Chapter 57: THE ESCAPE

Start from the beginning
                                    

Nakaramdam ng panunumbalik ng lakas ni Mariang Makiling. Amoy na amoy niya ang mga dahon at mga bulaklak sa mga puno at halaman. Ang malamig na tubig sa batis ay tila nag-aanyaya sa kanya para magtampisaw. Ilang hakbang na lang at magagamit na niya ang kanyang kapangyarihan. Magiging ligtas na sila ni Blake at matutulungan na rin niya itong makauwi sa pamilya nito. Paglabas nila sa kuweba ay tatakpan niya ang butas sa kuweba para hindi na makalabas mula rito ang Lubingan at hindi na makapambiktima pa ng mga nilalang sa kagubatan.

Ngunit nakaramdam silang muli ng mga pagyanig pero sa pagkakataong iyon ay higit na mas malakas kaysa sa mga naunang pagyanig. Napatingin sa ilalim si Blake at kitang-kita niya ang ang mabilis na pag-akyat ng Lubingan sa mga stalagtites at stalagmites na dinaanan nila. Muntikan ng mapatingin si Blake sa mga mata ng dambuhalang ahas kung hindi lamang siya hinila kaagad ni Mariang Makiling.

Muling kumabog ang kanilang mga puso sa kanilang mga dibdib at nagkatinginan ang dalawa. Mabilis na tumindig si Mariang Makiling at nabalutan muli ng pangamba ang kanyang pakiramdam.

"Blake." Ang tawag niya at mabilis na ipinagpatuloy ang kanilang pag-akyat.

Kahit pagod pa rin at mahapdi ang mga sugat na natamo nila sa mga matatalim na batong kanilang nahawakan sa kanilang pag-akyat ay pinilit nilang tiniis ang mga ito makaalis lang sa lugar na iyon.

"Bilisan mo Blake, malapit na siya." Ang paalala ni Mariang Makiling na nauuna sa pag-akyat. Noon ay napagtanto nilang mas mahirap ngayon ang pag-akyat dahil kakaunti na ang mga nakausling mga bato na puwede nilang tuntungan at hawakan para makaabante paakyat. Naging mabagal ang kanilang pag-akyat habang mabilis naman sa paglingkis sa tila mga posteng bato ang Lubingan.

Tumigil sa pag-akyat ang Lubingan at iniangat ang ulo nito at inamoy-amoy ang sariwang dugo na nanggagaling sa mga natamong sugat nina Blake at Mariang Makiling. Pero batid nito na malapit ng makalabas ang dalawa sa butas ng kuweba. Labas-masok ang dila ng Lubingan at nalalasahan kung gaano na kalayo ang dalawa. Kahit na hindi ito nakakakita ay tila lalong nanlisik ang kulay itim nitong mga mata dahil sa pagkasabik na makatikim ng sariwang pagkain. Hinding-hindi niya pakakawalan ang pagkakataong matikman ang dalawang nilalang na nagpatakam sa kanya sa lasa ng mga dugo ng mga ito.

Kluk kluk kluk kluk kluk kluk kluk!!!

Ang pinakakawalang tunog ng Lubingan. Nagtaas-baba ang ulo nito at paulit-ulit na gumawa ng  parehong klase ng tunog mula sa lalamunan nito. Pero may napansin na kakaiba si Mariang Makiling sa ginagawa ngayon ng Lubingan. Mas mababa ang tunog na nagmumula sa lalamunan ng dambuhalang ahas at kakaiba ang pagtaas baba ng ulo nito. Kung dati ay ay pasulong at paurong, ngayon at pataas-baba at saka iniikot-ikot ang ulo nito na tila nagtatawag ng kasama.

Napatingin ang diwata sa pugad ng lubingan. May napansin itong mga paggalaw sa mga itlog ng dambuhalang ahas. At mula sa pugad nito ay nag-uunahan ang sampung bagong pisang mga lubingan papunta sa kinaroroonan nila. Kinilabutan si Mariang Makiling sa kanyang nakita habang dinig na dinig niya ang maliliit at matitining na boses ng mg ito na gumagawa rin ng tunog na katulad sa ginagawa ng inahing na Lubingan. Napatingin rin si Blake sa kinaroroonan ng mga maliliit na Lubingan at halos mapasigaw siya ng makita ang mga ito na higit na mababangis kaysa sa kanilang ina.

Lalong binilisan nina Blake at Mariang Makiling ang pag-akyat hanggang sa makarating si Mariang Makiling sa pinakabukana ng butas ng kuweba at sinimulan ang pag-abot dito.

"Malapit na tayo Blake, kaunti na lang..." ang wika ng diwata habang nakatingin ito kay Blake na kasunod niya sa pag-akyat.

Mabilis din sa pag-akyat ang dambuhalang ahas kasama ang mga bagong pisang mga anak nito. Labis ang pagkagutom ng mga maliliit na Lubingan kaya nag-uunahan ang mga ito sa pag-akyat sa mga tila-posteng mga stalactite at stalagmite na kung saan umaakyat din sina Blake at Mariang Makiling.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now