Part 18

2.1K 108 4
                                    


NAGPAKAWALA ng malungkot na buntonghininga si Moana habang pinagmamasdan ang sunset. Ang sabi nila, nakakalungkot raw pagmasdan ang unti-unting paglubog ng araw, ang paglamlam ng langit hanggang sa tuluyang magdilim iyon. Ilang beses na siyang nakanood ng sunset pero hindi naman siya nalungkot. Madalas ay nagagandahan pa nga siya dahil tila siya nakakakita ng painting na gumagalaw. Ngunit sa pagkakataong iyon nakadama siya ng lungkot habang pinanonood ang pamamaalam ng araw.

Siguro ay dahil vulnerable si Moana nang mga sandaling iyon. Actually, mula pa kahapon. Nang malaman niyang buhay pa siya at hindi kinuha ng mga maligno ay nakalimutan niya ang lungkot at frustration. In fact, naging masaya pa siya kahit stranded sa deserted island iyon. Naging masaya siya dahil kasama niya ang hinahangaang modelo. Kung hindi ba naman siya luka-luka. Ni hindi niya ininda ang kulang sa lasang pagkain, matigas na higaan at insect bites. Pero ngayong kailangan niyang lumayo sa taong kaisa-isa niyang kasama sa islang iyon ay naramdaman na niya ang lungkot at frustration na karaniwang nadarama ng isang castaway.

Suddenly ay na-miss ni Moana ang corny jokes ng papa niya, ang tunog ng tawa ng mama niya sa corny jokes, ang pagfi-feeling pogi ng kapatid niya, ang kahol ni Minny at kahit ang hagikgik ni Inday kapag pinapadalhan ito ng punchlines ng ka-textmate. Nami-miss na niya ang malambot niyang kama at ang masasarap na pagkain. Gusto niyang mag-videoke. Gusto niyang uminom ng malamig na malamig na softdrinks. Gusto niyang yayain si Aira na magpa-whole body massage o kaya ay makipag-all girls night out sa college friends niya. Pero wala siyang magagawa kundi ang tumunganga dahil stranded siya.

Bukas ay bisperas na ng Pasko. Magpa-Pasko si Moana roon. Kasama ang isang lalaking mas gustong mag-isa na lang na ma-trap sa islang iyon kaysa makasama siya. Parang gusto niyang guluhin ang buhok at sumigaw nang malakas na malakas na maging ang mga paniki sa kuweba sa kakahuyan ay mabubulabog. Mukhang mas matindi pa sa "malamig na Pasko" ang mararanasan niya sa taong iyon.

Tinanaw ni Moana si Kirst nasa tapat ng shelter at pinaparingas ang bonfire. Nakatalikod sa direksiyon niya ang shirtless na binata kaya hindi siya nakikita nito. Napasibi siya. Eh, ano ngayon kung ang ganda pa ring pagmasdan ng backview nito? Nagtatampo pa rin siya sa lalaki kahit na kaninang tanghali ay sumubok itong i-approach siya matapos nilang hindi magkibuan nang twenty hours. Anong tingin nito sa kanya? Easy to get?

Nilayuan ni Moana si Kirst matapos nilang magtalo sa shore kahapon. Hindi niya kinausap ang lalaki. Ni ang tumingin rito kapag alam niyang nakatingin ito sa kanya o nakikita siya sa pheriperal vision nito ay hindi niya ginawa. Sinadya niya ang dumistansiya rito. Kahit hanggang sa pagtulog ay inilagay niya ang maleta sa pagitan nila kahit dalawang tao ang kasya sa pagitan nila at imposibleng magkadikit sila sa pagtulog.

Kaninang umaga ay ramdam niya ang guilt ni Kirst sa mga sinabi sa kanya kagabi ngunit tila nag-alangan ito na lapitan siya dahil sadya siyang lumalayo rito. Gayunpaman ay kinain pa rin niya ang bukong tinabasan nito ng bumbunan at iniwan sa tablang ginawa nilang dining table dahil ayaw niyang magutom pero hindi tulad ng dati ay hindi siya nagpakita ng appreciation sa pag-provide nito ng pagkain.

Nang mag-crave pa ng buko ngunit wala nang nakita sa tabi ng puno kung saan nag-iipon si Kirst dahil ang coconut water ang pinakatubig nila ay sinubukan ni Moana na akyatin ang pinakamaliit na coconut tree upang kumuha ng buko ngunit epic fail siya. Biglang umentra si Kirst na mukhang nakita siyang nagpipilit na umakyat at ito na ang umakyat sa puno't naglaglag ng mga buko. Kumuha lang siya ng isa sa mga bukong nalaglag nang walang salita at umalis nang hindi nagpapasalamat habang nasa itaas pa ng puno ang lalaki.

Humiwalay si Moana sa pagkain ng hapunan kagabi at tanghalian kanina. Ibinigay niya ang peace at privacy na hinahangad ni Kirst. Ang totoo ay natutukso siya na kausapin na ang modelo. Nagtatampo siya pero hindi naman siya galit sa lalaki. Kaya lang ay gusto niyang marinig na mag-sorry ito. Gusto niyang marinig na na-realize ng binata na mali ang ginawa nito. Hindi siya naniniwalang ganoon ka-antipatiko ang modelo sa normal state nito. Kaya alam niyang kaya nitong umamin sa pagkakamali. Gusto niyang patunayang mabuting tao si Kirst kaya gusto niyang hintaying magpakumbaba ito.

Ngunit maggagabi na pero hindi pa rin humihingi ng paumanhin kay Moana ang modelo. Naramdaman na lamang niyang pumapatak na ang mga luha sa mga mata niya habang nakatitig sa bumbunan ng araw. Hindi niya akalaing darating ang panahong iiyakan niya ang sunset. Parang gusto niyang batukan ang sarili para patigilin ang sarili sa pag-e-emote.

Napagpasyahan ni Moana na bumalik na sa shelter nang dumilim na dahil giniginaw na siya. Nilapitan niya ang maleta upang maghanap ng malinis na sweater. Hindi niya mabulatlat ang maleta dahil nasa likuran niyon ang timba ng tubig na sinalok marahil ni Kirst kanina sa falls ng batis upang gamitin nilang panlaga sa mga halaan at panghilamos bago matulog. Tinangka niyang buhatin ang timba sa hawakan na bakal ngunit napigtas ang hawakan at tumapon ang tubig. Mabuti na lang at hindi sa maleta niya tumapon ang tubig. Gayunpaman ay namroblema siya dahil wala silang gagamiting tubig na panluto at panghilamos. Kaya napagpasyahan niyang sindihan ang lampara mula sa apoy ng bonfire at bitbit ang timba ay tinungo ang kakahuyan. Deadma kay Kirst na alam niyang pinanonood siya mula pa kanina nang lumapit siya sa shelter.

Kahit nakakatakot sa kakahuyan kapag madilim ay nilakasan ni Moana ang loob at tinungo ang batis upang kumuha ng tubig kaysa humingi ng tulong kay Kirst. Panay ang piping dasal niya na sana ay wala siyang makasalubong na ahas o mga paniki dahil imposibleng hindi siya titili. Mukhang hindi naman pinakinggan ang dasal niya dahil niliparan siya ng paniki at nabitiwan ang timba. Tumakbo siya pabalik sa shore pero nakakailang hakbang pa lang siya nang mabunggo siya sa matigas na dibdib.

Hawak ang lamparang itinaas ay nakasalubong niya ng tingin si Kirst na mukhang sinundan siya. Hindi marahil niya narinig ang mga yabag nito dahil sa ingay ng mga kuliglig. Dinampot ng lalaki ang timbang nabitiwan niya at sa pagkabigla niya ay hinawakan ng binata ang kamay niya at giniya siya pasulong sa kakahuyan nang wala ni isang salita.

Napalunok si Moana nang mapatingin sa kamay niyang hawak ni Kirst. Hawak ng binata ang kamay niya habang naglalakad sila! Dapat siguro ay bawiin niya ang kamay at mag-inarte nang kaunti ngunit hindi niya magawa. Dama niya ang init ng palad ni Kirst. Ang init na iyon ay tila nanulay sa kanyang braso hanggang makarating sa kanyang dibdib. Kusang gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi.

Teka. Kinikilig ba siya? Mabilis na inalis ni Moana ang ngiti. Hindi siya dapat kiligin dahil malamang na walang kahulugan para kay Kirst ang paghawak sa kamay niya. So, bakit magkakaroon sa kanya?

All I Want For Christmas Is You [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon