Chapter Eleven

6.2K 137 3
                                    


CHAPTER ELEVEN

NAKASILIP si Ken sa glass paneling ng nursery partikular na tinitignan ang sanggol na anak ni Olga. Ang sanggol na muntik nang mawala dahil sa kanyang matinding galit. It was a girl. Mabuti na lamang at malusog ito kaya walang naging komplikasyon nang ma–emergency caesarian si Olga kanina.
“Ken.”
Napalingon siya nang marinig ang boses ng kanyang daddy sa likuran. “Dad,” sambit niya saka ibinalik ang tingin sa sanggol.
Habang nasa delivery room si Olga at natutuliro siya ay tumawag si Jane sa pamilya niya at ibinalita ang nangyari. Dumating ang mga magulang niya kasama sina Kate at Jay–Jay pagkatapos ibalita ng doktor na ligtas na si Olga at ang sanggol.
“Ang ganda pala niya,” komento ng daddy niya na nakatingin na rin sa sanggol.
Napabuntong–hininga si Ken. “Kasalanan ko kung bakit muntik na siyang mapahamak, Dad.” Sising-sisi siya sa nagawa. Hindi niya dapat pinairal ang galit.
Naramdaman niya ang pagtapik ng daddy niya sa kanyang balikat.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo, Ken. Hindi mo sinasasadya ang nangyari. Ang mahalaga ay ligtas na sila.”
“Paano kung anak ko talaga siya at paglaki niya, malaman niya ang ginawa ko?”
“Stop it, Ken. Nakalabas na ang baby, malilinawan na ang lahat. Ang mabuti pa umuwi na muna kayo ni Jane. Magpahinga ka. Sabay–sabay na lang kaming uuwi mamaya pagdating ng kamag–anak ni Olga.”
Tumango siya. Kailangan nga niya ng lakas para harapin kung ano man ang kalalabasan ng DNA test.

NATIGILAN si Trisha nang makita ang pamilyar na sasakyan na nakaparada sa labas ng bahay. It was six in the morning. Nanggaling siya sa pagdya – jogging sa loob ng village. Tuluyan na siyang napahinto sa mabagal na pagtakbo nang bumaba ang lalaking sakay noon.
It was Ken.
Bago pa niya mapigilan ang sarili ay naglakad na siya palapit dito. “Ano’ng ginagawa mo rito?”
“Hinatid ko lang si Jane. Hindi ko lang napigilang dumaan dito sa inyo, nagbabakasakali akong makita kita.”
“May nangyari ba kay Jane?” kunot–noong tanong niya habang nakatingin sa kulay-pulang mantsa na parang natuyong dugo na nagkalat sa suot na pink na polo shirt. Nanlalalim din ang mga mata ni Ken na halatang wala pang tulog. Umiling ito. “Jane is fine.” Sandali itong huminto at tinitigan siya. “Gusto ko lang itanong sa ’yo na kung sakaling  mapatunayan ko na hindi ako ang ama ng baby ni Olga, matatatanggap mo pa ba ako?”
“Ken…”
Nakapag-isip na si Trisha. Gusto niyang sabihin na kahit ito talaga ang ama ng bata ay matatanggap pa rin niya ito. Hindi naman ganoon kakitid ang isip niya para hindi maintindihan ang sitwasyon ng binata. Naniniwala na rin siyang hindi siya nito pinagtaksilan. Naramdaman naman niyang minahal talaga siya ni Ken pero  masakit pa rin sa kanya ang paglilihim na ginawa nito.
“It’s fine, Trish, huwag mo na lang sagutin,” mayamaya ay sabi ni Ken. “Masaya akong nakita uli kita.” Tinawid nito ang distansya nila. Yumuko ito at kinintalan ng halik ang kanyang noo. Pagkatapos ay walang paalam na sumakay na sa kotse at nag–drive palayo.
Naguguluhang napasunod na lang siya nang tingin sa papalayong sasakyan ng binata. Sigurado siyang may nangyari. Sa pagkakaalam niya, kagabi ay namanhikan si Jay–Jay sa bahay ng mga ito. Nang tuluyang mawala sa paningin ni Trisha ang kotse ni Ken ay pumihit na siya papasok ng bahay. Tinawagan agad niya si Jane.

