Chapter 39: BLOODY BATTLE

Start from the beginning
                                    

Kasabay nilang lumipad sa himpapawid ang mga wakwak at mangkukutod na animo'y mga ibong naglalaro sa madilim na kalangitan. Naghahanap ng madadagit para mapawi ang napakasidhing kagutuman.

Mula sa kanyang kinatatayuan ay kitang-kita ni Odessa ang paglipad ng mga manananggal, wakwak at mangkukutod. Naririnig niya ang matitining na mga boses ng mga ito na tila nagdiriwang. Marahil ito na siguro ang pinakamadugong pakikipaglaban na mararanasan ni Odessa sa buong buhay niya. Nangangamba siya para sa mga taong kailangan nilang sagipin. Nangangamba rin siya sa buhay ng kanyang mga kaibigan na kasama niyang makikipaglaban. Huminga ng malalim si Odessa at saka ipinikit ang kanyang mga mata.

Lumapit sa kanya si Randy at saka hinawakan ang kanyang kamay. Tumingin si Odessa sa kasintahan at ngumiti si Randy sa kanya.

"Kakayanin natin 'to..." ang wika niya kay Odessa. Kinakabahan man ay pilit na nilalakasan nito ang kanyang loob para sa kanyang kasintahan. Hindi siya matapang kahit pa noong nagtatrabaho siya kay mr. Lee.

Tumango lamang si Odessa at pinilit na ngumiti, pero madalang nawala ang ngiting iyon sa kanyang mga labi. Makakaya ba niyang ibuwis ang buhay ng kanyang mga mahal sa buhay sa labanang ito? Ang pinakamamahal niyang si Randy, ang isa sa mga dahilan kung bakit kailangan niyang ipanalo ang labang ito. Namuhay siyang kasama ng mga tao at batid niyang walang kalaban-laban sa mga anak ng buwan. Kailangan niyang lalong maging matapang para sa kanila ngayong unti-unti ng gumagalaw si Behemot para pagharian na ang mundo ng mga mortal.

Inilalapit ni Randy ang kanyang mga labi kay Odessa. Gusto niyang hagkan at yakapin ang kasintahan bago pa man magsimula ang itinuturing niyang digmaan. Marahil baka ito na rin ang huling pagkakataon na matikman ang mga labi ni Odessa at maramdaman ang init ng mga yakap nito. "Kahit na ano man mangyari mahal ko, gusto kong sabihin ng paulit-ulit sa'yo na mahal na mahal kita at patuloy akong mabubuhay para sa'yo." ang emosyonal na wika ni Randy kay Odessa.

Idinikit ni Odessa ang kanyang noo kay Randy.  "Mahal na mahal din kita, at gagawin ko ang lahat para walang mawala na kahit na sino man sa inyo dahil importante kayong lahat sa buhay ko. Lalo ka na mahal ko. Wala akong hindi kakayanin masiguro ko lang na ligtas ka." ang halos pabulong na wika ni Odessa kay Randy.

Inilapit nilang pareho ang kanilang mga labi at ninamnam ang tamis ng bawat sandali nito. Tumulo ang mapupulang luha sa mga mata ni Odessa dahil sa bigat ng nadarama niya sa mga sandaling iyon. Hinawakan niya sa kanyang dalawang kamay ang magkabilang pisngi ni Randy at saka unti-unting naghiwalay ang kanilang mga labi. Tumingin siya ng diretso sa mata ng kanyang kasintahan at buong lakas niyang isinubong papalayo sa kanya si Randy. Tumilapon si Randy at hindi na niya nakuha pang mabigla sa ginawa sa kanya ni Odessa dahil isang napakalaking itim na aso ang umatake sa kanila.

Ilang metro sa aso ay nakatayo si Odessa at titig na titig sa nilalang na nasa kanyang harapan. Si Randy naman ay kaagad itong tumayo sa kanyang kinabagsakan at hinila ang Eskrihala sa kanyang likuran. Inihampas niya ang natitirang kalahati ng Eskrihala at nabalutan iyon ng mga sanga-sangang kuryente. Akmang aatake sana siya sa asong Mamulang nang sa di inaasahan ay dinagit siya ng dalawang wakwak sa kanyang mga kamay at inilipad papalayo sa lugar na 'yon.

"Randy!!!" ang malakas na sigaw ni Odessa pagkakita kung paano tinangay ng dalawang wakwak ang kasintahan.

Hindi niya inaasahan ang pagtama sa kanya ng buntot ng Mamulang at tumilapon si Odessa sa pader ng isang convenience store. Sumambulat ang mga bubog ng salaming pader ng tindahan at dumeretso sa loob si Odessa. Mabilis na tumayo si Odessa at pinagpagan ang kanyang sarili. Hindi pa man siya nakakabawi sa pagtama niya sa salaming pader ay nilundagan siya ng Mamulang at tinapakan siya nito sa kanyang katawan. Hindi makagalaw si Odessa dahil sa bigat at malakas na puwersa ng halimaw sa pagdiin ng paa nito sa kanya. Hindi niya inaasahan na ganoon kabilis kumilos ang isang Asong Mamulang na ngayon pa lamang niya nakaharap.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Where stories live. Discover now