Kabanata 16

1.7K 80 8
                                    


Kabanata 16

Puting Bato

***

"E-eton, kailangan mo nang umalis dito," ani Sea habang nakatitig sa sigbin na papalapit na sa likuran ng binata ngunit tanging halakhak lamang ang isinukli nito sa kanya.

"Baka ikaw ang nararapat na umalis na dito," sambit ni Eton. "Umalis ka na mismo rito sa Amissa, bumalik ka na sa pinanggalingan mo," dugtong ng binata na punong-puno ng galit at poot. Nalipat ang tingin ni Sea sa kanya dahil doon. Ramdam niya ang biglang pag-init ng kanyang mga mata dahil sa tinuran ng binata.

"Gusto kong mawala ka na rito, Sea dahil inaagaw mo ang dapat na sa akin! Sana pala hindi na kita ikinulong nang gabing iyon dahil kung hindi ay baka ikaw ang nakasalubong sa sigbin at panigurado ay wala ka na ngayon," muling sambit ni Eton. Nalukot ang mukha ni Sea nang marinig iyon at kasunod no'n ay ang pagtulo ng kanyang luha. Hindi niya lubos maisip na ganito kagalit ang binata sa kanya.

"Kaya ngayon, tumakbo ka na dahil baka hindi na makapagpigil pa ang kaibigan ko at sipsipin na niya ang dugo mo," dugtong ni Eton dahilan upang mapalingon si Sea sa sigbin na ngayon ay kaunti na lamang ang layo sa binata. Agad siyang umiling at pinunasan ang kanyang luha.

"H-hindi. Umalis ka na, Eton! Iligtas mo ang sarili mo. Papatayin ka ng sigbin!" sigaw ni Sea kay Eton, hindi na inalala pa ang galit nito sa kanya ngunit tanging halakhak lamang ang isinagot ng binata.

"Hindi ako papatayin ng kaibigan ko, ikaw ang papatayin niya," nakangising sambit ni Eton.

"Kaibigan? Kaibigan mo ang sigbin? Paano?" sunod-sunod na tanong ng diwata. May kinuhang kung ano si Eton sa kanyang bulsa at nakangising ipinakita ito kay Sea.

"Hangga't nasa akin ang batong ito, mapapaamo ko ang engkanto na 'yan," nagmamalaking sambit ni Eton. Nanliliit ang mga matang inaninag ni Sea ang batong tinutukoy ni Eton at nakilala niya ito bilang ang puting bato ni Ceres na siyang kinakatakutan ng mga mababangis at masasamang engkanto.

"Walang nakakapagpaamo sa isang sigbin, Eton," sambit ni Sea ngunit tinawanan lamang siya ng binata at binalik nito ang bato sa bulsa nito ngunit nalaglag ito sa lupa at kasunod no'n ay ang biglang pagsugod ng sigbin sa binata.

"Huwag!" sigaw ni Sea at itinapat ang palad sa sigbin. Isang kakaiba at malakas na liwanag ang lumuwa sa kanyang palad at tumama ito sa sigbin dahilan upang tumilapon ito sa malayo bago pa ito makalapit sa binata.

Mabilis na nilapitan ni Sea si Eton na napabagsak sa lupa dahil sa lakas ng liwanag na pinakawalan ni Sea at inalalayan ito upang makatayo.

"Kailangan mo nang lumayo rito, Eton," sambit niya pagkalapit sa binata.

"A-anong nangyari?" naguguluhang tanong ni Eton na hindi makapaniwala sa mga naganap, sa pagsugod sa kanya ng sigbin at sa liwanag na nanggaling sa palad ni Sea.

"Walang ibang nilalang ang makakapagpaamo sa sigbin maliban sa mga aswang! Lumayo ka na bago pa bumangong muli ang sigbin," seryosong sambit ng diwata na unti-unti nang nagbabago ang kulay ng buhok at bumabalik sa pagiging makinang na ginto.

"A-anong klase kang nilalang?" gulat na tanong ni Eton dahilan upang maitulak niya nang bahagya si Sea.

"Hindi na importante 'yon, Eton. Tumakbo ka na!" ani Sea saka tinulak si Eton at tinanaw ang sigbin na ngayon ay nagkakamalay na dahilan upang sundin na rin ng binata ang utos nito.

Tinignan nang masama ni Sea ang sigbin na ngayon ay pasugod na. Dumipa siya at kasunod no'n ay ang paglakas ng ihip ng hangin. Nagliwanag ang kanyang katawan at saka siya bumalik sa kanyang tunay na anyo – sa pagiging maliit ngunit makapangyarihang diwata. Nagwala ang lahat ng puno at nagsigapangan ang mga ugat, tila sumusunod sa utos ng kanilang prinsesa. Ang papalapit na sigbin ay napahinto dahil sa ugat na kumapit sa buntot, paa at tainga nito. Nagwala ito at pinilit na makawala sa malalapad na ugat ngunit bigo siya. Inangat siya ng mga ugat at mas hinigpitan ang kapit sa katawan nito dahilan upang tanging pag-ungol na lamang ang nagagawa nito. Ibinaba ni Sea ang kanyang kamay saka lumipad patungo sa hindi na makagalaw na sigbin.

AstraeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon