Chapter 53: DIYOSANG BULAN

Start from the beginning
                                    

Palihim ang pagpunta ni Bathala sa kagubatan ng Gariun sa mga kabundukan ng kalangitan. Sa likuran ng isang talon ay may lihim na kuweba, doon ay piniling alagaan ni Amihan ang batang si Kasanaya. Pinilit na hinubog ni Amihan sa kabutihan ang batang babae para mailihis ang landas na tatahakin nito mula sa kasamaan patungo sa kabutihan.

"Huwag tayong susuko Amihan. Magiging ama ako kay Kasanaya. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa kanyang ina na si Cusi. Hindi ko siya dapat hinatulan ng ganoong kaparusahan."

"Ginawa po lamang ninyo ang nararapat mahal na Bathala. Sinunod po lamang ninyo kung ano ang nakasulat sa batas."

"Pero, ako ang tumayong ama kay Cusi, ako na dapat pumrotekta sa kanya."

"Pero iyon po ang nakakabuti sa lahat mahal na Bathala. Naging patas lang po kayo sa lahat ng nilalang ng kalangitan. Ipinakita po lamang ninyo na kahit sarili po ninyong anak ay hindi ninyo papanigan kapag nagkasala ang mga ito."

Pumasok sila sa loob ng talon at doon ay ang bukana ng kuweba na kinakapitan ng mga naglalakihan at matatabang mga tahong at talaba. Madilim ang papasok sa loob ng kuweba, madulas ang maputik na daanan nito. Ilang metro ang layo sa bukana ay kakaibang liwanag ang makikita mula rito. Nagkalat ang mga iba't-ibang mga halaman na punong-puno ng mga naggagandahang mga bulaklak. May sariling klima ang kuweba. May mga puting ulap na mabagal na lumilipad sa napakataas na kisame nito na punong-puno ng mga naghahabaang stalactite at stalagmite. Mga makukulay na paru-paro ang abala sa paglipat-lipat sa mga makukulay na bulaklak. Mga iba't-ibang uri ng mga ibon ang lumilipad sa kisame ng kuweba na kung saan may malaking butas para malayang makapasok ang sikat ng araw. Kasabay ng mga paru-paro ay ang mga lambanang magigiliw na nag-aawitan habang nangongolekta ng mga pulot sa mga pukyutan. Isang napakagandang paraiso para sa isang batang napamahal na kay Bathala.

"Marahil ay panahon na para ipakilala siya kina Bulan at Tala. Hindi siya dapat nakakulong dito sa lugar na ito dahil kung tutuusin ay wala siyang kasalanan sa mga pangyayari sa nakaraan." Ang wika ni Bathala.

"Pero mahal na Bathala, hindi po ba na dapat po muna ninyong pag-isipan ang sinasabi po ninyong iyan? Baka po kasi hindi pa handa sina Bulan at Tala lalo na sa asawa po ninyong si Aurora." Ang nababahalang wika ni Amihan.

"Marahil ito na ang tamang panahon para itama ko ang pagkakamaling nagawa ko at makabawi man lang sa nagawa kong kasalanan kay Cusi." Ang tugon ni Bathala.

"Pero, mahal na Bathala, wala po kayong nagawang pagkakamali." Ang pagtutol ni Amihan kay Bathala na natigil sa kanyang pagsasalita ng inilagay ng diyos ang kanyang dalawang daliri sa mga labi nito.

"Alam ko ang ibig mong sabihin Amihan. Kaya nga nandito ka di ba? Para tulungan ako kay Kasanaya na hubugin siya sa kabutihan at ilayo siya sa kasamaan."

Gusto pa sanang magsalita ni Amihan pero minabuti na lamang niyang huwag na itong ituloy. Natutuwa siya na pinagkakatiwalaan siya ni Bathala. Tumango siya kay Bathala at pilit na ngumiti bilang pagsang-ayon sa kanya. Marahil ay masyado lamang siyang nag-aalala kay Bathala na itinuring na rin niyang isang tunay na ama.

Nakita nila si Kasanaya na nakahiga sa kanyang napakalambot na higaan. Doon ay nilapitan ni Bathala ang bata at saka niya ito kinausap at inaro. Pinangakuan na ipapakilala na ito sa dalawang anak niya sa susunod na dadalaw ang diyos ng Kalangitan sa kanya. Namilog ang mga mata ni Kasanaya sa kanyang narinig at muling yumakap kay Bathala. Hindi maibsan ang tuwa kay Kasinaya na sa wakas ay makikilala na rin niya ang dalawang diyosa.

Lumipas ang ilang araw ay muling bumalik si Bathala sakay ng kanyang Bakunawa. Sa pagkakataong iyon ay hindi na ito nag-iisa dahil kasama na niya sina diyosang Bulan at Tala na pawang mga bata na tulad ni Kasanaya. Mabait ang dalawang diyosa kaya madali niyang nakapalagayang loob ang dalawa. Wala silang ginawa maghapon kundi ang maghabulan at maglaro sa loob ng napakagandang kuweba.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now