Naiwang nakatayo si Daisy at hindi alam ang gagawin. Hindi siya makapaniwala. Pumayag ang kanyang ama na maging alila siya ng mga taong ito? Nang pumayag siyang mailipat sa ibang department, inaasahan niya na magiging head ng departamento. Hindi ganito.

"Bakit ka pa nakatayo riyan?" tanong ng isang babae na lumapit sa mesa ni Daisy. Tinapik nito ang mga papeles. "Ito ang trabaho mo para sa linggong ito. Kailangan mong basahin lahat ng ito at gumawa ng report. Kaya mo naman sigurong gawin ito, hindi ba?"

Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi. Minamaliit siya ng babaeng ito. At malamang, maging ang ibang naroon. Itinaas niya ang noo. "Oo naman."

Mukhang hindi naniniwala ang babae pero tumango naman at umalis.

Inilagay ni Daisy sa ilalim ng mesa ang kanyang Hermes bag at umupo sa swivel chair. Tumingin siya sa nakatambak na mga papeles na kailangang basahin lahat. Pagkatapos ay tumingin sa kanyang perfectly manicured na mga kuko at makinis na mga palad. Siguradong marurumihan ng ink ng mga papel ang kanyang mga kamay. Subalit wala na siyang pagpipilian.

Napabuntong-hininga si Daisy at dumampot ng folder. Saglit pa ay ginagawa na niya ang nakaatang na trabaho sa kanya.

"EXCITED na ako para sa show na 'yon."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob sa sinabi ni Yu, ang drummer at leader ng bandang Wildflowers. Katatapos lamang ng meeting nila sa TV8 at kalalabas lamang nila ng conference room. Naimbitahan kasi si Yu na maging coach para sa isang singing contest.

"Akala ko, hindi ka na rin tatanggap ng trabaho kagaya nina Carli," komento ni Rob habang naglalakad sila patungo sa lobby ng istasyon.

Nagkibit-balikat si Yu. "Hindi katulad nila, wala pa akong kasal na paplanuhin."

Inaasikaso pa rin kasi ng boyfriend ni Yu na si Matt ang divorce nito sa naunang asawa.

"It must be hard for you."

Ngumiti si Yu. "Hindi naman. Basta nagkakaintindihan kami ni Matt at mahal namin ang isa't isa, magiging okay ang lahat. Alam ko na mas naging mahirap para sa 'yo ang nakaraang taon dahil sa amin, Rob."

Siya naman ang nagkibit-balikat. "Taking care of you girls is my job." At kapag nagdesisyon ang lima na tuluyang iwan ang music industry, kailangan na rin niyang bumalik sa Amerika at humawak ng ibang talent.

"Dapat humanap ka ng babaeng aalagaan mo na hindi dahil sa trabaho. At siyempre, iyong aalagaan ka rin. Someone who can make you stay at one place kapag dumating ang panahong kahit kami ay hindi ka na mapipigilan," biro ni Yu.

Napailing si Rob. Noong nakausap niya si Carli sa telepono, nabanggit din nito ang tungkol doon. Kahit sina Anje, Ginny, at Stephanie ay palaging ganoon ang litanya kapag nagkikita sila. "Paraan n'yo ba 'yan para idispatsa na ako bilang manager? Lahat kayo ay ganyan ang sinasabi sa akin."

Tumawa si Yu. "Gusto ka lang namin na maging masaya sa personal life mo. You have been taking care of us all these years. Gusto namin na this time, mas magkaroon ka ng mahabang oras para sa sarili mo."

Napabuntong-hininga si Rob. Bakit ba lahat ng tao sa paligid niya ay iyon ang sinasabi? "I'll keep that in mind," sagot na lang niya.

Paliko na sila sa hallway nang may masalubong na mga empleyado ng TV8. Hindi alam ni Rob kung bakit ngunit natagpuan niya ang sariling pinapakinggan ang usapan ng tatlong empleyado hanggang makalayo na ang mga ito sa kanila ni Yu.

"Talagang nagtatrabaho na siya para sa Foundation. Malamang, parusa lang iyon ng tatay niya at hindi talaga niya gustong magtrabaho," sabi ng isang babae.

"Malamang. Aba, kung ako ay ipinanganak na gano'n kayaman, hindi ko rin kakailanganing magtrabaho. At isa pa, hindi bagay sa kanya. Nakita mo ba ang ayos niya? Parang rarampa sa fashion show at hindi nagde-deliver ng papeles," sabi naman ng isa.

"Pero ang ganda-ganda niya, 'no? Talo pa ang artista," singit ng lalaking kasama ng dalawang babae.

Who are they talking about?

Nasagot ang tanong ni Rob nang makarating sila ni Yu sa lobby. Madaling malaman kung sino ang tinutukoy ng mga empleyado dahil isang tao lang sa lobby ang nakakuha agad ng kanyang atensiyon. Isang matangkad na babae na nakasuot ng sapatos na may napakanipis at mataas na heels ang naglalakad bitbit ang maraming folders. Lahat ng tao sa lobby ay nakatingin sa babae. At nang mapansin ni Rob ang pamilyar na blonde hair ng babae ay napahinto siya sa paglalakad.

Hindi siya maaaring magkamali. Ang babaeng iyon ay si Daisy Alcantara. Nakatagilid ito mula sa kanyang direksiyon subalit sapat na ang side view at ang buhok nito para masiguro niya na si Daisy nga ang babaeng iyon.

"Rob?" untag ni Yu.

Subalit hindi iyon pansin ni Rob dahil nakita niya nang humawak si Daisy sa pader at ngumiwi. Bumaba ang kanyang tingin sa mga paa ng dalaga. Kumunot ang kanyang noo. Isang linggo pa lamang ang lumilipas mula nang dalhin niya si Daisy sa ospital at binendahan ang mga sakong nito. Imposibleng magaling na ang mga iyon. At nakasuot pa ang babae ng ganoon kadelikadong sapatos?

"Wait here, Yu," sabi ni Rob na hindi inaalis ang tingin kay Daisy.

"Huh? Wait, Rob, saan ka pupunta?" habol ni Yu subalit mabilis na siyang naglakad palayo.

Deretso pa rin ang tingin niya kay Daisy na pasimpleng huminga nang malalim at tila kinokontrol ang facial expression. Pagkatapos ay dumeretso ito ng tayo at biglang nawala ang bakas ng sakit sa mukha. Nagmukha itong confident at walang nararamdamang kahit anong mali.

Bibilib na sana si Rob kung hindi lang niya nasulyapan nang malapitan na namamaga pa rin ang mga sakong ni Daisy. Muling bumalik ang iritasyon niya.

"What are you doing?" naninitang tanong niya kay Daisy nang ilang metro na lang ang layo nila sa isa't isa.

Bachelor's Pad series book 1: MR. INVINCIBLEWhere stories live. Discover now