Part 28

37.1K 947 8
                                    

Nanigas ang kanyang likod nang makilala ang boses at tarantang napatingin sa kinaroroonan ni Rob. Napakunot-noo siya nang mapansing wala na rin ang binata sa mesa nila. Pasimple siyang huminga nang malalim bago lumingon at ngumiti. "Hey, Eric. Nandito ka rin pala."

Umangat ang mga kilay ni Eric at sarkastikong ngumiti. "Pinilit ako ng pinsan kong sumama rito. Bakit? Iiwasan mo ba ang event na ito kung alam mo na nandito rin ako?"

Pinilit ni Daisy na tumawa. "What are you saying?"

Lumapit si Eric sa kanya at halos gahibla na lang ang pagitan nilang dalawa. Hinawakan pa ng lalaki ang kanyang braso na halos magpangiwi sa kanya. "Don't give me that bullshit, Daisy. Iniiwasan mo ako. Kami. Bigla ka na lang dumistansiya nang hindi sinasabi sa amin. Why? Are we out of your league now, Miss Heiress? After all the things we did together?"

Naglapat nang mariin ang mga labi ni Daisy. Hindi niya gusto ang tono ni Eric na para bang responsibilidad niyang ipaliwanag ang sarili rito. "Iyon mismo ang dahilan ko, Eric. The things we did together. Gusto ko nang talikuran ang nakaraang pagkatao ko. I've decided to change. At hindi ko iyon magagawa kung sasama pa rin ako sa 'yo. Not unless you decide to grow up, too."

Tumiim ang mga bagang ni Eric bago pagak na tumawa. Humigpit ang hawak nito sa kanyang braso dahilan kaya napangiwi siya. "So what? Kami na ang bad influence ngayon? Baka nakakalimutan mo, Daisy, ikaw ang may pakana ng lahat ng ginawa natin noon. Nagbabago ka? Don't make me laugh. Hindi gano'n kadali 'yon. Lalo na sa 'yo."

Kahit ayaw ni Daisy ay nasaktan siya sa sinabing iyon ni Eric. "Bitiwan mo ako!" asik na lamang niya at pilit hinahatak ang braso ngunit ayaw siyang bitiwan ng lalaki. "Eric, sinabi nang bitiwan mo ako!"

Noon may malaking kamay na biglang humawak sa kamay ni Eric at puwersahang inalis iyon sa kanyang braso. "What the hell?!" sigaw nito na mukhang nasaktan.

Nanlalaki ang mga matang napatingala si Daisy kay Rob na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila. Deretso ang tingin ng binata kay Eric. Nagtatagis ang mga bagang at halatang galit.

"Sinabi niya na bitawan mo siya," malamig na sabi ni Rob.

"R-Rob..." nag-aalalang usal ni Daisy. Iyon ang unang beses na nakita niyang ganoon ang ekspresyon sa mukha ni Rob. At natatakot siya sa kung ano ang maaari nitong gawin dahil sa kanya. Hindi sa lugar na iyon. Hindi kung saan nasa malapit ang mga kaibigan ng binata.

Hinawakan niya ang braso ni Rob at bahagyang hinigit palayo kay Eric. "Don't pay any attention to him, let's go."

"Ah, ito ang lalaking kasama mo sa mga larawan sa tabloids, hindi ba?" Malisyosong tumawa si Eric.

Naramdaman ni Daisy na nakakakuha na sila ng atensiyon sa mga nasa malapit.

"Stop it, Eric!" sikmat niya sa lalaki.

Nang-iinis lang na ngumisi ito at ni hindi tumingin sa kanya. Nakatingin ang lalaki kay Rob at parang may asido sa sikmura ni Daisy dahil may palagay siyang hindi maganda ang lalabas sa bibig ni Eric.

"Bakit ka nagagalit, pare? Ano'ng pinoprotektahan mo? I already had a taste of her long before you did. At nasisiguro ko sa 'yo, hindi lang ako. Marami pa."

Nag-init ang mukha ni Daisy. Nagsisinungaling si Eric! Ang lakas pa ng boses nito na parang sinasadyang iparinig sa lahat. Sumulak ang kanyang galit at napabitaw kay Rob dahil handa na siyang sampalin si Eric. Subalit ang sunod na namalayan niya ay nakahakbang na si Rob at sa isang iglap ay inundayan si Eric ng malakas na suntok sa mukha.

Napatili si Daisy, kasabay ng ilang taong nasa paligid. Nagmura si Eric at mabilis na gumanti ng suntok. Tinamaan si Rob.

"Stop it! Stop!" sigaw ni Daisy nang gumanti si Rob. Nataranta siya at sumigaw sa nasa malapit na pigilan ang dalawa. Paglingon niya, nakita niyang nakalapit na sina Ross at Brad. Nakahinga siya nang maluwag nang magawang pigilan ng dalawa si Rob at mailayo kay Eric.

"Rob, calm down!" mariing sabi ni Ross.

"Bastard!" gigil naman na asik ni Eric.

"Stop it, Eric!" galit na sikmat ni Daisy sa lalaki. Pagkatapos ay hinawakan niya ang braso ni Rob nang pakawalan ito nina Ross at Brad. "Let's just go, Rob," bulong niya.

"Next time, watch what you say or you're going to regret it," malamig na sabi ni Rob kay Eric bago tumingin kay Ross. "Pasensiya na, ikaw na ang bahala rito."

"Sige na. Sisiguruhin ko na walang makakalabas sa mga nangyari dito. Go, man," sagot ni Ross.

Hinawakan ni Rob ang kamay ni Daisy at hinatak siya palayo, patungo sa sasakyan. Nasa loob na sila ng kotse nang mayroon siyang mapagtanto. Parang may lumalamutak sa kanyang sikmura dahil hindi siya tiningnan ni Rob kahit isang beses lang.

NAKAKABINGI ang katahimikan at nakakasakal ang tensiyon sa pagitan nina Daisy at Rob habang nasa biyahe sila. Nakikita ni Daisy na mahigpit ang hawak ni Rob sa manibela. May mga sugat at pasa ang mukha ng binata. May dugo pa sa gilid ng mga labi nito na gusto niyang haplusin subalit pinipigilan lamang ang sarili. May pakiramdam kasi siya na kapag hinawakan niya si Rob ay sasabog ang galit na pinipigilan lamang nito.

Nataranta si Daisy nang mapansing papasok na ang sasakyan sa kanilang subdivision. "Gusto mo na akong umuwi?" hindi nakatiis na tanong niya.

"Wala tayong ibang puwedeng puntahan ngayon kung saan hindi tayo makakakuha ng atensiyon. Not while I look like this," seryosong sagot ni Rob na hindi pa rin tumitingin sa kanya.

Kumirot ang dibdib ni Daisy sa tono ng binata. Humalukipkip siya at itinutok ang tingin sa labas ng bintana. Naiintindihan niya kung bakit galit si Rob. Kahit siya ay galit sa inasal ni Eric. Ngunit habang papalapit sila sa bahay niya, ang galit ay napapalitan ng pagkapahiya. Dahil bakit kailangang malaman ni Rob ang lahat ng nakakahiyang bahagi ng kanyang nakaraan? Paano kung kaya hindi siya nito matingnan ay dahil hindi na siya gusto? Isipin pa lang ni Daisy iyon ay sumisikip na ang kanyang dibdib.

Huminto sa tapat ng gate ng bahay nina Daisy ang sasakyan ni Rob subalit walang kumilos sa kanila. Sa huli, siya rin ang hindi nakatiis. Huminga siya nang malalim bago nagsalita. "Sorry sa nangyari. Hindi ko akalaing sa ganoong lugar ko pa makikita uli si Eric."

"It's not your fault," matipid na sagot ni Rob.

Lakas-loob na bumaling si Daisy sa binata at hinaplos ang gilid ng mga labi nito. Napakurap si Rob at tumingin sa kanya.

"Alam ko na hindi ikaw ang tipo na nakikipag-away sa harap ng maraming tao. I'm sorry."

Bumuga ng hangin si Rob. "Yeah. Hindi ko rin naisip na darating ang araw na mawawalan ako ng kontrol katulad kanina."

Napalunok si Daisy. Alam niya na siya ang may kasalanan ng lahat. Ayaw niya na maghiwalay sila ni Rob sa araw na iyon nang ganoon lang. Saglit na sumulyap siya sa direksiyon ng bahay nila at nakapagdesisyon. Humarap siyang muli kay Rob. "Pumasok ka muna sa loob. Gagamutin ko ang sugat mo. Please?"

Ilang segundong pinakatitigan lang ni Rob ang kanyang mukha bago kumilos. He leaned over her and took off her seat belt. Isinunod ni Rob ang sariling seat belt at walang salitang umibis ng sasakyan. Pagkatapos ay binuksan ng binata ang pinto ng front passenger seat at inalalayan siyang makababa.

Dumeretso sila sa ikalawang palapag, sa silid ni Daisy. Alam niya na nakita sila ng mga kasambahay at sigurado na pinag-uusapan na siya ng mga iyon. Subalit wala na siyang pakialam.

"Sit anywhere you like. Kukunin ko ang medicine box," sabi niya kay Rob nang nasa loob na sila ng silid. Mabilis siyang nagtungo sa banyo upang kunin ang medicine box. Nang muling lumabas ng banyo ay nakaupo na si Rob sa gilid ng kama. Nakapatong ang mga braso ng binata sa magkabilang hita at deretsong nakatingin sa direksiyong nilabasan ni Daisy.

Bachelor's Pad series book 1: MR. INVINCIBLEWhere stories live. Discover now