THE BABY is not mine, relieved na paulit–ulit na sabi ni Ken sa sarili nang makita nito ang resulta ng DNA test. Kahit na sa simula pa lang ay alam na niya iyon, halos hindi pa rin siya makapaniwala sa nalaman.
“Hinihintay ka ni Olga sa kuwarto, gusto ka niyang makausap,” sabi ng mommy niya.
Tumango siya. Yumakap muna siya sa ina at nagpasalamat bago pumasok  sa hospital room ni Olga. Agad namang nagpaalam ang pinsan ni Olga na nagbabantay rito nang makita siya.
“How are you?” tanong ni Ken nang mapagsolo sila.
“I’m fine. Nakita mo na ba ang resulta ng DNA test?” parang nahihiyang tanong ni Olga. 
Tumango siya. Pagkatapos makapanganak ay bigla na lang nawala ang katapangan at katarayan nito. Biglang umamo ang mukha na una niyang hinangaan nang una silang magkakilala.
Nagsimulang mamasa ang mga mata ni Olga. “I’m so sorry, Ken, nagulo ko ang buhay mo. Hindi ko kasi alam kung sino sa inyo ng boyfriend ko noon ang tunay na ama ng anak ko. Break na kami nang malaman kong buntis ako. Nauna na niyang tinaggihan ang bata kaya sa ’yo ako naghabol. Please patawarin mo ako.”
Napabuntong–hininga siya. Pagkatapos ang panggugulong ginawa ni Olga sa kanyang buhay ay bahagya na lang siyang nakakaramdam ng galit. Nangingibabaw pa rin sa kanya ang guilt dahil muntik nang mapahamak ang babae at ang babay nito dahil sa kagagawan niya. Idagdag pa ang kaligayahang nararamdaman niya dahil sa resulta ng DNA test.
Bago pa muling makapagsalita si Ken ay nagpatuloy si Olga.
Bago pa raw lumabas ang resulta ng DNA test ay nagpunta na rin si Randy Ortiz, ang tunay na ama ng anak nito, para makasiguro kung anak ba nito o hindi ang bata. At nang mapansin ni Randy na magkamukha ang dalawa ay nagpa-DNA test na rin ang lalaki at lumabas na nga ang katotohanan.
“Nakahanda si Randy na sustentuhan ang anak ko,” patuloy pa ni Olga. “Babayaran din daw niya ang lahat ng nagastos mo at ng pamilya mo sa pagbubuntis ko.”
Umiling siya. “Hindi na niya kailangang gawin ‘yon.”
“But he’ll insist. Please, Ken, tanggapin mo na lang kung ano man ang ibibigay niya para mawala na rin ang guilt na nararamdaman ko sa panggugulo sa buhay mo. Magpa–public apology rin ako para malinis ang pangalan mo.”
Muli ay napabuntong–hininga siya. “All right.”
Nang pumasok ang nurse dala ang baby ni Olga, hindi nagtagal ay lumabas na rin siya ng kuwarto. Hindi pa niya ibinigay ang kapatawarang hinihingi ni Olga. Pero sa sarili ay napatawad na niya ito. Sa oras na tuparin nito ang sinabi nitong public apology na gagawin at malinis ang pangalan niya ay tuluyan na niyang ibibigay ang kapatawarang hinihingi ng babae.  
Pakiramdam ni Ken ay nabunutan siya ng tinik nang umalis sila ng mommy niya sa ospital. Sa wakas, mapapatunayan na niya kay Trisha na hindi talaga niya ito pinagtaksilan. Ngayong wala na ang problema niya ay magagawa na niyang ayusin naman ang problema sa babaeng pinakamamahal.

The Substitute Date - Published under PHRWhere stories live. Discover now