Pakiramdam ni Daisy ay may mainit na kamay na humaplos sa kanyang puso. Bigla tuloy ay gusto niyang makita si Rob. Kahit pa napag-usapan na nilang magkikita sila bukas para sa charity work kasama ang mga kapwa residente nito sa building na tinitirahan.

"Pagkatapos ng interview na 'yan, for sure ay wala nang magsasalita nang hindi maganda laban sa 'yo," bulong ng nakangiting si Nessie.

Noon naging malinaw kay Daisy ang dahilan kung bakit sumagot sa interview sina Carli at Yu na bihirang gawin ng Wildflowers mula nang mag-lie-low sa industriya. Sigurado siya na iyon ang naisip ni Rob na solusyon sa maling mga balita tungkol sa kanila.

"Daisy?" untag ni Nessie.

Kumurap siya at ngumiti. "Oo nga. Mabuti kung gano'n nga ang mangyari. Let's go back?"

Tumango si Nessie at magkaagapay silang muling naglakad. Gustong-gusto ni Daisy na tawagan si Rob subalit napigilan niya ang sarili. Gusto niyang personal na makausap si Rob.

Bukas. Makikita ko uli siya bukas.

AYON kay Rob ay hindi naman daw pormal ang charity event kaya simpleng bestida lamang ang isinuot ni Daisy para sa event na iyon. Nasa unang palapag na siya ng bahay nila nang lumitaw ang kanyang ama sa itaas ng hagdan.

"Saan ka pupunta, Daisy?"

Napatingala siya rito. "Sa isang charity event with Rob."

Bumuntong-hininga ang kanyang ama at humalukipkip. "May event ka next week. Hindi ba dapat ay mas mag-focus ka sa trabaho mo imbes na magpunta sa kung saan ngayon?"

Marahas na napabuntong-hininga si Daisy. Hanggang sa mga sandaling iyon kasi ay hindi pa rin gusto ng kanyang ama ang pakikipagrelasyon kay Rob. Tuwing may pagkakataon ay palagi nitong ipinapahayag ang disgusto sa binata.

"Finalization na lang ang kailangan namin next week. Pumayag naman si Lottie na lumabas ako ngayong araw," sagot ni Daisy.

"Masyadong maluwag ang boss mo sa 'yo."

Napailing siya. "Aalis na ako, Papa. Mukhang may lakad ka rin kaya sigurado ako na may mas importante kang aasikasuhin kaysa ang sermunan ako, hindi po ba?" Nakaamerikana kasi ang kanyang papa.

"Yes. I'll be in Singapore till tomorrow. Magpakabait ka, maliwanag ba?"

"Papa, hindi na ako tulad ng dati, okay?" reklamo ni Daisy.

"Alam ko. Pero sa tingin ko, hindi ka pa rin marunong pumili ng lalaki, Daisy."

Itinirik ni Daisy ang mga mata at hindi na lang sumagot para hindi humaba ang usapan. Lumabas na siya ng bahay at tiyempo namang nakarinig siya ng busina mula sa labas ng gate kaya lalo niyang binilisan ang kilos. Siguradong si Rob na ang dumating.

Hindi naman siya nagkamali nang makita ang pamilyar na kotse ng binata.

"Hi!" masiglang bati niya, subalit sandaling natigilan nang bumaba mula sa sasakyan si Rob para pagbuksan siya ng pinto sa front passenger seat. Dalawa lamang ang ayos ni Rob tuwing nakikita niya—he was either in his suit or completely naked. Kaya nahigit niya ang hininga nang sa unang pagkakataon ay makita si Rob na kaswal ang suot. Simpleng jeans at plain white T-shirt lamang ang suot ng binata na humahakab sa katawan nito. Yet he looked breathtakingly handsome. At sa totoo lang, hindi alam ni Daisy kung kailan siya masasanay sa kaguwapuhan nito.

At may palagay siya na alam ng binata ang epekto nito sa kanya. Hinawakan pa ni Rob ang isang kamay niya at bahagyang pinisil bago siya hinila palapit. Sandaling naglapat ang kanilang mga katawan at ginawaran siya ni Rob ng magaan na halik sa mga labi. Pakiramdam niya ay nanlambot ang kanyang mga tuhod.

"Are you ready?" nakangiting tanong ng binata.

Bumuntong-hininga siya. "Yes."

Lumuwang ang ngiti ni Rob at inalalayan siya papasok sa sasakyan.

Wala pang tatlumpung minuto ang lumipas nang pumasok na ang kotse sa isang country club at humimpil sa hilera ng magagarang sasakyan. Pagkatapos ay pinagbuksan siya ni Rob ng pinto at inalalayang makababa.

Napangiti si Daisy. "Suot lang pala ang nagbago sa 'yo. You still act as if you are wearing a suit," biro niya.

Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob at ginagap ang kanyang kamay. "There are habits that are hard to break. And this is one habit I don't want to break in the first place."

"I also like you as you are right now, you know," bulalas ni Daisy bago pa mapigilan ang sarili. Gosh, kailangan ko bang banggitin ang salitang "like"? Kahit isang beses ay hindi niya narinig ang salitang iyon mula sa binata. Kahit nga ang salitang "relasyon" ay sa kanya rin nanggaling. Ano ang sunod na madudulas siyang sabihin? I don't even want to think about it.


a/n: marami pong salamat sa pagbabasa ng story na ito. naka-private na po ang mga susunod na chapters. kindly follow me to read them. enjoy!

Bachelor's Pad series book 1: MR. INVINCIBLEWhere stories live. Discover now