12. Mga Bisita ni Imang

1.8K 73 0
                                    

Ngalay na ang mga binti at masakit na ang mga kamao dahil sa halos kalahating oras ng kinakalampag nila Chona at Lyn ang pinto ng bahay ni Imang. Alam ng dalawang kaibigan na nasa loob ng bahay ang kaibigan dahil naaninag nila sa manipis na kurtina ng bintana nito na may hugis ng tao na gumagalaw sa loob. Ayaw nilang umalis dahil talagang matindi na ang pag aalala ng dalawa sa kaibigan.

"Chona, ano maghihintay pa ba tayo dito? Namumula na ang kamay ko sa pagkatok at ngalay na ang braso ko. Ano ba kasi ang nangyayari dyan kay Joy! Nakakapag alala ng husto mga kinikilos niya ah."

"Alam ko na! Sa likod tayo dumaan. Sana lang ay hindi niya iniba ang pinagtataguan ng ekstrang susi niya dati kung sakaling masarhan siya sa labas. Halika samahan mo ako."

Sabay na tinungo ng dalawang magkaibigang Japayuki ang pinto sa likod bahay. May isang paso sa tabi ng pinto na may tanim na cactus. Sa ilalim ng paso ang taguan ni Imang ng susi. Inangat ni Chona ang paso at hindi nga sila nabigo. Nandun ang susi. Kaya't agad na binuksan ng magkaibigan ang pinto sa likod ng bahay ni Imang at bumungad sa kanila ang maruming kusina.

"Lyn, bakit ang dilim? At ang daming tambak na hugasing pinggan! Aba'y halos umapaw na ang lababo ng bakla!"

"Cho-chona...ano yung amoy na yun? Naaamoy mo? Malansa!"

Suminghot singhot ang dalawa sa ere at sabay na napaduwal dahil sa masangsang at amoy malansa at kulob na paligid. Hawak kamay ang dalawa na umusad patungo sa comedor. Ganun din ang eksenang bumungad sa kanila. Napakaraming maduduming pinggan, kubyertos at nabubulok na tirang pagkain. Ginagapangan ang mga ito ng napakaraming ipis at mangilan ngilang daga at bubwit. Halos masuka ang dalawa sa namalas ng kanilang mga mata pero tiniis na lamang nila ang baho at ang nakasusulasok na kabahayan. Nagtakip sila kapwa ng panyo sa ilong at saka dumeretso sa salas.

"Joy! Joy! Nandyan ka ba? Si Chona ito! Kasama ko si Lyn. Joy!"

May naulinigan silang kaluskos mula sa salas kasabay ng mahinang ungol. Nagkatinginan ang dalawa at sabay na napatakbo sa pinanggalingan ng ungol na iyon.

Hindi makakalimutan nila Chona at Lyn habang sila ay nabubuhay ang eksenang bumulaga sa kanila na yumanig sa pagkatao nila at muntik ng bumura sa katinuan ng kanilang mga pag iisip.

Sa sala, may isang full-length mirror na puno ng alikabok. Sa harap noon ay nakahiga ng patagilid ang walang saplot kundi panty lamang na si Imang, buto't balat at puno ng nagnanaknak na galis na dinadaluyan ng nana at dugo at may mga nakadapong langaw at ipis na nagpipiyesta sa mikrobyong nananahan sa bawat sugat. May ilang pirasong kamiseta at blusa sa sahig na nagtututong dahil sa natuyong nana at dugo. Ang pang ibabang panloob ni Imang na dati ay kulay puti, ngayon ay kulay brown na at may mantsa ng dumi at ihi. Ang mukha ni Imang ay mistulang bungo at may maiitim na anino sa ilalim ng mga mata. Kung hindi lang alam nila Chona at Lyn na halos kaidaran nila si Imang ay aakalain nilang otsenta anyos na ito pataas. Mistulang isang matandang huklubang nakakatakot ang itsura ni Imang.

Narinig ni Imang ang pagdating ng dalawang kaibigan ngunit hindi ito natinag sa pagkakatitig sa salamin.

"Diyos ko Joy! Anong nangyari sa iyo?!" Bulalas ni Chona.

"Haag nin-yo kin saah-kin sah min koha!" Bulong ni Imang.

"Chona! May sinasabi si Joy! Hindi ko maintindihan!" Sabi ni Lyn.

"Joy..." malumanay na anas ni Chona. "Anong sabi mo friend?"

"Hu-wag nin-yo kkuh-nin slamin koha..." pumapatak ang luha sa madungis at kulubot na pisngi ni Imang.

"O-oo. Walang kukuha ng salamin mo. Dadalhin ka namin sa ospital friend ha? Para magamot mga sugat mo."

At ng akmang aalalayan na ng dalawa si Imang isang malakas na tinig ang nagmula sa salamin. Napatingin ang dalawa doon at laking gulat nila na si Imang ang nakatayo sa loob ng salamin, sa dati nitong anyo, nakapamewang at galit na nakatingin sa kanila.

"Mga inggitera! Alam ko balak ninyong nakawin ang salamin ko! Hindi ako makakapayag! Papatayin ko muna kayo!"

At mula sa kamay na naka kubli sa likuran, inilabas ni Imang ang isang Butcher's knife at iniamba sa dalawa niyang kaibigan.

Napasigaw sa takot ang dalawa at nagmamadaling nagtatakbo palabas ng bahay ni Imang.

Naiwan si Imang na humahalakhak, kasama ang repleksyon niya sa salamin na imahe ng isang napakaganda at perpektong replika ni Imang. Lingid sa kaalaman ni Imang, lahat ng nakikita niya sa salamin na sa akala niya ay kumakatawan sa kung ano siya ay siya namang kabaligtaran ng katotohanan.

Bakit nga ba humantong sa ganito ang buhay ni Imang? Ano ang pinag ugatan ng lagim na nangyayari sa kanya ngunit hindi naman niya alam? Bakit unti unting nabubulok ang buong katawan ng Japayuki habang palala ng palala ang obsesyon niya sa sariling kagandahan na siya namang naglulugmok sa kanya sa kumunoy ng pagkabulok?

Salamin, Salamin! Maganda ba Ako?Where stories live. Discover now