5. Ang Magarang Salamin ni Imang

2.1K 86 0
                                    

Ganun na lamang ang pagkamangha ni Imang ng tumambad sa kanyang paningin ang isang full-length mirror na animoy nagmula sa isang palasyo ng mga hari at reyna. Napakakislap ng salamin na tila pati kaluluwa ng nananalamin ay kayang mabanaag dito. Ang palibot ng salamin ay yari sa antigong kahoy na may mga nakabaon sa palibot na ibat ibang klaseng mamahaling hiyas tulad ng brilyante, ruby, emerald, sapphire, amethyst at perlas. Ang pinakatuktok ng salamin ay may nakaukit na disenyong korona na ginayakan ng hand-painted na kulay ginto. Kung kayat kapag humarap ka sa salamin at pinagmasdan ang iyong sarili ay parang may suot kang korona. Talaga namang walang pagsidlan ang galak ni Imang. Ilang oras din siyang nakatayo lamang sa harap ng salamin na pinagmamasdan ang mala reyna niyang imahe.

Nagulantang ang pagkakatitig ni Imang sa sariling imahe sa salamin ng biglang tumunog ang ring tone ng kanyang cellphone sa salaw ng kanta ni Karen Carpenter na "I Need To Be In Love".

"Ay itlog ni Pedro Penduko! Kalabaw! Ano ba yan! Nakakagulat naman itong cp ko! Hello!" Ang magaspang na pagsagot ni Imang.

"Magandang umaga sa iyo Guillerma Wenceslao. Ako ang kausap mo kahapon ng tawagan mo ang numero ko. Natanggap mo na ang salamin hindi ba? At binayaran mo na ito sa halagang nakasaad sa voucher?"

Kinabahan si Imang. Baka nagkamali sa pag presyo ang kausap niya. Dahil talaga namang napakamura nito sa halagang tatlong libong piso. Naku! Baka bawiin panang salamin ng buwitring ito ah, naisip isip ni Imang.

"Hoy! Bayad ko na itong salaming ito. Three kiyaw ang binayad ko in cold cash. May tip pang isang libo ang delivery boy noh! Touch move! Wala ng bawian!"

"Hahaha. Wala akong intensyong bawiin ang salamin. Para sa iyo talaga iyan Guillerma Wenceslao. Kaya ako tumawag ay upang ipaalala sa iyo ang ilang mahahalagang bagay ukol sa pangangalaga ng salamin. Una, hindi mo pwede ipagbili ang salamin sa kahit magkanong halaga. Ikalawa, maaari mong ipamigay ito ngunit siguraduhin mo munang kailangan ang salamin ng pagbibigyan mo dahil kung hindi, hindi mo mailalabas sa bahay mo ang salamin. Ikatlo at huling bagay na nais kong ipaalala sa iyo, ang salamin ay maaaring magdulot ng labis na ligaya, labis na poot, labis na pagdududa, labis na panibugho, pagkasira ng isip at kamatayan. Ngayon alam mo na lahat ng kailangan mong malaman, buong puso mo parin bang inaaaring iyo na ang magarang salaming iyan?"

Napaisip si Imang. Akala siguro ng tarantadong ito ay ganun siya katanga para madaan sa mga pananakot niya. Lalong lumakas ang kutob ni Imang na talagang gustong bawiin ng kanyang kausap ang salamin. Kung hindi man ay baka magpapadagdag ito ng bayad. "Neknek mo! Hindi mo ito mapaglalalangan noh!" Naisip ni Imang.

"Oo. Inaari kong akin at tanging akin lamang ang magarang salaming ito!" Mabilis na tugon ng dating Japayuki.

"Mabuti kung ganun Guillerma Wenceslao. Sige ako'y magpapaalam na. Tandaan mo ang mga sinabi ko sa iyo tungkol sa salamin. Paalam."

At naputol na ang linya ng tawag sa cellphone ni Imang.

Salamin, Salamin! Maganda ba Ako?Where stories live. Discover now