Magical 6

316 10 0
                                    

TAWANG-TAWA ang lahat nang makita ang hitsura ni Andeng; may eye shadow, blush on at lipstick na pulang-pula, dahil 'yon sa pulang-pulang lipstick na hiniram pa daw ni Donnie sa make up kit na naiwan ng mommy nito. Hindi niya magawang magreklamo sa hitsura niya dahil isa siyang talunan, kung bakit hindi siya manalo-nalo sa larong 'yon kahit halos isang dekada na ang nakakaraan. Epic failure talaga siya!

"Ate Ands, kapag nakita ka ng crush mo na ganyan, baka bigla siyang ma-turn off." Natatawang sabi ni Maricor.

Kaya lahat ng atensyon ay bumaling sa kanya. "Sino 'yong crush mo?" tanong ng lahat sa kanya, kaya pinanlisikan niya ng mga mata ang madaldal na si Maricor, na tumatawa-tawa lang sa tabi.

"Andeng, may crush ka na?" hindi makapaniwalang sabi ni Donnie. Ang alam kasi nito ay puro fictional characters lang ang crush niya, madalas sa mga anime at napapanood lang niyang teledrama at k-drama characters. NBSB kasi siya at hindi na 'yon bago dahil sa hitsura niya.

"Wala, huwag n'yong paniwalaan 'yang si Cors." Aniya.

"Meron 'yan!" pangungulit ni Maricor, kaya binato niya ito ng dice, mas lalong lumakas ang tawa nito. "Pero hindi puwedeng i-reveal dahil baka maudlot ang love life." Natatawang dagdag nito.

"Tumigil ka na d'yan, Cors, ha, hindi ko ipapahiram 'yong bagong bili kong libro." Aniya. Muling natawa ang babae.

"Teka, ang daya n'yo naman e, kayo lang ang nakakaalam ng sekreto ni Ands. Sino nga 'yong crush niya? Kilala ko ba?" curious na tanong ni Donnie.

"Oo kilala mo kuya Dons," mabilis na sagot ni Maricor, kaya nilapitan na ito ni Andeng para mapatahimik ang kadaldalan nito.

"Sino?" sabay-sabay na tanong ng lahat.

"Clue: Isang guwapong marunong mag-basketball at mag-swim—" hindi na naituloy ni Maricor ang sasabihin nang mabilis niyang takpan ang bunganga nito.

"Tumahimik ka na, parang awa mo!" pakiusap na bulong niya.

Mabilis naman nitong tinanggal ng takip sa bunganga nito. "Ate, para mag-level ka na kapag nalaman niya." bulong nito.

"Ano'ng level up? May girlfriend na siya, baka nakakalimutan mo!" bulong niya.

"Hindi ko gusto 'yong babaeng 'yon para kay kuya Dons, kaya hindi na siya nag-e-exist sa mga mata ko." Ganti nito.

Napailing siya at ginulo ang buhok ng dalaga bago muling bumaling sa lahat na nagtataka sa lihim nila ni Maricor.

"Don't tell me, crush mo si Zack Aquino?" tanong ni Donnie, tukoy ang guwapong team captain ng basketball team.

"Oo, 'yon nga 'yong crush ni ate Ands, kaya huwag n'yo na siyang kulitin." Ani Maricor, napailing-iling na lang siya.

Pero nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Donnie at tinapik-tapik ang ulo niya, pati si Maricor ay napamata sa kanila. Nang kumalas si Donnie sa pagkakayakap sa kanya ay masayang-masaya ang hitsura nito.

"Sa wakas Ands, marunong ka ng magka-crush nang totoong tao." Masayang sabi nito.

Nagkatawanan naman ang lahat maliban sa kanya, na mabilis pa rin ang tibok ng puso niya dahil hindi niya napaghandaan ang ginawa ni Donnie na pagyakap sa kanya. Kinalma na muna niya ang sarili bago siya tumango na lang sa lalaki, nawala yata siya nang kakayahang magsalita dahil sa lakas ng epekto nito sa kanya.

Saglit pa ay tuluyan na ring nagpaalam ang mga kasamahan nilang mas bata sa kanila dahil tinawag na ito ng mga matatanda, kaya sila na lamang ni Donnie ang naiwan sa dap-ayan. Muling kumabog ang puso niya nang hawakan ni Donnie ang balikat niya para matuon ang atensyon niya dito. Napalunok siya nang mariin. Nakaka-concious tumitig sa magagandang mata ng lalaki ngunit hindi niya magawang mag-iwas ng tingin dahil para siyang nahi-hypnotize sa kaguwapuhan nito.

Nakita niyang kumuha ng wet tissue ang binata saka nito sinimulang punasin ang lipsticks na inilagay sa mukha niya. Hindi siya makalunok nang maayos dahil sa bilis ng tibok ng puso niya na pilit niyang pinapahinahon.

"Ang weakling mo naman e, sa tagal nating naglalaro ng snake and ladder, hindi ka pa rin nakakaisa sa amin." Natatawang sabi ni Donnie. Hindi siya makasagot dahil mas lumiit ang distansya nilang dalawa, amoy na amoy niya ang mabangong pabango at hininga nito. Gusto na niyang tumayo at lumayo dito, ngunit pinanghihinaan siya ng tuhod. Dahil hindi siya sumagot ay bumaling si Donnie sa kanya at nang magtagpo ang kanilang mga mata ay mas lalong nagwala ang lahat ng body organs niya.

Nakita rin niyang napalunok ang lalaki bago mabilis na nag-iwas ng tingin. Mabilis nitong ibinigay sa kanya ang wet tissue para punasin ang naiwang lipstick sa pisngi niya. Nakita niyang palihim na tinapik ni Donnie ang pinsgi nito at umiling-iling. Saglit pa ay naging maayos na uli silang dalawa. Hindi niya alam kung ano'ng nangyari sa five minutes nilang walang imikan but thank God, nag-uusap na uli sila.

"Ano'ng nagustuhan mo kay Zack?" tanong ni Donnie. Saka ito bumaling sa mga bituin sa kalangitan.

Hindi naman si Zack ang crush ko, e, ikaw! "M-Magaling siyang maglaro ng basketball." Aniya.

Tipid naman itong tumango. "Puwede kitang ilakad sa kanya." Mayamaya ay sabi nito na ikinalaki ng kanyang mga mata.

"Hindi!" mabilis na sabi niya. "O-Okay na ako sa palihim na paghanga, hindi na kailangan pang i-reveal." Aniya, saglit itong bumaling sa kanya bago tumango.

"Ikaw, what do you think of Rejoice?" mayamaya ay tanong nito.

"Bagay kayo, maganda siya at guwapo ka. Perfect match!" aniya, na pinilit ngumiti.

"So, nagbase ka lang sa physical appearances?" anito na tinangaun niya. "How about her attitude? Characteristic?" anito.

"I think she's nice."

Tumango-tango ito. "Sana makasundo n'yo siyang lahat." nakangiting sabi nito na tinanguan na lang niya.

Makalipas ng isang oras ay tuluyan na rin itong nagpaalam, inihatid na nila ni Diego—na noon ay kasama na din nila sa dap-ayan nang makita silang naroon—si Donnie sa sasakyan nito. Nang tuluyan nang makaalis si Donnie ay inakbayan na siya ni Diego at masayang pumasok sa loob ng kumbento.

LBT Book 2: Andeng's Red Shoes (COMPLETED)Where stories live. Discover now