Chapter 61: LAMUIAN FOREST

Start from the beginning
                                    

Naramdaman ni Blake ang biglang paglamig at sobrang kalungkutan sa paligid. Napakatahimik ng lugar na tila napipi sa lahat ng mga pangyayaring naganap dito. Katahimikan na nagdudulot ng takot sa sino mang nilalang na mapapadpad sa lugar na iyon. Ang takot na iyon ang siyang nararamdaman ni Blake na hindi nito nito maipaliwanag kung bakit. Sa sobrang takot ni Blake ay isiniksik niya ang kanyang ulo sa puting kasuotan ng diwata.

Mula sa kasukalan ng kagubatan ay nagsimula na nilang marinig ang nakakakilabot na mga panaghoy. Mga kalunos-lunos na pagtingis at pagmamakaawa na tapusin na ang kanilang paghihirap. Maging ang diwatang si Mariang Makiling ay kinilabutan sa mha naririnig sa kanyang paligid. Noon ay napagtanto ni Mariang Makiling na ang kagubatang iyon ay naging pugad ng kamatayan at bilangguan sa mga espiritung nabiktima ng puwersa ng kadiliman.

Mula sa mga puno ay unti-unting gumagapang ang napakakapal na puting hamog papunta kina Mariang Makiling at Blake. Inihanda ni Mariang Makiling ang sarili at pilit na pinoproteksiyonan si Blake. Sa pagkakataong iyon ay siya naman ang poprotekta sa bata. Hinding-hindi niya ito pababayaan ano man ang mangyari. Alam niyang wala sila sa ikatlong mundo o sa Sinukluban dahil lahat ng mga uri ng halaman at puno sa kagubatan doon ay alam niya. Lalong wala sila sa Sansinukop o mundo ng mga tao dahil isa siya sa mga tagapangalaga sa mga kabundukan nito. Pero imposibleng nasa mga kagubatan sila ng Kalangitan dahil walang ganitong klaseng kagubatan ang kaharian ni Bathala. Kung gayon ay saang lugar sila sa Sanlibutan napadpad ni Blake? Kanina pa naglalaro sa isipan niya ang mga katanungang iyon kaya ang pagtawag niya sa mga espiritong naroroon ang kanyang tanging solusyon para masagot ang kanyang mga katanungan.

Batid ni Mariang Makiling na delikado ang kanyang gagawin dahil puwedeng sumanib sa kanila ni Blake ang mga espiritong naroroon kaya kailangan niyang protektahan ang bata sa mga ito.

"Huwag kang matakot Blake, dito ka lang sa tabi ko." ang saad niya sa nanginginig sa takot na si Blake. " Mga espiritu lamang sila at humihingi ng mga dasal para makatawid sila sa kabilang mundo."

Mula sa madidilim na sulok ng kagubatan ay unti-unting nasilabasan ang tila mga bola ng ilaw na may iba't-ibang mga kulay. Nagsilutangan ang mga ito papunta kina Mariang Makiling at Blake. Halos isa-isang pinagmasdan ng diwata ang kulay ng mga ito para masigurong walang masamang espiritu ang naroroon. Dahan-dahan ring iniangat ni Blake ang kanyang ulo kasabay ng pagbukas ng kanyang mga mata para makita kung ano ang nangyayari sa paligid. Napalitan ng pagkamangha ang takot na nararamdaman ni Blake dahil sa napakagandang mga bola ng liwanag sa kanilang paligid. Mayroong pula, bughaw, dilaw at kahel na sabay-sabay na nagliliparan papunta sa kanila.

"Mga espirito ng mga iba't-ibang nilalang yan, Blake. Sari-saring kulay base kung anong nilalang sila. Talasan mo ang mga mata mo Blake. Huwag mong hahayaang makalapit sa'yo ang kulay itim at kayumangging bola ng liwanag." ang paalala ni Mariang Makiling sa manghang-manghang si Blake.

"Huh? Babakit po? Anong-mayroon sa itim at kayumangging kulay sa mga lumilipad na ilaw?" ang nagtatakang tanong ni Blake.

"Ang kulay itim na ilaw ay isang masama at mapanganib na espiritu na gustong-gustong sumanib sa mga nilalang na alam nilang mapapakinabangan nila. Samantala ang kayumanggi ay mga galit na espiritu na gustong manakit ng mga nilalang para maghiganti. Kaya talasan mo ang mga mata mo na walang makalusot papunta sa'yo." ang tugon ni Mariang Makiling sa bata.

Napalunok si Blake sa narinig mula kay Mariang Makiling. Muling gumapang ang takot sa kanyang katawan at nagsimulang manginig na naman ang kanyang mga tuhod habang pinagmamasdan ang sari-saring mga kulay ng nagliliparang mga ilaw. Muli ay isiniksik niya ang kanyang katawan sa diwata pero nanatiling nakaalerto ang kanyang mga mata para sa itim at kayumangging ilaw na espiritu.

"Ipagpaumanhin ninyo ang aming paggambala sa inyong pananahimik sa kagubatang ito. Ako si Mariang Makiling, isang diwata ng kagubatan at kasama ko ang isang mortal na batang lalake na si Blake. Nais lang namin dumaan dito at malaman kung saan lupalop ng Sanlibutan ang kagubatang ito?" Ang malakas na wika ni Mariang Makiling sa mga nagliliparang mga ilaw na samu't-sari ang mga kulay.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now