KABANATA 27:KAMUKHA KO SIYA!

5.3K 174 7
                                    

KABANATA 27:KAMUKHA KO SIYA!

SA TORE ng kastilyo ni Wayan, doon ay nakatingin sa may bintana si Moymoy, pinagmamasdan ang isla ng Dalumdum sa kalayuan.

            “Isipin mo na lang, Moymoy,” sabi ni Wayan na nasa tabi niya, “ang gagawin mo ay para sa kapakanan ng lahat ng tibaro. Ang mga tibaro ng Dalumdum ay naligaw ng landas. Kapag nabawi natin ang mga Ginto ng Buhay at naibalik sa mga Apo ay babalik sa dating anyo ang mga tibaro. Babalik kami sa Sibol Encantada kasama ng mga Apo,” natutuwang sabi ni  Wayan habang nagsasalita.

            “Kung matatalo ba natin ang mga tibaro sa Dalumdum, makikita ko ang tunay kong ina?”

             May katahimikang naghari at si Montar ang bumasag niyon. “Magiging bayani ka, Moymoy. Kahit na hindi mangyayari ang pagkikita ninyo ng iyong tunay na ina. Magagalak siya kung ikaw ang makakatanggal sa sumpa.”

            “Gagawin ko ang aking makakaya.  Pero sana makita ko ang sinasabi ninyong tunay kong ina!” may panghihinagpis na sambit ni Moymoy.

BAGO pa magtakipsilim, lahat ng mga tibaro sa Malasimbo ay nagtungo sa bulwagan na tanggapan  ng kastilyo ni Wayan.

            “Pinunong Wayan, sila ang nag-abisong lulusubin tayo rito sa Malasimbo. Tayo  ngayon ay naghihintay rito ng hudyat sa kanilang paglusob? Unahan na natin sila!” Ito ang isinigaw ng isang tibarong matabang lalaki na halos hindi na makita ang mukha—lubog sa katabaan ang mga mata at bibig nito.

            Pagkasabing iyon ng matabang tibaro ay naghiyawan ang lahat. Lalo na nang magpakita ito ng gilas nang bigla itong nagmanabay. Lumabas ang itim na mga pakpak nito at nahati ang matabang katawan. Lumipad-lipad iyon sa bulwagan.

            Hindi nakakibo si Wayan, tumingin siya kina Montar at Ibalong Saryo na kasama niya sa entablado. Si Moymoy ay nasa harap, sa ibaba ng entablado kasama ng iba pang mga tibaro.

Patuloy sa paghihiyawan ang mga tibaro sa loob ng bulwagang iyon. Hindi malaman ang sasabihin ni Wayan nang mga sandaling iyon. Iniisip niyang tama nga ang tinuran ng matabang tibaro. Pero bago siya nakapagsalita ay natigilan ang lahat sa tinig ng isang uwak. Nakita nila ang pagpasok ng uwak na nakausap na ni Wayan. Ito ang nag-abisong lulusubin ng Dalamdum ang Malasimbo.

            Nakita nilang nag-iba ang kulay ng mga mata ng uwak—naging kulay pula nang magsimulang magsalita. Nariyan na sila.

            At nang ibaling nila ang kanilang tingin sa mga bintana ng bulwagan ay nakita nila sa di-kalayuan ang mga tibaro ng Dalumdum, nagliliparan patungo sa kanila—nanlilisik ang mga mata ng mga ito habang lumilipad sa likod ng bilog na buwan—patungo sa Malasimbo.

            Kaagad na nagsalita si Wayan. “Mga kapwa ko tibaro ng Malasimbo! Ipinapaalala ko sa inyong lahat—huwag isama ang mga bata! Kailangang maiwan sila rito at lahat ng nakatatanda lamang ang makikipaglaban!”

            Ang mga tibaro na nasa hustong gulang lamang ang humanda sa darating na labanan. Ang mga aswang ay nag-anapaya at ang mga manananggal ay nagmanabay. Niyakap ng mga magulang ang kanilang mga anak at sila’y nagpaalamanan. May iilang batang umiyak sa pag-alis ng kanilang mga magulang upang sumabak sa labanan.

            Pagkaraan ng ilang saglit, lahat ng mga tibarong sasabak sa labanan ay nagpuntahan sa bawat bintana ng kastilyo at pagkatapos ay sabay-sabay na naglabasan, nagliparan patungo sa himpapawid—sa labanan. Sa kalawakan, mistula silang mga ibon na biglang lumabas sa kuweba na nakawala pagkatapos ng maraming panahon ng pagkakakulong.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon