Part 8

40.1K 1.1K 14
                                    

GULAT na napatingin si Daisy sa pinagmulan ng baritono at iritableng boses. Nanlambot ang kanyang mga tuhod sa pagkabigla at muling napahawak sa pader nang makita ang lalaking tumulong sa kanya nang gabing mapaaway. Nawala tuloy ang kanyang kontrol sa sarili at naramdaman na naman ang pananakit ng mga sakong.

Pambihira naman kasi ang staff sa Foundation. Nasa kalagitnaan siya ng pagbabasa sa mga papeles na iniutos sa kanyang gawan ng report nang bigla siyang inutusan na magdala ng files sa accounting department na nasa kabilang dulo ng opisina ng Foundation. Masakit pa naman ang kanyang mga sakong subalit dahil inakala na uupo lang siya maghapon ay nagsuot pa rin siya ng high-heeled shoes. After all, when going into battle, a woman must wear her best shoes.

Torture tuloy para kay Daisy ang paglalakad. Pero siyempre, hindi niya iyon maaaring ipakita. Lalo na at lahat ng mga tao ay nakabantay sa kanyang bawat galaw at hinuhusgahan siya dahil sa mga nagawa niya noon.

"You're injured but you're wearing those shoes. Are you crazy?" sabi pa ng lalaki na nasa harap na ni Daisy at nakapamaywang.

Sa liwanag ay mas mukha itong intimidating. Lalo na at halata ang iritasyon sa mukha. Sa liwanag din ay lalong lumutang ang kaguwapuhan ng lalaki. Sandali tuloy niyang nahigit ang paghinga bago luminaw ang kanyang isip.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" bulalas ni Daisy.

"Hindi iyon ang importante. Masakit pa rin ang mga paa mo, hindi ba? Bakit ganyan ang suot mo?" tanong ng lalaki at itinuro pa ang kanyang mga paa.

Napatingin siya sa mga paa. Siguro kung hindi lang parang naninita ang tono ng lalaki, baka ma-touch pa siya sa concern nito. Ang kaso, para siya nitong sinesermunan. Sa halip tuloy na matuwa, naiinis pa siya. Tiningala niya ang lalaki at umayos ng tayo. "This is my battle outfit."

Umangat ang mga kilay nito. "Battle outfit?"

Itinaas ni Daisy ang noo at hinigpitan ang hawak sa natitirang bitbit na folder. "Yes. Dahil ito ang unang araw ko sa trabaho. Wearing beautiful shoes makes me feel confident. At pagkatapos ng nangyari nang gabing iyon sa club ay iyon ang kailangan ko."

Napabuga ng hininga ang lalaki na para bang nagpapasensiya at muling tumingin sa kanyang mga paa. "Hindi 'yan gagaling kung palagi kang magsusuot ng matataas na takong."

Naningkit ang mga mata ni Daisy. "Teka nga, hindi ko nakakalimutang tinulungan mo ako pero hindi tayo magkakilala, okay? What happens to me is none of your business."

Tumiim ang mga bagang ng lalaki. "True," matipid na sabi nito.

Akala ni Daisy ay lulubayan na ng lalaki kaya nagulat siya nang bigla nitong kinuha ang mga folder na hawak niya.

"Hey!" napalakas na reklamo niya. Nanlaki ang kanyang mga mata dahil noon lamang napansin ang tingin ng mga tao sa paligid. Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi at frustrated na tiningnan ang lalaki. "Ano ba'ng ginagawa mo? Pinagtitinginan na tayo ng mga tao."

Mukhang bale-wala lang sa lalaki ang atensiyon ng mga tao sa paligid. Ni hindi ito sumulyap sa paligid at itinutok lang ang tingin sa kanya. Sino ba talaga ang lalaking ito at ganoon ka-confident at kakomportable sa sarili? Parang walang pakialam sa ibang tao.

I used to be like him. Hanggang ma-realize ko na sumusobra na ako ng bilib sa sarili at nakakasakit na ng iba.

Ibubuka pa lamang ni Daisy ang mga labi upang isatinig ang mga katanungan sa isip nang may babaeng biglang nagsalita mula sa likuran ng lalaki.

"Rob! Ano'ng ginagawa mo?"

Sabay silang bumaling sa nagsalita. Naglalakad palapit sa kanila ang isang magandang babae na nakasuot ng leather jeans, itim na tight-fitting blouse na humahakab sa katawan, at pares ng boots. May pagtataka sa mukha ng babae habang pinaglilipat-lipat ang tingin kay Daisy at sa lalaking "Rob" pala ang pangalan.

"Yu," pagre-recognize ng lalaki.

Noon rumehistro kay Daisy kung sino ang babae. Yu Agustin. Drummer ng international band na Wildflowers. A celebrity, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Kahit isa siyang TV network heiress, ang mga katulad ni Yu Agustin ang tipo ng celebrity na kahit si Daisy hindi pa sinusuwerteng makadaupang-palad. At ngayon ay naroon si Yu, tinatawag ang lalaking tumulong sa kanya.

Tumingin si Yu sa kanya at bahagyang ngumiti. "Do you and Rob know each other?"

Kumurap si Daisy at inayos ang sarili. Ano ba ang ginagawa niya at nai-intimidate siya nang ganoon? Siya si Daisy Alcantara. Hindi siya dapat nai-intimidate ng kahit na sino.

"No."

"Yes."

Napatingin siya kay Rob dahil sabay silang sumagot. Umangat ang mga kilay ng lalaki habang nakatingin sa kanya. "Yes. Hindi ba?"

Humalukipkip siya. "Hindi pa tayo magkakilala."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob. "Oh, I know you, all right."

Nagulat si Daisy. Pagkatapos, bigla niyang naalala na nasa mga balita nga pala siya kamakailan lang. Tumawa siya nang pagak. "Of course you do. Lahat yata ng marunong mag-Internet, magbasa ng diyaryo, at manood ng TV ay kilala ako," sarkastikong sagot niya.

Pinakatitigan siya ni Rob bago ito bumaling kay Yu. "Ihatid muna natin siya sa kung saan siya pupunta bago tayo umalis, Yu. Her feet hurt."

Bumaba ang tingin ni Yu sa mga paa ni Daisy at lumambot ang ekspresyon sa mukha. "Sure."

Tumiim ang mga bagang ni Daisy. "I don't need your help."

Marahang umiling ang lalaki at hinawakan pa ang kanyang isang siko. Napaigtad siya sa tila kuryenteng biglang kumalat sa kanyang katawan sa simpleng pagdampi lamang ng kamay nito sa kanyang balat. "Stop being stubborn."

Ngumiti si Yu. "Minsan ay walang masamang tumanggap ng tulong ng iba. Besides, Rob is more stubborn than you are. Hindi ka niya titigilan hangga't hindi siya nasusunod. And people are watching."

Nakagat ni Daisy ang ibabang labi at napagtantong tama si Yu. Napabuga siya ng hangin. "Fine." Nagsimula siyang maglakad patungo sa direksiyon ng kanilang opisina. Umagapay si Rob, hindi binibitawan ang kanyang siko. Nakasunod lamang sa kanila si Yu.

Huminto siya nang ilang hakbang na lang mula sa pinto ng opisina ng Foundation. "Dito na lang. Akin na 'yan." Kinuha niya ang mga folder na hawak ni Rob na hinayaan naman siya, pagkatapos ay tumingin kay Yu at pilit na ngumiti. "Salamat sa paghahatid."

Gumanti ng mas maluwang na ngiti si Yu. May kakaibang kislap ng katuwaan sa mga mata ng babae na hindi niya malaman kung para saan. "Wala 'yon. Sinamahan ko lang si Rob na ihatid ka."

Tumango na lang si Daisy at muling tumingin kay Rob na titig na titig sa kanya. Bahagya siyang nakaramdam ng pagkailang. Lalo na at hindi pa rin nito binibitawan ang kanyang siko. "Puwede mo na akong bitawan," kulang sa puwersang sabi niya.

Marahang tumango ang lalaki at unti-unting binitawan ang kanyang siko. The tip of his fingers touched her skin. Para siyang nakuryente at hindi nakahuma. Napatingin siya sa mukha ni Rob at nagtama ang kanilang mga mata. May nakita siyang kislap sa mga mata nito na nagpasikdo sa kanyang puso. Subalit agad din iyong naglaho kasabay ng tuluyang pagbitaw ni Rob sa kanya.

"Next time, wear flats. I'm sure may battle shoes ka na hindi mapupuwersa ang mga paa mo," sabi ng lalaki na para bang hindi nangyari ang ilang segundong koneksiyon ng kanilang mga mata.

Tumango lamang si Daisy, bigla ay parang may bumikig sa kanyang lalamunan. Hindi siya makapagsalita.

Nang tumalikod si Rob at naglakad palayo kaagapay si Yu ay tahimik lang na pinagmasdan ni Daisy ang mga ito hanggang mawala sa kanyang paningin.

Bachelor's Pad series book 1: MR. INVINCIBLEWhere stories live. Discover now