Chapter Nine

6K 122 2
                                    

NADATNAN ni Trisha si Ken na natutulog sa balkonahe sa loob ng kuwarto nito.  Nakasuot ito ng pajamas at lumang sports jacket habang nakapikit na nakasandal sa rocking chair. Haggard na haggard ang hitsura ni Ken at mukha ngang may sakit. Mabuti na lang at agad siyang nagpunta sa bahay ng boyfriend nang tawagan siya at sinabing hindi ito pumasok dahil may sakit ito. Kung nagkataon ay kawawa naman ang mahal niya. Wala pa naman ang buong pamilya ni Ken kaya walang mag–aasikaso rito. Binisita ng mga magulang ni Ken ang Papa Angelo nito sa Davao kasama si Kirsten. Si Kate naman ay nasa isang event na in-organisa ng kompanya nito.
“My goodness, Ken, ang init mo!” gulat na bulalas ni Trisha nang salatin niya ang noo ng binata.
Kahapon pa masama ang pakiramdam nito, na lumala matapos nilang manood ng bastketball game ni Troy sa Araneta kasama ng mga kaibigan nila.
Sa ginawa niya ay agad na nagising si Ken. “Trish…” 
Ipinatong niya ang dalang prutas sa isang silya. “Bakit lumabas ka pa ng kuwarto?” nag–aalalang tanong niya.
Hindi ito sumagot. Tinulungan niya itong tumayo at inalalayan sa pagpunta sa kama.
Pagkahiga sa kama ay agad na namaluktot si Ken at niyakap ang sarili. Ginaw na ginaw.   Kinumutan niya ang binata, pinatay ang air-con, at isinara ang sliding door ng balkonahe bago bumaba at nagtungo sa kusina. Humiram siya ng thermometer sa maid at nagpaluto ng soup. Kumuha siya ng palanggana at nilagyan ng tubig saka nagbalik sa kuwarto ni Ken. Inilagay muna niya ang thermometer sa kilikili nito bago hinaluan ng alcohol ang tubig sa palanggana saka siya kumuha ng malinis na bimpo sa closet nito. Binasa niya ang bimpo sa tubig sa palanggana at nagsimulang punasan ang nobyo.
Tumunog ang thermometer. Napailing na lang si Trisha nang makita kung gaano kataas ang lagnat ng binata. Ipinagpatuloy niya ang pagpupunas dito. Nang dalhin ng maid ang ipinaluto niyang soup ay nakasingaw na nang husto ang katawan ni Ken at bahagya na ring bumaba ang lagnat. Pinilit niya itong kumain at saka niya pinainom ng gamot. Pinagpawisan si Ken pagkatapos kumain. Pinalitan muna niya ito ng damit bago muling pinahiga.
“Huwag ka munang aalis, ha,” paos na sabi ni Ken.
“I’ll never leave you, babantayan kita,” masuyong sabi ni Trisha habang sinusuklay–suklay ang buhok nito. Ilang sandali pa ay nakatulog na ang binata. 
Inaayos ni Trisha ang bimpo sa noo ni Ken nang biglang tumunog ang cell phone nitong nakapatong sa bedside table.
Dumukwang siya at sinilip iyon. Kumunot ang noo niya nang mabasa ang pangalang "Olga Medina” sa screen. Wala siyang kilalang Olga Medina. Inisip niyang importante iyon kaya ginising niya si Ken. Pero naputol na ang tawag. Hinintay niyang tumawag uli ang babae para siya na ang kakausap pero hindi na tumawag.
Dapit–hapon na nang bumaba si Trisha para mag–merienda. Pagkatapos ay nakialam na siya sa kusina at nagluto ng special beef noodle soup with herbs para sa binata. Dala ang tray na may lamang soup, sliced bread, sliced papaya, isang baso ng fresh orange juice at tubig ay nagbalik si Trisha sa silid ni Ken. Nadatnan niyang gising na ang binata, nakasandal sa headboard ng kama.
“Akala ko, umalis ka na,” ani Ken sa mahinang tinig.
“Sabi ko sa ’yo, hindi ako aalis at babantayan kita, ‘di ba?” Ipinatong ni Trisha sa bedside table ang dalang tray bago naupo sa gilid ng kama. Sinalat niya ang noo ng binata. “That’s good. Halos wala ka nang lagnat. Ano’ng nararamdaman mo?”
“Better than before.”
“Giniginaw ka pa ba?”
Umiling si Ken. “Pero mapait pa rin ang panlasa ko, I don’t think makakakain ako.”
“You need to eat, para makainom ka na uli ng gamot at tuluyan ka nang gumaling.”
“Ayokong kumain, Trish.”
Hindi siya nakinig. Kinuha niya ang tray at inayos sa gilid ng kama.  Sumandok siya ng soup, inihipan at inilapit sa bibig ng boyfriend.
“Trish…” sabi ni Ken sa halip na buksan ang bibig.
“Open your mouth, Ken. Don’t act like a kid, okay?”
Napilitan itong isubo ang pagkain. Pinilit niyang ubusin nito ang pagkaing nasa tray. Muli itong pinagpawisan pagkatapos kumain. Pinainom muna niya ito ng gamot bago tinulungang magbihis.
Nonood sila ng TV habang namamapak ng grapes na dala niya kanina nang maalala niyang sabihin ang caller nito kanina.
“Did you answer her call?” tanong ni Ken. Halatang nagulat ito.
“No. Naputol na ang tawag at hindi na siya tumawag uli. Sino ba si Olga Medina, Ken?”
Nag–iwas ng tingin ang binata at tumingin sa TV. “An old… client.”
“Okay.”
“Dinner na, kumain ka na muna sa baba,” pagtataboy nito.
“Mamaya na, busog pa ako. Nag–merienda naman ako sa ‘baba kanina,” sabi ni Trisha at nihilig ang ulo sa balikat nito.
Napabuntong–hininga ito. “Bumaba ka na lang doon kapag gutom ka na, ha? O kung gusto mo magpapadala na lang ako ng food dito?”
“Bababa na lang ako mamaya.”
Napatingin sila sa pinto nang biglang may kumatok. Umayos muna siya ng upo sa kama at bahagyang lumayo sa boyfriend bago sumagot. “Bukas ‘yan.”
Dala ng maid na si Seling ang cordless phone nang pumasok ito sa kuwarto. “Kakausapin daw kayo ni Ma’am Kate, Miss Trisha.” 
Tinanggap ni Trisha ang telepono. “Kate?” Lumabas na ng silid si Seling.
“Trish, ikaw pala ang nag–aalaga kay Kuya.  Thank you ha?” sabi ni Kate sa kabilang linya. Sa background nito ay bahagya niyang naririnig ang ingay ng kinaroronan nitong event.
“It’s okay, Kate,” napapangiting sabi niya at sinulyapan si Ken. Nakatingin pa rin ito sa TV pero halatang nakikinig. 
“Hindi ko naman kasi alam na magtutuloy–tuloy ang pagsama ng pakiramdam ni Kuya kanina. Naging busy pa ako buong maghapon kaya ngayon lang ako nakatawag,” paliwanag pa ni Kate.
“Huwag ka nang mag–alala, okay na ang kuya mo. Pero hihintayin kita bago ako umuwi.”
“Okay, kaya lang baka gabihin na ako nang uwi. Nasa Bulacan pa ako, hindi pa kasi tapos ‘tong event, eh.”
“It’s okay. Just drive carefully maulan pa naman. Hindi ka ba susunduin ni Jay–Jay?”
“Nasa Seattle pa si Jay–Jay, but I can manage. Sige na, Trish, pipilitin ko na lang na makauwi kaagad. Bye!”
“Bye!”
“Anong sabi ni Kate?” usisa ni Ken nang ibaba niya ang cordless phone sa ibabaw ng kama.
“Nag–‘thank you’ dahil nagkaroon ka raw ng instant nurse,” nakangiting sagot ni Trisha. 
Napangiti ito. “Kung alam lang niya na ang pinakamamahal kong girlfriend ang nurse ko.” Hinawakan nito ang kamay niya at hinalikan.
Kinilig siya sa ginawa nito. “Ano kaya’ng sasabihin nila kapag nalaman nilang tayo na?” 
“I’m sure pag–uuntugin nila tayo but eventually they will like it.”
“Gusto mo bang sabihin na natin kay Kate na tayo na pag–uwi niya mamaya?” nakangiti pa ring tanong niya.
Natigilan ito.
“Ken?”
“Sa tingin ko, mas maganda kung hahayaan na lang natin na matuklasan nila na tayo na. Para mas may thrill, ‘di ba?” sabi ni Ken nang makahuma.
“Okay,” pagsang–ayon ni Trisha. Gusto rin niya ang ideya nito.

The Substitute Date - Published under PHRWhere stories live. Discover now