HEK-14

4.9K 150 3
                                    


HEK-14

"Tumigil ka!" singhal ni Exus sa akin. Umismid ako. 

"Summone fratrem meum, Zsakae!" dugtong ko sa aking unang binigkas. 

Bigla namang sumulpot ang pinsan kong si Zsakae. Hawak niya si Kaye na gulat pa sa nasaksihan nito. 

"Ama!? Kuya!? Anong ginagawa ninyo rito!?" gulat na tanong ni Kaye. 

"Hangal ka Mocha!" nanggagalaiting bulyaw sa akin ni Exus.

"Oh bakit? Nagulat ba kita?" 

"Ate Mocha?" gulat pang baling ni Kaye sa akin. 

Inihagis ni Zsakae si Kaye sa akin at agad ko rin naman siyang sinalo kasabay ang pagtapat ng matalim kong espada sa leeg ni Kaye. Narinig ko ang malalim na pagsinghap ni Kaye. 

"A-ate..." nauutal niyang wika. 

"Ssh, tinatakot ko lang ang ama mo," bulong ko sa kanya. 

"Bitiwan mo ang anak ko!" galit na utos ni Exus sa akin. 

"Ayaw ko. Makipagkasundo ka muna sa akin."

"Hindi ako makikipagkasundo sa iyo!" 

Mas lalo kong itinapat sa leeg ni Kaye ang hawak kong espada. 

"Madali naman akong kausap," sagot ko at akmang gigilitan ng leeg si Kaye. Gulat pa siya nang makita kung gaano ako kaseryoso at nakikita ko na sa mga mata niya ang matinding takot sa akin. 

"Tigil!" pigil ni Exus sa akin. 

"Madali ka rin pa lang kausap," wika ko at mala demonyong humalakhak. 

"Ano ang iyong nais!?" Kitang-kita ko ang pagpipigil nito ng galit. 

"Kalayaan ni Alquin," mariing sagot ko. 

"Hindi kita mapapayagan!" 

"Puwes ulo ni Kaye ang makikita mo!" banta ko at iniangat ang aking espada. 

"Sandali!" pigil ni Exus sa aking muli. 

Tiim bagang siyang tumitig ng matalim sa akin. 

"Papayag na ako!" Agad namang lumitaw si Zsakae sa kanyang likuran at mabilis na kinuha ang kanyang kanang palad. Sinugatan ito ni Zsakae. May ibinato namang blangkong papel si Alquin sa akin at agad ko rin namang sinalo ito pagkatapos kong pakawalan si Kaye. 

Sinugatan ko ang aking palad at pinaagos ang dugo ko sa blangkong papel. Ibinato ko ito kay Zsakae at kamay naman ni Exus ay inilapat niya sa duguang papel. 

"Pactum est occultatum revelare," sambit ko. Agad na nagmarka sa papel ang kasunduan namin dalawa. Inirolyo ito ni Zsakae at muling ibinato sa akin ang papel. 

"Bibigay ka rin pala, pinatagal mo pa," wika ko at sumenyas kay Zsakae na alisin na si Kaye sa aming harapan. 

"Saan niyo siya dadalhin!" wika ni Exus. 

"Huwag ka mag-alala, ibabalik lang siya kung saan siya kinuha ni Zsakae. Ligtas ang anak mo." 

Nakuyom naman nito ang mga kamao. 

"Malaya kang makalalabas ng pamamahay namin," wika ko habang pinaniningkitan ko siya ng aking mga mata. Umatras ako. 

"Hindi pa tayo tapos Zoldic!" banta pa nito at muli ay nagbago ng anyo. Umalulong at kumaripas ng takbo palayo. 

Agad kong nabitiwan ang espada ko at tumakbo palapit kay Alquin. 

"Malalim ba ang iyong sugat!?" agad na usisa ko. 

"Wala akong sugat," sagot siya at ipinakita pa sa akin ang walang galos niyang katawan. 

Diretso ko siyang nasuntok sa mukha. 

"Pinag-alala mo ako! Hangal ka!" inis kong wika. 

Hinawakan niya ang kanyang panga at bahagyang pinatunog ang kanyang buto. 

"Hindi naman ako ganoon kahina. Umaarte lang ako sa harapan ng amain ko, Mocha." Inirapan ko siya. 

"May gana ka pa talagang umarte sa harapan ko at talagang napaniwala mo ako do'n. Puwede mo namang paslangin si Exus kung gugustuhin mo." 

"Hindi alam ni Exus na ako ang huling lahi ng mga bellator. Kapag nalaman niya iyon, magkakaroon ng digmaan at ako ang gagamitin niya bilang isang sandata para ubusin ang angkan mo. Ngunit hindi ako ganoon kasama gaya ng aking amain Mocha. Hindi ko sasaktan ang mga taong nagpapasaya sa iyo."

Nakagat ko ang aking labi at agad siyang niyakap. Mariin ko siyang hinagkan sa kanyang mga labi at mapusok din naman niya akong tinugunan. 

Ngunit pareho rin naman kaming natigil ni Alquin nang tumunghay sa harapan namin si Ericka. Ang mga mata'y niyang nag-aalab kulay pula.

"Ericka," gulat kong sambit dahil sa biglaan niyang pagkamalay. Ngunit hindi siya kumikibo dahil nakatuon lamang ang atensyon niya kay Alquin.

"Nauuhaw siya," wika naman ni Alquin sa aking likuran.

"Nauuhaw?" ulit ko pa ngunit laking gulat ko nang bigla na lamang akong tumilapon sa ere at diretsong bumagsak sa sahig ngunit naitukod ko rin naman agad ang aking kanang palad.

Biglang sinugod ni Ericka si Alquin. Naawat naman siya ni Alquin at nahawakan sa baywang nito. Agad akong lumapit kay Ericka.

"Ericka! Nakikilala mo ba ako ha!? Ericka!" nag-aalalang tanong ko habang ang mukha niya'y nakakulong sa aking mga palad. Patuloy pa rin siya sa kanyang pagwawala.

"Papatayin kita!" sigaw niya. Walang pag-aalinlangan ko siyang sinampal ng malakas. 

"Nahihibang ka na ba! Ako ito Ericka! Si Mocha!" muling wika ko. 

Bahagya naman siyang kumalma at bigla na lamang nawalan ng malay. 

"Mahina pa siya at hindi pa niya kaya ang sarili niya. Bakit hindi mo na lang siya ihabilin kay Steffano."

Nasapo ko ang aking noo.

"Kasalanan ko ito. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng ina niyang si Lucinda? Na pinabayaan ko ang anak niya at ginawa ko pang halimaw?" Napisil ko ang aking batok. 

"Wala kang pagpipilian Mocha. Kailangan mo siyang ibigay kay Steffano. Ang pinsan mo ang nakakaalam kung paano siya magiging maayos bilang isang bagong nilalang. Hindi mo naman siguro hahayaang mapasakamay ng masasamang loob si Ericka. At mas lalong ayaw mo naman sigurong gawin niyang pagkain ang sarili niyang mga magulang." 

Mas lalo akong nainis sa kanyang sinabi. 

"Gagawin ko na ang nais mo. Maari bang ilagay mo muna siya sa isang lugar kung saan hindi niya makakatakas?"

"Ako na ang bahala sa kanya."

Kinarga naman niya si Ericka at dinala sa tagong parte ng bahay nito. Nakuyom ko ang aking mga kamao. Ang ginawa ko kay Ericka ay labag sa batas namin. Ginawa ko siyang bampira nang wala man lang akong pahintulot mula kay Steffano. Ngunit kung hindi ko naman ginawa ang bagay na iyon ay tuluyan naman itong mamamaalam sa mundo. 

Tila'y puro kamalasan na ang dumating sa akin ngayon. At kung babalanseheng mabuti'y konti lang ang nagawa kong tama. Lahat ay puro wala sa plano. Nakakahibang!

HIS EXTRAORDINARY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 6]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon