Part 7

43.1K 1.2K 16
                                    

DAPAT ay inasahan na ni Daisy na kahit nawala na ang mga artikulo laban sa kanya sa Internet, telebisyon, at diyaryo, hindi ibig sabihin ay magbabago rin agad ang tingin ng mga tao sa kanya. Nabura man ang mga komento sa Internet tungkol sa kanya ay nagkaroon muli ng panibago. Lalong sumama ang tingin ng netizens sa kanya dahil ginagamit daw niya ang yaman ng kanyang pamilya para itago ang kanyang kasamaan. At kahit palagi niyang sinasabi sa sarili na huwag pansinin ang mga nababasa online, masakit pa rin pala.

Kahit sa loob mismo ng TV8, hindi nakaligtas si Daisy sa masamang opinyon ng mga tao sa kanya. Sa katunayan, habang naglalakad patungo sa opisina ng TV8 Foundation ay nararamdaman pa rin niya ang nakasunod na tingin ng mga taong nadadaanan. Ang mga bulungan ay lumalakas at nakakarating na sa kanyang pandinig.

"Ang sarap ng ipinanganak na mayaman."

"Narinig ko, 'pinatapon siya sa Foundation. Hindi niya kakayanin doon. Masyado siyang sosyal."

Nilingon ni Daisy ang nag-uusap. Nagulat ang dalawa at mabilis na nag-iwas ng tingin at naglakad palayo. Umismid siya. Hindi naman pala siya kayang salubungin sa mga mata. All they could do was talk behind her back.

Mga duwag.

Nang makarating si Daisy sa magiging opisina na rin mula sa araw na iyon ay natigilan ang limang babae na nasa loob at napatingin sa kanya. Kahit siya ay natigilan at ilang sandaling pinagmasdan lamang ang mga babae. Naka-simpleng jeans at puting T-shirt na may tatak ng TV8 Foundation ang limang babae. Kahit ang buong opisina ay napakasimple. May mga mesa na may computers at tambak ng kung ano-anong papeles.

Napakalayo ng suot ni Daisy na high-heeled shoes at mamahaling dress na pinatungan niya ng blazer para magmukhang pormal. She looked out of place. At iyon ang unang beses na nakaramdam siya nang ganoon pagdating sa panlabas na anyo. She had always stood out in a good way. Hindi katulad ngayon.

Ang may-edad na babae ang unang nakabawi sa kanilang lahat. Tumikhim ito at lumapit sa kanya. "Ikaw si Daisy?"

Tumingin siya sa may-edad na babae at tumango. "Papasok na ako rito mula ngayon."

"Oo, na-inform na ako. Ako si Lottie Estupin, ang head ng public relations department ng TV8 Foundation. Ang departamentong ito ang in charge sa paperwork at pag-o-organize ng events para makalikom ng maraming donasyon at nagdi-distribute ng mga iyon sa mga nangangailangan."

Nakipagkamay siya kay Lottie, pagkatapos ay muling iginala ang paningin. May nakita siyang nakahiwalay na opisina sa dulo ng silid. "So, will that be my office?" tanong niya.

Natigilan si Lottie. "Hindi."

Muling napabaling si Daisy sa may-edad na babae at bahagyang kumunot ang noo. "Kung ganoon, saan?"

Napailing si Lottie habang ang apat pang babae ay tila nagpipigil ng tawa at napapailing din.

"What?" nalilitong tanong ni Daisy.

"Mukhang hindi mo naiintindihan. You were sent here to be the new administrative assistant. Ang mesa mo ay 'yang pinakamalapit sa pinto." Itinuro ni Lottie ang mesang tambak ng napakaraming papeles at may computer. "Dahil ikaw ang unang haharap sa lahat ng taong papasok sa opisina na ito. Lahat din ng iuutos ng mga tao rito, ikaw ang kailangang gumawa lalo na kung kailangang lumabas at mag-deliver ng mga papeles at kung ano-ano pa. In short, you are the lowest-ranking employee here."

Umawang ang mga labi ni Daisy sa pagkabigla.

Naging mapang-uyam ang ngiti ni Lottie. "Hindi ikaw ang boss dito kundi ako. Dito, assistant ka ng lahat, hindi tagapagmana. Kapag may tanong ka, itanong mo kina Monica. Sasabihin nila sa 'yo kung ano ang gagawin mo." Iyon lang at tumalikod na ito at humarap sa apat na babae, saka pumalakpak. "Okay, back to work, girls," pagkatapos ay naglakad na patungo sa opisina nito.

Bachelor's Pad series book 1: MR. INVINCIBLEOn viuen les histories. Descobreix ara