Huntsville

1.5K 77 5
                                    

        "London Bridge is falling down...." Napatigil sa pagkanta at paglalakad ang sampung taong gulang na si Stuck. Pauwi na ito sa kanilang munting tahanan mula sa eskuwelahan ng hapon na iyon nang maamoy ang kakaibang bango na nagpahalina sa kanya. Napalingon ito sa malaking looban na kinatitirikan ng lumang Villa. Nakasulat sa tuktok ng malaking tarangkahan nito ang pangalang "Huntsville".

        Ang kuwento ng kanyang lolo ay ito raw ang apelyido ng Amerikanong may-ari ng Villa-- si Carl Huntsville. Basta na lamang daw naglaho ang asawa nito isang araw at hindi na malaman kung saan nagtungo. Walang ibang kamag-anak ang nasabing Amerikano maliban sa asawa nitong Filipina. Ang Amerikano raw ay hindi na rin nakita pa mula noon.

        Ang alam ni Stuck ay abandonado na ang Villa na ito kung kaya't ipinagtataka ng paslit kung ano ang pinagmumulan ng kakaibang bango na iyon. Kunot-noong lumapit ito sa siwang ng bakod upang silipin ang looban. Nanlaki ang mga mata nito nang makita ang napakaraming tanim na pulang rosas. Manghang-mangha ito sa kanyang nakita kung kaya't naghanap ito ng maaaring daanan papasok sa looban.

        "Makakapag-uwi ako ng ilang piraso ng rosas kay Nanay! Baka gumaling na siya kapag nabigyan ko siya ng rosas!" bulalas ni Stuck habang nangingislap ang mga mata sa pagkakatitig sa mga tanim na pulang rosas.

       Napansin nito ang sirang bakod na gawa sa bakal. Kasya siya rito dahil sa kanyang balinkinitang katawan kung kaya't lumusot ito rito upang makapasok sa looban. Patakbong nilapitan ang mga rosas na namumukadkad. Ang halimuyak nito ay sumasama sa malamig na hangin.

        Sinamyo ni Stuck ang bulaklak bago tinangkang hawakan ito subalit nasugatan ang kanyang daliri dahil sa tinik sa tangkay ng rosas. "Aray!" Sinipsip ni Stuck ang daliring natusok ng rosas.

        "Totoy, ano ang ginagawa mo?" mula ito sa malamyos na tinig ng isang babae.

        Napaatras si Stuck dahil sa kaba. Pumasok siya sa looban nang walang permiso at nagtangkang mamitas ng bulaklak.

        "Huwag kang matakot. Nais ko lang malaman kung ano ang ginagawa mo?" Ngumiti nang matamis ang babae. Sa tantiya ni Stuck ay nasa mahigit dalawampung taong gulang lamang ito. Kay ganda nitong pagmasdan sa puting bestida na hanggang kalahati ng binti ang haba kahit maputla ang kulay nito na tila hindi naaarawan. Matangos ang ilong at malamlam ang mga mata, tila malungkot ang babae.

        "S-sorry po kung pumasok ako dito at nagtangkang pumitas ng mga bulaklak. Gusto ko lang pong bigyan ng bulaklak ang nanay kong may sakit," hinging paumanhin ni Stuck.

        Malumanay na lumapit ang babae sa mga rosas, yumuko at inamoy ang isa. "Mainam nga ang mga bulaklak sa may sakit. Hayaan mo at bibigyan kita ng rosas para maiuwi mo sa inyo."

        Namilog ang mga mata ni Stuck. "Talaga po? Hindi kayo galit?"

        "Naging matapat ka kaya hindi ako galit sa'yo. Sandali lang." Tangkang lalakad na pabalik sa malaking bahay ang babae nang muli itong lumingon kay Stuck. "Gusto mong pumasok muna sa loob ng bahay para makapag-meryenda? May mamon sa loob at mainit na tsokolate. Para habang kumakain ka ay maisaayos ko ang mga bulaklak na iuuwi mo."

        Lumuwang ang ngiti ng inosenteng bata. Natakam sa narinig na mainit na tsokolate, ang paborito niyang inumin noong wala pang sakit sa baga ang kaniyang ina. Natigil lamang ang pag-inom niya nito nang nagkasakit na ito. Ang kanyang ama ay pagod sa kakatrabaho sa bukid para may pambili ng gamot ng nanay niya. "Sige po!" masiglang pagpayag ng bata.

        "Halika, sumunod ka." Nagpatiunang lumakad ang magandang babae papasok ng malaking bahay habang nakasunod si Stuck dito. Palingon-lingon ang paslit sa mga muwebles na nasa loob ng bahay. Medyo may mga alikabok pa ang mga kasangkapan ngunit hindi nakasira iyon sa ganda ng buong bahay. "Ako nga pala si Rosario, binili ng asawa ko ang bahay na ito para sa akin. Ikaw? Ano ang pangalan mo?"

Short Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon