KABANATA 34: MGA APO NG KALIKASAN

4K 146 0
                                    

KABANATA 34: MGA APO NG KALIKASAN

SA HIMPABULAN, naroon ang magkakapatid na mga Apo—nagpupulong para sa kanilang mga sinasakupang kalikasan.

            Mula sa kanyang trono, tumayo si Marino.

“Bilang tagabantay ng tubig kalikasan na siyang higit na maraming sinasakupan, gusto kong sabihin sa lahat na kailangang bantayan nang mabuti ang mga itinakda sa atin ni Amang Bathala.”

            Tumayo rin si Ilawi.

“Babantayan kong mabuti ang liwanag. Hindi ko ito pababayaan.”

            Si Amihan ang sumunod na tumayo.

“Hindi mapigilan ang ginagawa ng mga buntawi. Marami na silang itinayong mga bagay sa Amalao na nakapipinsala sa hangin. Hindi ako makapapayag na tuluyan itong masira, mga kapatid kong Apo.”

            Ang huling tumayo ay si Liliw.

“Bilang tagapag-alaga ng kagubatan, sinisikap kong huwag tuluyang mapinsala at masira ang lahat ng mga halaman at kabundukan, pero sadyang malupit ang mga buntawi. Tuluyan na ngang nasisira ang balanse ng kalikasan.”

            Itinuro ni Liliw ang bintana ng Amalao at doon ay namalas nila ang isang kagubatan na napapaligiran ng mga tao at makinarya.

“May isa na namang malaking minahang sumisira sa isa pang kagubatan sa Amalao. Ang mga puno ay papatayin nila, mawawalan ng tahanan ang mga hayop. Ang mga batis ay maglalaho. At ang mga katutubong namumuhay doon mula pa sa panahon ng kanilang mga ninuno ay muli na namang mawawalan ng tirahan at likas nilang yaman…”

            “Kailangan itong pigilan,” may pag-uutos ang tinig ni Marino.

            Huminga nang malalim si Ilawi. “Kailangan, Liliw. Kailangang pigilan ito.”

            Tumapang ang mukha ni Liliw. “Kung kinakailangang maging marahas ay gagawin ko, alang-alang sa mga mundo ng Amalao at sa mundo natin dito sa Gabun.”

            Nagtinginan ang iba pang mga Apo.

            “Alam nating lahat na ito ay kagagawan ni Buhawan. Sa naging ugali ng mga buntawi na mangamkam ng pag-aari at magkamal ng kayamanan, si Buhawan ang nagmulat sa kanila noong nagdaang panahon,” sabi ni Liliw.

            “Ginagawa mo ba ito dahil gusto mong gumanti kay Buhawan?” tanong ni Amihan kay Liliw.

 “Baka nakakalimutan mo, hindi dapat mangibabaw ang damdamin natin. Ang dapat mangibabaw ay ang dapat gawin para sa kabutihan ng Gabun,” sabi ni Marino.

            “Nagkakamali kayo kung ano man ang iniisip ninyo. Kung ano ang magiging hakbang ko para matigil ang walang sawang pamiminsala sa kagubatan ng Amalao, wala itong kinalaman sa nangyari sa akin—sa minsang paglabag ko sa liya.”

Itinaas ni Liliw ang kanyang noo at ipinakita ang tigas ng kalooban, ang tinig ng isang diyos na tagapangalaga. “Bilang diyos ng kagubatan, gagawin ko ang nararapat gawin.”

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon