Chapter Six

6.7K 142 5
                                    

NAGISING si Trisha sa walang tigil na pagtunog ng kanyang cell phone. Pupungas – pungas na bumangon siya at kinuha ang cell phone na nakapatong sa bedside table. Nakita niya sa screen na si Kate ang tumatawag. 
“Kate, ang aga pa, ah,” reklamo niya na sinundan pa ng paghikab.
“Loka, tanghali na kaya.”
Napatingin siya sa wall clock na nakasabit sa dingding. For an early riser like her, tanghali na nga ang alas- otso. Kahit araw ng Linggo ay maaga pa rin siyang nagigising para mag–jogging. Napuyat kasi siya kagabi dahil halos madaling-araw na nang ihatid siya ni Ken.
Katulad ng mga nakaraang araw, nag-drive lang naman sila ni Ken kung saan – saan.  She never thought that driving with him at night would be fun. Mabuti na lang at hindi nagising ang kanyang mga magulang nang umuwi siya. Kung hindi, lagot siya.
Hindi nakaranas si Trisha ng curfew dahil hindi naman siya naging pasaway na anak pero nagkaroon siya ng driver cum bodyguard bago nagdisiotso. Hindi rin mahigpit ang kanyang mga magulang lalong–lalo na ang daddy niya kahit dati itong sundalo pero  ayaw na ayaw ng mga ito na ginagabi siya ng uwi.
“Gising ka na ba?” tanong ni Kate.
“Kung hindi pa, makakausap mo ba ako? Loka ka talaga. What’s up?” Tuluyan na siyang bumangon at lumapit sa bintana. Hinawi niya ang kurtina para pumasok ang liwanag.
“May gagawin ka ba ngayon? Punta ka naman dito sa bahay. Pupunta rin si Jane.” 
“Sorry, Kate.  Darating kasi dito mamaya sa house ‘yong mga relatives namin.  Parang family reunion sa mother side. Hindi ako puwedeng umalis ng bahay ngayong araw.”
“Sayang naman, magpapaturo sana akong magluto sa ’yo.”
“May plano na ba kayong magpakasal ni Jay–Jay? Bakit lately, parang puro pagluluto ang inaatupag mo?” kunot–noong tanong niya habang nakatanaw sa swimming pool.
“Wala pa naman, hindi pa naman siya nagpo–propose, eh. Gusto ko lang gumaling nang husto sa pagluluto. Lalo na’t celebrity chef pa ang magtuturo sa akin nang libre.”
Natawa si Trisha sa narinig.
“How about next week, busy ka ba?” tanong pa ni Kate.
“Let’s see. Punta na lang kayo rito mamaya nina Jane mamayang hapon.”
“I can’t. May date kami ni Jay–Jay mamayang hapon.”
Sandali pa silang nagkuwentuhan ni Kate bago nagpaalam sa isa’t–isa. Dumeretso siya ng banyo, naghilamos at nag-toothbrush.  Matapos magbihis ng pambahay ay bumaba na siya at dumeretso sa kusina. Nadatnan niya roon ang kanyang mommy kasama ng mga maids na abala sa paghahanda ng mga lulutin. Sa pamilya nila, kapag ganoong maliit na handaan lang, hindi uso ang catering. Parehong magaling magluto ang kanyang mga magulang kahit pareho ring busy. At namana niya ang talentong iyon.
“‘Morning, Mom,” bati ni Trisha at hinalikan sa pisngi ang ina.
“Mabuti naman at bumaba ka na, ipapagising na sana kita. Ano’ng oras ka ba nakauwi kagabi?”
Kagat-labing tumalikod siya para kumuha ng mug sa cupboard. “Late na pero kasama ko naman si Ken, siya ang naghatid sa akin.”
Dahil sa inaanak ng mommy niya si Ken at kilala na mula pa pagkabata, malaki ang tiwala ng mommy niya sa binata. Parehong barkada ng mommy niya ang mga magulang ni Ken noong estudyante pa lang ang mga ito.
“Okay. Mag–almusal ka na at tumulong ka sa amin dito. Nagpunta sa La Loma ang daddy mo para bumili ng lechon kasama si Troy.”
“Okay.” Bitbit ang mug ng kape at dalawang hotdog na nakatusok sa tinidor, nagpunta siya sa teresa. Nadatnan niya roon ang kapatid na si Ethan kasama sina Paolo, Lance, Bernard, Jay–Jay at si Ken. Nagbubuhat ang mga ito ng mga steel chairs na nanggaling sa bodega. Pawang mga nakapang-basketball outfit ang mga ito na may nakasulat na Offsprings 21 na siyang pangalan ng barkada nila.
Nagulat si Trisha nang makitang naroon din si Ken, ilang oras pa lang ang nakakalipas nang maghiwalay sila at tulad niya, napuyat din ito. Base sa hitsura ng binata ay mukhang kanina pa ito naroon. 
“Hi, Trish,” bati ni Ken nang makita siya. Ibinaba nito ang buhat–buhat na mga silya at lumapit sa kanya.  May katagalang halik sa pisngi niya na sinundan pa ng yakap ang iginawad nito. Ewan kung may napansing kakaiba ang mga kasama nila. Sa tingin naman niya ay wala dahil abala ang mga ito sa kanya– kanyang ginagawa.
Nagkasundo sila na ilihim muna sa lahat ang namamagitan sa kanila. Ken objected at first but she insisted. Bukod sa nabibilisan siya sa mga pangyayari, aminado siya sa sarili na hindi pa ganoon kalaki ang tiwala niya sa binata na hindi na ito titingin sa ibang babae.
Ayaw niyang malaman ng lahat ang relasyon nila at sa huli ay magkakahiwalay lang din sila na posibleng maging dahilan ng pagkasira ng magandang samahan ng kanilang mga pamilya. 
“Kanina pa ba kayo rito?” kaswal na tanong ni Trisha. Inialok niya rito ang kinakain niyang hotdog at kumagat naman ito. Palibhasa mestiso, kahit nakasando lang ito at pawisan ay malinis pa rin itong tignan at mabango. Nakadagdag sa appeal nito ang medyo kulot nitong buhok na laging naka–trimmed at manipis na patilya at manipis na stubbles sa mukha.
“Kadarating lang namin pero nag-basketball kami kanina,” sagot ni Ken  habang ngumunguya.
“‘Di ba, napuyat ka rin? Bakit nag-basketball ka pa?” halos pabulong na tanong niya.
Napahawak ito sa batok. “Actually, hindi pa ako umuuwi. Nagkasalubong kasi kami ni Paolo pagkatapos kitang ihatid kanina, niyaya niya akong mag–basketball pagdating ng umaga kaya sa kanila na lang ako nakiidlip.”
Napailing–iling siya sa narinig. “Adik ka talaga sa basketball. Magkakasakit ka sa ginagawa mong ‘yan, eh. Pagkatapos ng ginagawa n’yo, kumain ka ‘tapos umuwi ka na at magpahinga, ha,” pabulong pa ring utos niya rito.
Napakamot ito sa batok. “Okay.”
Iyon ang madalas na nagiging dahilan ng pagtatampuhan nila, ang kaadikan nito sa paglalaro ng basketball na madalas nitong inuuna kaysa kumain o magpahinga. Frustrated basketball player kasi si Ken. He was a former King Tiger during college like Paolo at malaki sana ang potensiyal na maging isang professional basketball player pero noong third year college na, kusa itong tumiwalag sa varsity team para matutukan ang pag–aaral na labis na ikinadismaya ng coach nito. Ikinatuwa naman iyon ng mga magulang ng binata at ng lolo nito sa mother side na si Papa Angelo Yuzon na founder ng Builders.
Bilang panganay na anak at apo, alam ni Ken na ito ang inaasahang papalit sa posisyon ng ama bilang presidente ng kompanya at ang pinsan naman nitong si Gabe, sa posisyon naman ng mommy nito bilang vice presidente. Mas matimbang sa binata na gampanan ang tungkulin sa pamilya kaysa maging professional basketball player. Lalo siyang humanga kay Ken nang malaman niya ang ginawa nito noon.
Ang sabi ni Ken, ginaya lang nito ang ginawa ni Paolo na mas matanda nang isang taon na nauna nang tumiwalag sa team para makapag–focus din sa pag – aaral.
Iniwan na siya ni Ken para ipagpatuloy ang ginagawa. Lumapit ang maid kay Trisha at ibinigay nito ang isang bouquet ng tulips at carnations. Agad siyang natuwa, favorite flowers kasi niya ang tulips at carnations. Kinuha niya ang card na nakaipit doon at binasa. Nalaman niyang galing iyon kay David.
Mabilis na nakalapit si Paolo at inagaw ang card kay Trisha. “Kay David pala galing, Trish. Nanliligaw na ba siya sa ’yo? Sasagutin mo ba siya?” sunod–sunod na tanong nito.
Napatingin siya kay Ken. Nakatingin ito sa kanya habang magkasalubong ang makakapal na kilay. Halatang narinig nito ang tanong ni Paolo at naghihintay ng sagot.
“Basted na siya,” pigil ang ngiting tugon ni Trisha.
“Bakit naman?” tanong ni Paolo na pinakialaman na ang kape niya at ininom.
“He’s not my type,” may kalakasang sagot niya. Sadya niyang ipinarinig iyon sa boyfriend. Nakita niyang napangiti si Ken at itinuloy ang ginagawa.
“Boys, mamaya na ‘yan. Kumain na muna kayo,” deklara ng mommy niya na nanggaling sa loob ng bahay.
Agad na ibinigay ni Trisha ang hawak na bulaklak sa kanyang mommy. “Pakilagay na lang sa vase, Mom, magluluto na ako,” aniya at pumasok na sa loob ng bahay.

The Substitute Date - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon