HEK-13

5K 168 4
                                    

HEK-13

Tumayo ako. Mabigat ang aking hininga habang dahan-dahan na humakbang palapit sa kanya.

"Bakit Mocha? May balak ka bang iwan ako ulit pagkatapos ng misyon mo sa akin?" Napahikbi ako.

Nang tumapat ako sa kanya'y inangat ko ang aking mga kamay at ikinulong ang kanyang mukha sa aking mga palad.

"Ni hindi ko man lang tinanong sa iyo kung kumusta ka noong mga panahong nawala ako. Ni hindi ko man lang naisip na nasasaktan ka ring gaya ko. Naging makasarili ako Alquin. Pero sinubukan kong ipaglaban ka. Gustong-gusto kitang makasama noon. Umabot ako sa puntong gusto ko nang takasan lahat pero mahina ako. Hindi ko kayang tumayo mag-isa. Naduwag ako. Natakot ako na baka saktan ka ni ama. Natakot akong sumuway sa batas namin. At kahit labag man sa kalooban ko ang pag-iwan ko sa iyo'y ginawa ko. Nilunok ko ang lahat ng sakit," umiiyak kong wika at muling humikbi ng ilang beses. 

"Hindi totoong wala akong balak na hanapin ka. Bawat minuto, oras at araw, gusto kitang makita. Tinanggap ko ang misyon na ito para mahanap ka. Hindi lang dahil para sa pamangkin ko kundi dahil nangungulila na ako sa iyo ng lubusan. Plano ko, pagkatapos ng misyon ko'y susugal na ako sa pag-ibig ko para sa iyo. Naalala mo ba, noong hindi ko pa alam na ikaw pala ang itinakda para sa akin? Iniyakan ko iyon. Kasi hiniling ko nasa ikaw iyon. Na sana ikaw na lang at nangyari iyon, 'di ba?" 

Mapait akong napangiti at pinahiran ang mga luha niyang walang ampat din sa pagtulo.

"Mahal na mahal kita at ngayon naiintindihan na kita," wika ko. Agad niya akong niyapos at sinakop ang aking mga labi. 

"Mahal na mahal din kita," anas nito. 

Bigla namang bumitiw si Alquin sa kin. 

"Seltzer," anas niya. 

Agad kong pinulot ang dalawang espada. 

"Magtago ka Mocha," utos niya sa akin. 

"Bakit kailangan kong magtago? Maaamoy pa rin nila kami rito," mariing tanggi niya. 

"Pakiusap mahal ko, makinig ka sa akin," mariin nitong pakiusap. Umigting ang aking panga at tinalikuran siya. 

Agad kong tinungo ang silid na inilaan ko para kay Ericka. Nang umabot ako sa kanya'y mabilis ko siyang kinarga at inilayo. Dumaan ako sa likod ng bahay at naghanap ng malaking puno. Nang makakita ako ng balete ay agad ko itong inakyat at ibinaba ang wala malay na si Ericka. 

Bumalik ako sa bahay ni Alquin upang kunin ang aking naiwang mga espada. Tinalon ko ang bubungan ng kanyang bahay at nagkubli rito kung saan nakikita ko sa maliit na bintana ang bulwagan ng kanyang bahay.

Napatingala ako sa kalangitan. Sobrang liwanag ng buwan. Agad na nagbago ng kulay ang aking mga mata. Sinilip kong muli si Alquin sa ibaba. 

Bigla namang nawasak ang kanyang pinto at agad siyang pinasok ng mga tauhan ng Seltzer. Nag-anyong lobo na ang mga ito at kasunod no'n ay ang pagpasok ng isa pang asong lobo. Agad kong nakilala kung sino ito. Ang ama ni Kaye, ang pinuno ng mga Seltzer. Ang nag-iisang si Don Exus Seltzer. Agad na umigting ang aking panga.

Nagbago ito ng anyo. Mula sa pagiging lobo ay naging kalahating tao ito. 

"Bakit hindi ka na umuuwi sa atin?" tanong nito kay Alquin. 

"Dapat ba na umuwi ako palagi sa poder mo ama? Malaki na ako. Hindi mo na ako dapat alalahanin pa," anang Alquin dito. 

"Ang sabihin mo'y hibang ka na naman sa babaeng iyon! Narito siya, 'di ba? Pagkatapos kong ipasira ang bahay niya'y alam kong dito siya babagsak sa iyo."

"Ano ba ang silbi ng kasunduan niyo ni Steffano kung pinakikialaman mo naman si Mocha?" sarkasmong wika ni Alquin. 

Nakuyom ko ang aking mga kamao. Kahit hindi totoong anak ni Don Exus Seltzer si Alquin ay parang tunay na anak ang naging trato nito rito simula nang kanya itong ampunin. Iniisip ko ngayon kung alam ba nitong isang Bellator ang nobyo ko. 

"May nakapagsabi sa akin na may ibang pakay ang babaeng iyon. Hindi pumaparito ang mga Zoldic kung walang mahalagang misyon." 

Tumawa naman si Alquin. Baliw talaga siya! 

"Paano kung sabihin ko sa iyong ako ang pakay niya dahil dito..." ani Alquin sabay pakita ng marka ni Luna. Namilog ang mga mata ni Don Exus.

"Hindi totoo iyan!" bulyaw nito. 

"Bakit ama? Hindi ka ba masaya? Magbibigkis na ang angkan natin sa mga Zoldic." 

"Nakipagkasundo ako sa mga Zoldic para sa kapayapaan ngunit ang pakikipagrelasyon ay labag sa batas natin!" 

Umismid si Alquin. 

"Bakit ama? Natatakot ka bang umusbong ulit ang angkan ng mga Bellator?" 

Sinampal nito si Alquin. Nakuyom ko ang aking mga kamao.

"Hangal ka! Hindi ikaw ang sisira sa mga plano ko!"

Akmang sasakalin nito si Alquin pero bigla akong lumitaw at pumagitna sa harapan ng mga ito. Agad kong naitutok sa dibdib niya ang aking matalim na espada.

"Mocha," gulat na sambit ni Alquin sa aking likuran.

"Exus," mariing sambit ko sa pangalan nito.

"Subukan mong saktan ulit ang kasintahan ko. Ako mismo ang papatay sa iyo," mariing banta ko sa kanya.

"Mocha..." manghang sambit naman nito.

"Ang nag-iisang unang babaeng lahi ng mga Zoldic," dagdag pa nito.

"Tama ka at kahit babae ako. Hindi mo alam kung ano ang puwede kong gawin sa iyo sa oras na saktan mo si Alquin."

Nakipaglabanan ako ng matalim na titig sa kanya. Bigla naman itong napahalakhak.

"Pareho kayong hangal! Hinding-hindi mo ako matatakot babae ka! Kahit isa kang Zoldic ay mahina ka pa rin!" Umangil pa ito at muling bumalik sa pagiging taong lobo. Bigla naman akong kinabig ni Alquin at itinago sa kanyang likuran.

"Ayos lang na saktan mo ako ama, pero ang idamay si Mocha sa galit mo'y hindi ko mapapayagan!" galit na wika ni Alquin. 

"Walang kuwenta!" bulyaw nito at sinugod kaming dalawa ni Alquin.

Biglang nag-anyong lobo si Alquin at nakipagbuno sa amain niya. Ako naman ay sinugod ng dalawa pang taong lobo. Isa-isa ko silang pinabagsak at pinagsasaksak. Nang matapos ako'y bumaling ako kay Alquin. Nakagat ng amain niya ang kanyang kanang binti. 

Napaangil ako at ibinato ang isang espada. Nadaplisan ito sa kanang balikat dahilan para lumubay ito sa pagkakakagat kay Alquin. Pumagitna akong muli.

"Subukan mong sumugod ulit at isang tawag ko lang sa pinsan kong si Zsakae, patay ang pinakamamahal mong prinsesa!" banta ko sa kanya. Nag-anyong tao itong muli. 

"Hindi mo magagawa iyan! Wala rito sa isla Herodes ang anak kong si Kaye!" mariing tanggi pa nito.

"Bakit? Sinabi ko bang nasa isla Herodes siya?" Napatawa ako ng malakas.

"Nasa poder siya ng matalik niyang kaibigan, si Angelika. Iyon ang alam mo, 'di ba? Hindi mo ba alam? Na ang asawa ni Angelika ang pinsan kong si Zsakae?" nakangisi ko pang wika rito. 

"Hindi totoo iyan!" bulyaw nito at muling sumugod pero napatigil ito nang may sambitin ako.

"Omnipotens Luna!" sigaw ko. 

HIS EXTRAORDINARY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 6]Where stories live. Discover now