konkretong gusali.

Napadasal ng taimtim si Fr. Mexo ng makitang nakaligtas lahat ang mga taong kasama nilang dumating sa CCP. Hindi niya inaasahan ang tindi ng pagyanig na naranasan nila. Kitang-kita niya ang mga nagbagsakang mga gusali, mga nabiyak na kalsada at ang tila bumubulwak na tubig sa halos buong paligid ng CCP. Magkagayon man ay malaking pasasalamat na rin nila na walang nasawi sa kanila kahit na may mga nasugatan pero hindi naman malubha.

Kalunos-lunos ang sinapit ng lugar at halos hindi na ito makilala. May iilang gusali ang hindi tuluyang bumagsak pero hindi na rin ito ligtas sa mga taong gustong pumasok dito. Pumasok sa isipan ni Fr. Mexo sina Odessa, Demetria, Randy, Ceasar, Caren at Sagaway. Hinahanap ng kanyang mga mata ang kanyang mga kasama na sana ay naroroon na rin sila dahil sa pagkakataong iyon ay higit silang kailangan ng mga tao. Pero nagkalat sa lugar ang mahigit isang daang sibilyan at limampung sundalo at mga doktor. Karamihan sa kanila ay nakaupo sa kalsada at sa damuhang bahagi ng harapan ng CCP. Napaupo na rin sa damuhan si Fr. Mexo at sa pagkakataong iyon ay pansamantalang nakahinga ito ng maluwag.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon