Natahimik siya, mayamaya ay tumango. "Oo naman."

"Ah, 'Te, salamat nga pala sa hinatid mong ulam. Pati tuloy ako e nakatipid."

Hindi siya kumibo. Patingin-tingin lang siya sa akin na para bang pinag-aaralan niya ang itsura ko.

"Mag-ayos-ayos ka naman, Ingrid. Wag mong sayangin ang ganda mo."

"Bat ba bigla kang sumeryoso diyan, 'Te Helen? Parang di ka na nasanay sa akin. Ganito naman talaga ako dahil nasa bahay lang ako palagi."

"Ikaw ba, Ingrid, e may balak mag-boyfriend?"

"Bat mo naman natanong, 'Te?" natawa na ako. Bigla-bigla naman kasi iyong mga tanong niya.

"Palagi ka lang nasa bahay, e. Home-based ang work mo, tuwing nago-grocery ka lang lumalabas ng lungga mo, ni wala kang nakikitang lalaki maliban kay Aki at sa anak kong si Totoy."

Bakit ba bigla-bigla siyang naging interesado?

"Baka may ka-chat ka, ha?"

"Wala, 'Te. Kay Aki pa lang, ubos na ang oras ko."

"Mahirap mabuhay nang nag-iisa, Ingrid."

Nagkibit ako ng balikat.

"Iba pa rin kapag may humihimas sa 'yo."

"Andiyan si Aki, hindi lang himas ang nakukuha ko sa batang iyon, may kasama pang tadyak at hampas."

Umingos siya. "Iba namang himas ang sinasabi ko!"

Hindi ko lang ma-imagine ang sarili ko na hinihimas ng kahit sino. Iisang lalaki lang ang nakagawa non sa katawan ko, pero wala na siya.

Patay na siya...

"Pero guwapings ang pinsan ko, di ba?" sabi pa niya bago tuluyang lumabas ng bahay. "Pag niligawan ka, alam mo na ang gagawin mo!"

Hindi ko kailangan ng guwapo para sumaya ako.

Si Aki lang, sapat na sapat na sa akin. Si Aki lang, kompleto na ang buhay ko.

Saka ang ambisyosa ko naman kung iisipin kong magkakagusto sa akin ang pinsan ni Ate Helen. Iyong guwapong iyon? Iyong mayamang iyon? Paano magkakagusto iyon sa isang katulad ko na—

"Ano ba 'tong iniisip ko!" ipinilig ko ang ulo ko. "Pakialam ko ba sa kanya?"

Malamang maraming babae ang Wolf na iyon. Baka mayayaman at magagandang babae pa ang mga naghahabol sa kanya.

Nagligpit-ligpit na ako ng kalat ni Aki. Sabado kaya tambak ang kalat ng bubwit. Saktong alas-tres ng hapon ng lumabas ng kuwarto si Aki, naka-briefs lang at may bitbit na tuwalya.

"Ate, pwede po ligo?"

"Hapon na! Saka naligo ka na kanina di ba?"

"Mainit po, Ate. Ligo na ako, please po?"

"O sige na nga. Basta bibilisan mo lang, ha? Saka wag ka ng maglaro sa banyo."

"Opo. Promise po!" Ngumiti ang paslit saka pumasok sa banyo.

Napabuntong-hininga ako. Sana ay palagi siyang ganito kabait at kagalang para naman hindi ako naha-haggard.

Lumipas lang ang sampung minuto, bumukas ang pinto ng banyo at lumabas mula ron ang nakahubong si Aki. Puno ng bula ang katawan ng bata.

"Aki, mababasa ang sahig!"

"Sira ang gripo! Natanggal!" sigaw rin niya. Kanda-dulas siya sa sahig.

"Ano?!" Agad akong napalapit sa kanya. Saka ko nakitang pabaha na ang sahig ng banyo dahil bumubulwak ang tubig mula sa natanggal na gripo.

Natanggal nga ang gripo at kasalukuyan na iyong nasa sahig. Patuloy sa pagragasa ang tubig at kaunti na lang ay lalabas na iyon papunta sa sala.

He Doesn't ShareWhere stories live. Discover now