Sanib ni Divina

612 48 1
                                    

Bata pa lamang ako ay marami na akong nasaksihang hindi maipaliwanag ng aking murang kaisipan. Walang malay sa mga nagaganap sa paligid subalit ang aking mga mata ay piping saksi ng ilang kaganapang nakakapagpakilabot maging hanggang ngayon sa tuwing naaalala ko ang mga iyon.

Si Ate Divina ay katulong ng aming Tita Alice at Lolo. Mabait siya, maasikaso sa bahay at maalaga sa aming magpipinsan kapag tumatambay kami ro'n. Magkakalapit lamang naman ang aming mga bahay kung kaya't masasabing halos araw-araw ay naroon kami sa kanila. Nagbibiruan at nakikipaglaro siya sa amin. May pagkakataon lang nitong mga huling araw na nag-iba siya. Balisa at tila malalim ang iniisip. Baka iniiwan ng boyfriend niyang taga kabilang kanto kaya medyo naging bugnutin.

"Kumain na kayo. Gumawa ako ng minatamis na kamoteng kahoy." Inilapag ni Ate Divina sa mesa ang malaking plato na may lamang minatamis na kamoteng kahoy. "Mamaya pa ang uwi ng Tita Alice niyo."

"Sige po." Nagsimula na kaming kumain ng meryenda. Ang pinsan kong si Ryan na limang taong gulang ay sunud-sunod ang ginawang pagsubo sa kamote.

"Dahan-dahan at baka mabulunan ka." Kumuha ng isang baso ng tubig si Ate Divina at pinainom si Ryan.

"Ang takaw kasi," sabi ng panganay na kapatid nitong si Louie, pitong taong gulang.

"Mamaya nga palang gabi ay may misa sa Chapel, pinapapunta tayo ro'n." Napahawak si Ate Divina sa dibdib nito, ngumiwi ang mukha na tila hirap na hirap.

"Ate Divina, napapaano ka?" inosenteng tanong ko sa kanya, nilapitan ko siya para alalayan subalit mahina akong itinulak palayo. Nag-iba ang boses nito habang itinataboy ako.

"Lumayo ka!" sigaw nito sa akin, ang boses niya ay parang tinig ng lalaki.

"A-Ate?" alanganin kong tanong, hinawakan ang dalawa kong pinsan upang akayin palabas ng bahay.

Napansin ko ang pag-aalala sa mukha ni Ate Divina. "U-umuwi na kayo," utos nito. Nagbalik na sa normal ang boses ni Ate Divina. Tumalikod ito sa amin at pumasok sa kuwarto niya.

"Ano ang nangyari kay Ate Divina?" tanong ni Louie sa akin.

"H-hindi ko rin alam." Hinawakan ko ulit sa magkabilang braso ang dalawang pinsan ko upang akayin sila sa labas. Matanda ako sa kanila ng limang taon. "Sa labas na lang tayo maglaro."

Lumipas ang maghapon na naglaro kami sa labas, matapos ay hinatid ko na ang dalawang bata sa mga bahay nila. Nagmano ako sa Nanay nila. "Tita Vina, heto na po sina Louie at Ryan."

"Sige, pumunta kayo mamaya ng Nanay mo para sa misa," habilin nito sa amin. Sa tapat lang ng bahay nila ang chapel.

"Sige po." Lumabas na ako ng bahay nila para umuwi at makaligo para sa misa.

☆ ☆ ☆

"'Nay, nakakatakot si Ate Divina kanina." bungad ko kay Nanay pagpasok pa lang ng bahay namin.

"Bakit? Ano ang ginawa ni Divina?" wala sa loob na tanong ni Nanay habang nagtatabas ito ng unipormeng pamasok ko sa school.

"Nagbago ang boses niya, parang boses lalaki ba nakakatakot." Napahawak ang dalawang kamay ko sa magkabilang pisngi dahil sa takot.

"Baka niloloko lang kayo ng Ate Divina n'yo. Hala, mag-ayos ka na para makapunta tayo sa Chapel matapos ang hapunan." Tumungo si Nanay sa kusina at nag-ayos ng hapag-kainan.

☆ ☆ ☆

"Ate, Mel, nasaan si Ate Divina?" tanong ni Louie sa akin habang nag-aayos ito ng suot na jumper. "Ang Tita Wena?"

"Susunod na lang daw ni Nanay. Hindi ko alam kay Ate Divina, hindi ako dumaan do'n. Akina nga 'yan." Yumuko ako para ayusin ang hook ng jumper sa shorts niya.

Short Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon