KABANATA 31: MGA TANONG NA NAGHAHANAP NG MGA SAGOT

5.3K 168 0
                                    

KABANATA 31: MGA TANONG NA NAGHAHANAP NG MGA SAGOT

“ANG NASA iyong kamay ay pagpapatunay na may diwani ka. Nakakagawa ka ng mga bagay na hindi nagagawa ng isang ordinaryong tibaro,” sabi ni Wayan.

            Kanina, habang nakikipaglaban si Moymoy kina Buhawan at Pontoho, ang tanging nalalaman niya ay maaari siyang gumawa ng ano mang sandata sa kanyang palad. Pagkatapos na magbunyi ang mga tibaro dahil natalo niya sina Buhawan at Pontoho ay bigla siyang nag-alala kay Alangkaw dahil sugatan ito, kaya dagli siyang nagtungo sa tore ni Wayan.

            “Kayang pagalingin ng iyong diwani ang mga sugat ni Alangkaw,” malumanay na  sabi ni Montar kay Moymoy.

            Nilapitan ni Moymoy si Alangkaw. “Kaya raw gamutin ng aking diwani ang iyong mga sugat.”

            Marahang idinikit ni Moymoy ang kanyang palad na may diwani sa mga sugat ni Alangkaw. Unti-unti, ang mga ito ay naghilom at naglaho. Bahagyang nagulat si Moymoy habang tinitingnan ang mga naghihilom na sugat ni Alangkaw. Gayon din si Alangkaw—ito ay gulat na pinapanood ang paghilom ng mga sugat na kasabay rin ng paglaho ng kanyang panghihina.

            “Ang kalaban natin ay ang kabuktutan ni Buhawan. Kahit na patayin natin siya, hangga’t hindi natin nababawi ang mga Ginto ng Buhay ay wala ring silbi. Kailangang maisauli iyon sa mga Apo at ilagay sa tamang kalalagyan,” sabi ni Wayan.

            “Hindi ko alam na asawa mo pala si Buhawan, Wayan?” paninigurong tanong ni Moymoy.

            Marahan ay tumango si Wayan. “Nang malaman ko ang tunay niyang pag-uugali ay nawala rin ang pagmamahal ko sa kanya.”

            Natuon ang pansin ni Wayan kay Alangkaw. “Alangkaw, ikaw na tinaguriang Anino ng Dalumsum, siguro’y naliwanagan ka na? Ang kinilala mong ama ay ginamit ka lamang upang kunin ang mapa ng Panalturan. Dinukot ka niya sa iyong ina. Magkapatid kayo ni Moymoy.”

            “Paano ang Dalumdum? Ako ang pinuno roon at hinihintay ako ng mga sinasakupan ko,” matigas pa rin ang boses ng nakatiim-bagang na si Alangkaw.

            Sumagot si Wayan. “Sige, magtungo ka sa Dalumdum pero dapat mong kausapin ang mga tibaro doon—sabihin mo sa kanila na kailangan nang magkasundo ang Malasimbo at Dalumdum—na ang gusto ni Buhawan ay sakupin ang mundo ng Gabun at ng Amalao sa pamamagitan ng mga Ginto ng Buhay ng mga Apo. At pagkatapos ay siya ang mamumuno sa lahat ng mga nilalang, luluhod tayo sa kanya. Alam ba ninyongpansarili ang dahilan niya kung bakit niya gustong nakawin ang lahat ng mga Ginto ng Buhay sa Panalturan?”

            Hindi umiimik si Alangkaw, nag-iisip nang malalim.

            “Alangkaw…” Huminga nang malalim si Montar. Inisip ang sasabihin upang mapaniwala si Alangkaw. “Ang ibig sabihin ni Wayan, si Buhawan ay maitim ang kanyang balak. Maitim ang kanyang budhi. Ang gusto niyang gawin ay hindi para sa ikabubuti ng lahat. Bata ka pa lamang…” Tinapunan niya ng tingin si Moymoy. “Kagaya ng kapatid mo’y dapat kayong turuan sa kabutihang-asal. Isang magnanakaw si Buhawan. Hindi niya pag-aari ang mga Ginto ng Buhay. Ito ay pag-aari ng mga Apo ng Sibol. Ang mga Apo ng Sibol ay ang mga anak ni Amang Bathala—ang dakilang may likha ng lahat. Tinuruan ka ni Buhawan na kalabanin ang kabutihan. Inuulit ko, hindi kabutihang asal ang itinuro niya sa ‘yo.”

            “Paano ako? Ako ang kinikilalang pinuno ng Dalumdum!” giit pa rin ni Alangkaw.

            “Mali nga ang itinuro ni Buhawan sa 'yo!” Nawalan na ng pasensiya si Wayan.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon