KABANATA 35: MGA TIBARO SA AMALAO

4.2K 157 2
                                    

KABANATA 35: MGA TIBARO SA AMALAO

SAMANTALA sa Amalao, sa Shangri-La Hotel sa Makati ay naroon sa malaking function room si Buhawan. Siya ang nagsasalita sa entablado sa harap ng mga kilalang negosyante at politiko. Ang anyo ni Buhawan ay bilang si Ferdinand Brazil, magandng lalaki na nasa mahigit kuwarenta anyos. At marami sa mga babaeng negosyante roon ang nagbubulong-bulungan, humahanga sa kanyang kaguwapuhan.

            “Today is an important event for Empire Holdings International. Bilang bagong Chairman ng Filipinas Mining Company, gusto kong ipaalam sa inyo na ang susunod na proyekto ay ang minahan sa Palawan. This is certainly a big project!”

            Biglang lumitaw sa PowerPoint na LED screen ang isang gubat sa Palawan. Maririnig ang bulungan ng mga tao—ang lahat sa kanila ay natutuwa.

            “May mga bumabatikos sa proyektong ito. Ang mga environmentalists na walang alam gawin kundi pigilan ang pinakamalaking project na ito ng Filipinas Mining.” Lumunok si Buhawan at biglang nilakasan ang boses. “They don’t realize what they will be missing kapag hindi ito natuloy! More jobs! More income for this country! Maraming nagugutom, maraming walang trabaho. They need money to feed their children, send them to schools, why will you stop progress? Crazy!”

            Pumalakpak ang lahat ng mga tao.

            “Sa iba’t ibang bansa gaya ng Australia, don’t you know that mining is what keeps their economy intact? Kung walang mining sa kanila, there will be recession. That’s what Filipinas Mining is doing. We are saving this country from what? C’mon, we are being left behind by our Asian neighbors. Ang mga kumakalaban sa atin ay hindi nila ginagamit ang kanilang mga utak. This project should come to reality! This project should push through! Hinahamon ko ang lahat ng bumabatikos sa Palawan project na ito! They will realize in the end that they are all wrong! This country will be proud of the achievements of Filipinas Mining Company! Cheers!”

            Itinaas ni Buhawan ang kopita ng alak at pagkatapos ay nilagok niya ito.

            Kasama ng ibang mga businessman sa conference room sina Abakay atManarang. Nasa magkabilang dulo sila at nagsusulyapan lamang. Natutuwa sila sa kanilang naririnig kay Buhawan.

NANG matapos ang conference, marami sa mga dumalaw na investors ang nagpuntahan sa isang kanugnog na function room. Si Abakay ang huling pumasok doon at isinara ang pinto. Pagkasara nito ay biglang nagbago ang anyo ng mga taong pumasok. Lahat sila ay nagtawanan, naghalakhakan. Sa gitna ng bulwagan ay nagsalita si Buhawan—mula sa anyo ni Ferdinand Brazil na batang-bata at matikas na lalaki ay nagpalit ito sa tunay niyang anyo. Tumawa ito nang malakas na dumagundong sa buong bulwagan.

            “Mga mahal kong kapwa tibaro! Nalalaman ninyo ang layunin nating lahat—ang sakupin ang mundo ng mga buntawi at ng mga tibaro ng Gabun! Sisikapin ko! Sisikapin ko kahit magkamatayan!”

            Naghiyawan ang mga tibaro sa malaking bulwagang iyon. Lahat ng mga aswang ay nagpalit ng anyo at ang mga manananggal naman ay lumabas ang maiitim nilang mga pakpak at nahati ang mga katawan at nagliparan. Lahat sila ay masayang naghiyawan habang umiinom ng kani-kanilang mga alak.

SA MEN’S room, iniluwa ng pinto ang lasing na lasing na si Buhawan. Nagtungo siya sa banyo at umupo sa inidoro. Habang siya ay dumudumi, lumalabas ang tunay nitong anyo. Pagkatapos niyon ay tumayo na siya at bumalik sa anyong Ferdinand Brazil. Nagtungo siya sa salamin at naghilamos. Nagulat siya nang—

            “Buhawan.”

            Sa salamin ay nakita niya si Liliw. Mula roon ay lumabas ito at hinarap si Buhawan.

            “Bakit ka naririto?”

            “Talagang nilamon ka ng salapi. Nilamon ka na ng kapangyarihan mo rito sa Amalao,” sabi ni Liliw. “Ni hindi ka na marunong magbigay-galang sa isang Apong kagaya ko.”

            Ngumisi si Buhawan at nangungutyang nagsalita. “Maligayang pagdating, mahal na Diyosang Liliw. Ano ang iyong sadya rito sa Amalao?” Bigla ay lumabas ang tunay na anyo ni Buhawan—matanda, kulubot ang mukha, at may nanlilisik at nakaluwang mga mata.

            “Hindi ko pahihintulutan ang pagsira mo sa kagubatang pinapangasiwaan ko. Isa ka lamang tibaro at kaya kong pigilan ang mga buntawi sa ginagawa mong pagsira para lamang sa iyong minahan,” galit na sabi ni Liliw.

            “Tibaro? Huwag mong lang-langin ang tibarong kagaya ko. Alalahanin mo, tibaro si Ronado. Pinatulan mo siya, hindi ba?”

            Hindi sinagot ni Liliw si Buhawan.

            “Ayaw mong tanggapin na kahit isa kang Apo at isang diyos sa Gabun ay puwede kang matukso sa isang tibaro na gaya ko.”

            Nanatiling matatag si Liliw. “Kung itutuloy mo ang ginagawa mong pagsira sa kagubatan, magsisisi ka, Buhawan.”

            Bigla ay nagliwanag ang kabuuan ni Liliw at naglaho.

KINABUKASAN sa opisina ni Buhawan sa Makati, sa anyong Ferdinand Brazil, nagulat siya sa magkakasunod na katok sa pinto.

            “Yes, come in.”

            Iniluwa ng pinto ang sekretarya ni Buhawan. Matangkad ito na mukhang beauty queen.

            “Yes, Miss Valmadrid?”

            Takot at natatarantang nagsalita ang sekretarya. “Sa site ng project, Sir, sa Palawan. The people were not able to clear the area. Ayaw na nilang bumalik doon dahil may mga engkanto raw.”

            “What!”

            “Nagpapakita raw sa kanila ang mga diwata sa minahan doon. I don’t believe in those things, pero nakita ko ang nangyari sa kanila. Lahat sila, kung hindi umuurong ang kanilang mga dila ay nabubulag sila tuwing magtutungo sila roon. Narito ang video, Sir.”

            Hindi tiningnan ni Buhawan ang video mula sa cell phone ng sekretarya.

            Ang mga Apo!

            “Ano’ng gagawin ko, Sir?”

            “Get out! Get out!”

SA HIMPABULAN, tahimik na pinapanood ng mga Apo ang mga diwata sa gubat sa Palawan. Masayang lumilipad ang mga diwata—tinutulungan ang mga hayop na bumalik sa iniwan nilang kagubatan. Naroong ilagay na muli ang mga nawasak na mga pugad ng ibon sa mga punongkahoy. Iniikutan ng ilan sa kanila ang mga punongkahoy na napinsala at sa isang iglap ay muling nagkakaroon ang mga iyon ng mga sanga, dahon, at mga bunga. Maligaya ang mga hayop dahil bumalik ang ringal ng kagubatan na sinimulang sirain ni Buhawan para sa proyektong minahan.

            Nagtinginan ang mga Apo at nagngitian.

            “Mabuti’y ginawa mo ang nararapat, Liliw,” sabi ni Marino.

            Sinuklian lamang ni Liliw ng ngiti ang sinabi ni Marino.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon